Tapos na ang "collaboration" sa pagitan ng singer na si Jojo Mendrez at ng aktor na si Mark Herras.
Noong Martes, Marso 25, 2025, nagpatawag ng media conference si Jojo na ginanap sa Shutter Chinois Deli and Café, sa Quezon City.
Kasama ni Jojo na humarap sa entertainment media ang managers niyang sina David Cabawatan (David Bhowie) at Vince Apostol ng Aqueous Entertainment.

"MarJo or Mark and Jojo is already a closed chapter," deklara ni David.
"MarJo" ang tawag sa tandem nina Mark at Jojo kasabay ng promo ng revival song ng singer na "Somewhere In My Past."
Nagsimula ang pag-uugnay sa dalawa nang maispatang magkasama sina Mark at Jojo sa isang hotel-casino noong February 5.

Nasundan ito ng pagsipot ng aktor sa contract signing ng singer sa Star Music noong February 18.
"Sinorpresa" ni Mark si Jojo sa pamamagitan ng pagbibigay ng bouquet of flowers dito.
Bagamat may hinala ang ilang miyembro ng press na "gimik" lamang ang pagkikita nina Mark at Jojo, sinakyan pa rin ito ng ilan at ginawan ng anggulo na tila may namamagitan sa kanila.
Pero ngayon ay nakumpirmang bahagi lamang ito ng promo para sa revival song ni Jojo.
At may "honorarium" na natatanggap si Mark kapag sinasamahan nito si Jojo.
Related Stories:
- Jojo Mendrez nagpaliwanag sa spotted photos nila ni Mark Herras
- Jojo Mendrez iginiit na walang something sa kanila ni Mark Herras
THE "MARJO" COLLABORATION
Sa ginanap na mediacon, ipinadetalye ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa management team ni Jojo ang usapan nila kay Mark tungkol sa partisipasyon ng aktor sa promo ng singer.
Ayon kay David, nagkaroon sila ng verbal agreement kay Mark na makipag-collab sa kanila para sa promo ng "Somewhere In My Past" ni Jojo.
“First of all, we want to help Mark,” umpisa niya.
“After the first collaboration, nagkasunud-sunod na.
"Wala kaming anything na sinabi kay Mark na kailangan ganito-ganyan na more than work. Wala.”
Wala rin daw silang pinag-usapan kung magkano ang ibabayad sa aktor sa kabuuan ng "collaboration" nito kay Jojo.
Basta tuwing sumisipot si Mark, may honorarium daw itong matatanggap.
Pero tumanggi silang sabihin kung magkano ang ibinibigay nila sa aktor.
Saad ni David: “Every appearance... hindi naman kasi ano, e. Wala kaming definite na price.
“May honorarium. Ayokong tawagin na talent fee, because yung talent fee is fixed na dapat meron siyang contract.
“So we are giving honorarium to Mark.
"Kasi, since wala naman siyang manager, at sinasabi namin every time na, 'Mark, punta ka dito.' Kami nagde-decide na magbibigay.
"More than pa nga yung nabibigay ni Jojo sa unang sinasabi ko.
“Halimbawa, sinabi ko na ‘O Mark punta ka dito, magre-recording tayo, fifty thousand pesos...' Halimbawa lang, ha?
“Pag andun na, sasabihin ni Jojo dagdagan na kasi nag-effort si Mark.
“In other words, money isn’t the issue here.
"Ang issue talaga why we conducted this presscon is to put an end dun sa ‘MarJo’ na chapter,” sabi pa ng manager ni Jojo.
Read: Mark Herras at Jojo Mendrez, may duet ng "Somewhere In My Past"
MARK HERRAS OUT, RAINIER CASTILLO IN
Nilinaw at ipinagdiinan ni Jojo na hanggang sa "collaboration" lang ang naging ugnayan nila ni Mark.
Hindi raw umabot sa isang romantic relationship, taliwas sa iniisip umano ng karamihan lalo pa't alam ng publiko na may pamilya si Mark.
Nagulat naman ang ilan nang biglang pumasok sa eksena ang kaibigan at kapwa StarStruck alumnus ni Mark na si Rainier Castillo.
Pero kapansin-pansing pareho ang pattern ng "collab" ni Jojo kina Mark at Rainier.
Gaya kay Mark, nagsimula rin ang "collaboration" ni Jojo kay Rainier nang maispatan silang magkasama sa isang hotel-casino nitong buwan ng Marso.

