Ipinaliwanag ni Sofronio Vasquez kung bakit mas pinili niyang unahin ang kanyang singing career sa Pilipinas kesa mag-focus sa international career.
Nagbigay ng karangalan sa bansa si Sofronio nang tanghalin siya bilang The Voice U.S. Season 26 champion noong December 2024.
Si Sofronio rin ang kauna-unahang Asian na nanalo sa tanyag na international singing competition.
Humarap sa press si Sofronio para sa contract signing niya sa Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN, nitong February 25, 2025.
Usisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), bakit mas pinili niyang mas mag-focus sa career sa Pilipinas kesa sa kanyang international career?
Bungad ni Sofronio, napapanahong sagutin ang tanong na ito ngayong pumirma siya sa Star Magic.
“Some of the people are going to question this decision that I made,” umpisa niya.
Paliwanag ni Sofronio, bago pa man siya manalo ay napag-usapan na nila ng The Voice coach niyang si Michael Bublé ang tatahakin niyang music career.
Kung mananalo man daw siya, ang titulo ay magiging dagdag na karangalan sa kanyang pagiging Filipino artist.
Lahad niya: “Before I won, I had a conversation with Michael Bublé, that he really wanted also to just make highlight of the fact that I am an Asian, I’m a Filipino…
“And if given the chance that I will win, I think we would use that aspect of leverage to just pursue music.”
Paliwanag ni Sofronio, magandang starting point na ma-establish muna ang kanyang music career sa home country niya.
Ginawa niyang halimbawa ang success story ng kanyang coach na si Michael. Mas umingay raw muna si Michael sa Asia bago nakilala sa U.S.
“Kasi even him, he was a Canadian and he was an American-signed artist for [a] few years…
“And not until he went to Asia, and specifically in the Philippines… kung hindi siya pumunta sa Philippines and Asia, hindi siya nabigyan ng recognition as the Michael Bublé na kilala natin ngayon,” katuwiran ni Sofronio.
Dagdag niya: “So, ang gusto niyang patunayan sa akin is, 'Bakit bibitawan mo yung Asia and Philippines… as your leverage to just sustain, and kumbaga, make it more global?'
"Kasi, this is my home."
Giit pa ng "Tawag ng Tanghalan" alumn: “Lahat ng mga nananalo, it’s still a challenge for them…
"Kasi after they win as The Voice winner — I could also be wrong with this idea — mahihirapan silang mag-transcend because the music industry in America is very, very concentrated.
“Now that I have this platform — whether I can make it very big in America — I can make use of my Asian community, who’d help me na, ‘Aba, this Sofronio can make it…’”
(L-R) ABS-CBN TV Production and Star Magic head Laurenti Dyogi, ABS-CBN chief operating officer Cory Vidanes, The Voice U.S. champ Sofronio Vasquez, and Polaris head Reily Santiago. Sofronio signed up with Star Magic on February 25, 2025.
Read: Sofronio Vasquez: The Hari ng Audition is now The Voice champion
SABRINA CARPENTER IN PH BEFORE SHE MADE IT BIG
Isa pang halimbawang ibinigay ni Sofronio ay si Sabrina Carpenter, kilalang American singer and songwriter.
Sabi ni Sofronio: “Kung balikan niyo, [a] few years ago, Sabrina Carpenter, who is very big right now, made ASAP stage her stage.
“Now, Sabrina Carpenter is awarded [with] Grammy.”
Dagdag ni Sofronio, “Ngayong nandito ako sa Philippines, bakit hindi ko gagamitin? Bakit ko ili-limit ‘yon?”
Taong 2018 nang magkaroon ng collaboration si Sabrina at ang Pinoy rapper na si Shanti Dope para sa kantang “Almost Love.”
Nag-perform pa noon si Sabrina sa Sunday musical-variety show na ASAP, bago pa man siya tuluyang sumikat.

NOT WASTING HIS CHANCE
Inunahan na ni Sofronio ang mga nagsasabing “sayang yung effort” na nanalo sa The Voice U.S. at hindi niya tututukan ang kanyang international music career.
“Hindi naman sasayangin because I will do my music here. I will do my craft here,” katuwiran niya.
“Hindi lang nila nakikita na I am just working here.
“Marami din pong nag-aantay sa akin don [sa U.S.].
“Hindi ko lang puwedeng pagsasabay-sabayin kasi nag-iisa lang ako.”
Nais ipunto ni Sofronio na makakatulong kung tatangkilikin muna siya ng kanyang mga kababayan para maging daan sa international scene.
Saad niya: “I need people to work with me, and I need people with my home here in the Philippines, and with my home in America.
“So they just have to support me and sana ipag-pray niyo na hindi magiging limited yung artistry ko.
"Kasi, kumbaga, kung mananalo ako dito sa journey na pinapangarap ko, just to win a Grammy o [be] recognized as [with] the big singers, this is a win for everyone.”
Karagdagang mensahe ni Sofronio sa mga nagnanais na i-pursue niya ang international career: “Dahan-dahan lang po, ‘ika nga nila.
“Kung masyado kang matulin, kung masyadong mataas ang lipad mo, e, di, mahuhulog ka din. Dahan-dahan lang.”
Dagdag-mensahe ng singer, nauunawaan niya kung may mga kababayan siyang malalim ang hangad na makilala ang pangalan niya internationally.
Marahil daw ay excited lamang ang mga ito at may pangambang baka mabantilawan ang kanyang career.
“I would take that as a compliment din,” aniya sa mga nagmamalasakit na kababayan.
PREPARED FOR CONTROVERSIES
Inusisa rin si Sofronio kung handa na ba siyang mabato ng mga intriga at isyu ngayong isa niya siyang public figure.
“Alam niyo naman sa social media talaga, sobrang laki ng bashing or laki ng factor sa isang artist, sa isang public figure yung controversy…” sabi ng singer.
“Whether it’s positive or negative, I think I would treat that as a compliment…
“Kasi whether it’s a bad publicity, it’s still a publicity.”
Pagpapatuloy pa ni Sofronio, naihanda na niya ang sarili sa aspetong ito.
Saad niya, “So you just have to make sure na kilala mo yung sarili mo…”
Inamin niyang may pagkakataon na gusto niyang pumatol sa bashers, pero hindi na itinuloy dahil may mga tagasuporta siyang naniniwala sa kanya.
Kuwento niya: “Minsan natatawa na lang talaga ako. Gusto kong patulan, in a sense na mangungulit lang ba…
“Kaso yung one time meron akong video na ginawa, yung mga nanay natin na sobrang supportive sobrang nagmamahal sa atin, ‘Sofronio, hindi ikaw ‘yan.’”
Hindi na raw itinuloy ni Sofronio ang planong pagpatol.
“Sige na nga, ayoko na ngang sagutin. Mukhang ayaw niyo akong maging bad boy.”
Dagdag pa ng singer, meron at merong mga taong hindi makukuntento sa kanyang mga sagot, at meron at meron daw taong hindi maniniwala kung ano man ang kanyang isagot o sabihin.
“We all have our own truth, kaya ako I’ll just believe in myself na, ‘Thats me, that’s Sofronio…”
