Solo flight si Janine Gutierrez nang dumalo sa 38th Star Awards for TV noong Linggo, March 23, 2025, pero gusto raw sana siyang samahan ni Jericho Rosales.
Itinanghal si Janine bilang Best Supporting Actress para sa Kapamilya primetime series na Lavender Fields (September 2, 2024 to January 17, 2025).
Si Jericho ang gumanap na estranged husband niya sa serye na naging daan para sila ay magkakilanlan at magkahulugan ng loob.
"Oo, nag-congrats siya. At sabi niya, sana raw nakarating siya pero may shooting kasi siya for Quezon," tukoy ni Janine sa sinu-shoot na pelikula ni Jericho ngayon.
Read: Janine Gutierrez asked about real score with Jericho Rosales
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Janine sa sidelines ng 38th Star Awards for TV, na inorganisa ng Philippine Movie Press Club PMPC), sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound.
Nagpapasalamat si Janine na may taong katulad ni Jericho sa buhay niya.
"Grateful ako and happy kasi parang nagiging mas madali sa akin na sumugal sa role or magtiwala sa sarili kong kakayahan dahil may ibang nagtitiwala sa akin," nakangiting saad ng dalaga.
Tinanong ng PEP.ph si Janine kung anu-ano ang mga bago niyang nadiskubre sa aktor habang tumatagal ang relasyon nila.
"Ganun pa rin naman, mga bagay na alam ko na. Siguro masaya lang kasi kahit magkaiba kami ng project ngayon, parang patuloy yung suporta," sabi ng aktres.
Read: Jericho Rosales asks Janine Gutierrez: "Girlfriend daw ba kita?"
JANINE GUTIERREZ AND JERICHO ROSALES INSTAGRAM OFFICIAL
Umpisa pa lang ng Lavender Fields ay kinumpirma na nina Jericho at Janine na nagkakamabutihan sila.
Hulyo 2024, habang kinukunan pa lang ang serye, namataan nang nagdi-date ang couple. Namataan sila sa National Museum, sa isang mall, at sa album launch ng kapatid ni Janine na si Diego Gutierrez.
Noong Pasko at Bagong Taon ay magkasama rin sina Janine at Jericho, at hindi rin nila itinago na kasama ang aktor sa gathering ng pamilya ng aktres.
Wala man silang opisyal na kumpirmasyon, marami ang naniniwalang magkarelasyon na sila.
"Instagram official" nang maituturing ang dalawa nang mag-post si Jericho ng sweet couple photo nila ni Janine sa tabi ng pool, at sakto pang Valentine's Day noon.
Read: Jericho Rosales' V-Day post with Janine Gutierrez sparks kilig
Ang tanging sinabi ni Janine sa latest interview ng PEP, suportado ng kanyang mga magulang kung anumang desisyon niya sa buhay-pag-ibig.
"Oo, okay sila, okay silang lahat. Actually, never naman sila naging mahigpit sa akin. Parang grabe yung tiwala nila.
"Chill lang naman ang parents ko, si Mama at si Papa," tukoy niya sa mga magulang na sina Lotlot de Leon at Monching Gutierrez.
JANINE gUTIERREZ ON DEO ENDRINAL, LEO DOMINGUEZ
Samantala, proud si Janine na kinilala ang kanyang trabaho sa Lavender Fields.
"I'm so happy talaga," sambit niya.
"As in di ako makapaniwala kasi sobrang ito talaga yung role na akala ko hindi ko magagampanan.
"I'm so thankful to PMPC sa karangalang ito, ite-treasure ko ito forever.
"Kasi, parang yung tiwala na binigay sa akin ni Sir Deo at yung manager ko, si Tito Leo, na kaya ko ang role na ito.
"Siguro lalo kong napatunayan dahil sa karangalang binigay ng PMPC kaya maraming salamat."
Si Deo Endrinal ang head ng Dreamscape Entertainment, ang content producer ng ABS-CBN na nagprodyus ng Lavender Fields. Pumanaw si Deo noong February 2024.
Si Leo Dominguez, longtime manager ni Janine, ay pumanaw naman noong May 2024.
THANKFUL TO DREAMSCAPE
Gumanap si Janine sa Lavender Fields bilang Iris Buenavidez-de Vera, ang palabang kontrabida.
Nagpasalamat ang aktres sa iba pang kasamahan sa Dreamscape na tumulong sa kanyang magampanan nang mabuti ang kanyang role.
Kabilang dito si Kylie Manalo-Balagtas, current over-all head; Rondell Lindayag, head of creatives; at Joel Mercado, creative manager.
"Nahirapan talaga ako pero sobrang tinulungan talaga ako ng Dreamscape, nila Ms. Kylie, ni Sir Rondell, lahat sila.
"Si Sir Joel, yung writer. Talagang binigyan nila ako ng extra attention para talaga matulungan ako kung paano siya gawin."