Nasundan ito ng "surprise appearance" ni Rainier sa launching ng first original song ni Jojo na "Nandito Lang Ako," composed by Jonathan Manalo, noong March 21.
Read: Jojo Mendrez, gimmick lang ang pagkaka-link kina Mark at Rainier?

Kagaya ni Mark, ayon kay David, may bayad din si Rainier tuwing may appearance itong may kinalaman sa promo ng kanta ni Jojo na "Nandito Lang Ako."
Pero hindi raw ganun ka-demanding si Rainier kumpara kay Mark.
May ilang lakad daw na wala naman silang ibinibigay kay Rainier.
Sabi ni David: “Malinaw na sinabi ni Jojo na walang namamagitan sa kanila ni Mark. Same as with Rainier, it’s purely work.
“Kung anuman ang nagiging closeness nila, it’s between them. Let’s put it that way.
“Kung may nade-develop na feelings, sila na makakapagsabi niyan.
"Pero me, as the manager, professional lagi ang tinitingnan ko, e. Professional work lang nila."
Read: Mark Herras speaks up on being linked to Jojo Mendrez
JOJO MENDREZ CAMP ON MARK HERRAS' ALLEGED DEBT
Nag-umpisa raw masira ang samahan nina Jojo at Mark nang nagsimula na umanong umutang ng pera ang aktor sa singer, bukod sa mga ibinibigay na honorarium dito.
Naipon daw ang mga inutang ni Mark na umabot ng halos isang milyong piso.
Ayon kay David: “Dumating sa point na panay na panghihiram ni Mark.
"And si Jojo na he's very generous... kapag nakita na nangangailangan, hindi naman siya nagdadalawang-isip."
Pero dumating na sa puntong may mga pagbabanta na raw si Mark para lamang makautang ng pera.
Lahad ng manager ni Jojo: “For us, it's too much because may mga times na nagsabi si Mark na, 'Kapag hindi mo ako pinahiram baka magpakamatay na lang ako.'
“Meron yun, nasa messages yun, at totoong sinabi niya yun.
"Siyempre ang initial reaction ni Jojo, na-alarm siya. Ayaw naman niyang maging dahilan na siya... baka ituloy, hindi niya alam. Sinabi niya sa amin.
“He's [Mark] promising na ibabalik naman niya…
"Nanghihiram ng 300 thousand [pesos] para sa bahay na pinapagawa. Humiram ng 70 thousand, dito sa restaurant sa Shutter.
“I am not blaming because he's striving for his family, I know."
Idiniin ni Jojo na "walang kapalit" ang pagpapahiram ng pera ni Jojo.
Aniya: “Si Jojo naman, walang kapalit yan, e. Kahit magharap-harap tayo, walang hinihinging kapalit si Jojo.
"But, ini-educate pa niya si Mark na, dapat, kung naririnig namin na vices mo o mga naririnig pa nga kami to the extent na may bisyo until now, sana huwag nang ituloy.
"Kapag nagpapangaral pa si Jojo, parang siya pa yung galit, si Mark."
Hanggang ngayon ay hindi raw nila sinisingil si Mark sa mga utang nito.
Pero may sinasabi pa raw si Mark na pinagbabantaang may gagawin sa bahay ni Jojo kung maiitsapuwera ito dahil nandiyan na si Rainier.
Read: Mark Herras, walang pagsisisi sa pagpe-perform sa gay bar
THE STAR AWARDS FOR TV INCIDENT
Pero ang pinakasukdulan daw na ginawa ni Mark ay nang iniwan nito si Jojo sa Star Awards for TV na ginanap sa Dolphy Theater, Quezon City, noong Linggo, March 23.
Magkasama silang dumating sa Dolphy Theater at ang usapan ay dalawa silang magpi-present ng isang special award na ini-sponsor ni Jojo.
Pero dahil matagal pa ang paghihintay, iniwan daw ni Mark si Jojo.
Ang paalam daw ng aktor ay magsi-CR lang ito.
Pero kinausap pala nito si David para sabihing aalis na siya dahil may emergency raw.
Lahad ng manager ni Jojo: “Nung pumunta siya sa akin, sinabi niya sa akin na, ‘I'm sorry, Sir David, I have to leave. May important matter lang.'
“Sabi ko sa kanya, ‘Mark, naka-commit ka dito. And may advance payment na kami kahit wala naman dapat. Para lang makatulong din sa yo kasi lagi mong sinasabi na kailangan mo ng help, ganyan-ganyan.'
