Tinawag na "fake news" ng BINI member na si Maloi, 22, ang kumakalat na espekulasyong nag-uugnay sa kanila ng Rivermaya vocalist na si Rico Blanco, 51.
Nitong Huwebes, January 9, 2025, kumalat sa social media ang kuhang video nina Maloi at Rico habang sila ay nasa La Union.
Kuha ang nasabing video ng isang netizen na nakakita kina Maloi at Rico sa La Union habang patawid sa pedestrian.
Read: Maris Racal co-owns LU coffee shop with Rico Blanco's friends
Agad na kumalap ng samu't saring komento ang video.
Maraming netizens ang naghinalang may espesyal na namamagitan sa dalawa.
Parehas naman daw single ang dalawa, matapos ang breakup ni Rico sa longtime girlfriend nitong si Maris Racal.
Read: Maris Racal confirms breakup with Rico Blanco
Isa ring online news outlet ang naglathala sa viral video nina Maloi at Rico.
Mababasang headline sa nasabing artikulo, "New year, new love?: Rico Blanco, BINI Maloi spotted together in La Union."
BINI MALOI DISMISSES RUMORED ROMANCE WITH RICO BLANCO
Ang artikulong ito ay nakarating kay Maloi.
Sa X (dating Twitter), hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Maloi na ito'y pulisin.
Ni-retweet niya ang artikulo, kalakip ang caption na (published as is), "WHAT ?! STOP SPREADING FAKE NEWS."
Dagdag pa niya (published as is), "STOP SPREADING FAKE NEWS. PLS LANG."

Kung bibisitahin ngayon ang X account ni Maloi ay hindi na makikita ang artikulong kanyang ni-retweet dahil burado na ito.
BINI MALOI, RICO, AND OTHER ARTISTS IN LA UNION
Samantala, napag-alamang bukod kina Maloi at Rico, may iba pang mga personalidad na kasama nila sa La Union.
Sa X at Instagram Stories ni Maloi, makikitang kasama nila ni Rico sina Agnes at Pat Lasaten ng Ben&Ben, Zild Benitez, Blaster Silonga, at iba pa.

Dahil dito, marami sa Blooms (tawag sa fandom ng BINI) ang ngayo'y humihingi ng public apology mula sa news outlet na nagpakalat ng anila'y maling impormasyon.