"So, kami na mismo ang nagpapadala sa kanya, whether GCash ba o cash, kapag kukunin niya nang personal.
"May emergency. Hindi ko alam kung ano yung emergency, 'but I have to leave,'” sabi raw ni Mark.
Mabuti at napakiusapan daw nila si Rainier kung puwede itong pumalit kay Mark.
Sabi ni David: “So I have to do something, and I thought right away to call Rainier.
"And parang knight in shining armour si Rainier. Buti na lang nasa area siya. Quezon City lang din ang bahay niya, e.”
Kaya ang nangyari, si Mark ang kasama ni Jojo na dumating sa Star Awards, pero pagdating sa pag-present ng award ay si Rainier na ang kasama nito.
Read: Rainier Castillo on showbiz absence for 10 years: “Nalihis, namali ng landas.”
JOJO MENDREZ ENDS COLLABORATION WITH MARK HERRAS
Pagkatapos nito ay nag-text daw si Jojo kay Mark na tapusin na nila ang kanilang "collaboration."
Mahaba raw ang text message ni Jojo sa kanya, pero sinagot lang daw siya ni Mark ng thumbs up emoji.
Saad ni Jojo: “It's about time na wala na, wala nang kasunod yung MarJo, at saka dumating na rin yung point na medyo mabigat na.
“Nag-goodbye na ako sa kanya through text message. Ang haba ng text message ko sa kanya.
"Tapos, nagpasalamat ako sa lahat at sinabi ko na mag-ingat siya.
"At ang sinagot lang niya sa akin, thumbs up. Nag-thumbs up."
Halata ang sama ng loob na nararamdaman ni Jojo dahil wala naman daw siyang ibang hinihingi kay Mark.
Pahayag niya: “Hindi ako nagsingil ng anything. Wala kaming pinag-usapan tungkol sa ganun.
"Ang sa akin lang, ang ginawa niya nung gabi na nawala siya, hindi ko alam kung saan nanggaling yung galit niya o anong dahilan.
"Kasi madali namang magsabi na, 'O, Jo, may emergency sa ganun.'
"Magpaalam nang maayos. Hindi yung sasabihin na magsi-CR lang. Hindi ko alam na may mangyayaring ganun.
“Hindi ko alam, bakit mo gagawin sa tao na tinutulungan ka niya sa panahon na wala ka?
"At saan nanggaling yung galit? Iyon yung hindi matawid ng isip ko, bakit ginawa niya yun.
“Yun lang, nagpasalamat ako sa lahat-lahat, na maraming salamat sa huling magkasama kami.
"Parang nasabi ko dun na, 'Lahat ng mabuting nagawa ko sa yo ay wala yun hininging kapalit.'
“Sabi ko, 'Yung sa buhay na dadating napakahirap na sa panahon na bigla kang may kailangan ay wala kang matatakbuhan.'
"Ang sabi ko sa kanya, 'Mag-iingat ka lagi.'
"Tapos after few minutes, nag-thumbs up siya."
Nilinaw muli ni Jojo na wala silang romantic relationship ni Mark.
Itinanggi rin niyang gimik ang desisyon niyang tapusin na ang kanilang "collaboration."
Sabi ng singer: “Wala kaming relasyon ni Mark Herras, once and for all.
“Hindi ho gimmick ito para pag-usapan kami. Walang namamagitan sa amin ni Mark Herras at the same time, hindi ko alam ang takbo ng isip niya.
“Sa side ko, alam ko yung nilalaman ng isip ko at ng sarili ko. Hindi ko alam kung ano ang impression niya sa nakikita niya. So, magkaiba kasi yun e.
“So, at this time, wala kaming any relationship or any commitment sa isa't isa. Hindi ko alam kung saan nanggagaling yung ganung galit.
“Siguro it's about time na tumigil na siya. Kasi siyempre, instead na napo-promote na yung kanta ko ay napupunta na ang usapan kay Mark, kay Rainier.
"Siguro it's about time na itigil na siya. Gawa ng nabubugbog-sarado na ako sa social media, e.”
Ilang beses nagpadala ng text message ang PEP kay Mark upang hingin ang kanyang pahayag sa isyung ito. Pero hindi siya sumasagot.
Sinubukan din namin siyang tawagan sa pamamagitan ng cellphone, pero tila naka-block na ang numero namin sa kanya.
Mananatiling bukas ang PEP sa panig ni Mark kaugnay ng mga naging pahayag ng kampo ni Jojo.
Read: Mark Herras says no bad blood with Sparkle; still with GMA-7
