Maaliwalas ang aura ni Sherilyn Reyes-Tan sa isang online interview habang ibinabahagi kung paano siya nakabangon matapos mawalan ng PHP37 million dahil sa isang swindling incident noong 2019.
In-upload ang video sa YouTube channel na Julius Babao UNPLUGGED ng beteranong broadcaster noong Huwebes, December 5, 2024
Ayon kay Sherilyn, unti-unti nang nakaka-recover ang pamilya nila sa trahedyang kinasangkutan.
Magaan na ang loob niya dahil nababayaran na raw nila ang mga taong naghahabol sa kanila.
“Yung mga major, tapos na. Maraming tumulong. Meron pa kaming kaunting willing to wait na sila,” saad ni Sherilyn.
Read: Sherilyn Reyes says she was swindled: "Gumagapang para mabayaran...perang itinakbo ng iba"
LUXURY BAGS SWINDLING
Ikinuwento ng 49-year-old actress ang background ng naganap na swindling incident.
Bukod sa pag-aartista ay reseller ng luxury bags and other items si Sherilyn.
Sa business na ito ay nagkaroon daw siya ng isang kaibigang doktora na bumibili at nagre-resell ng bags sa kanya.
Matapos ang dalawang taon nilang pagkakaibigan ay inilapit umano ng doktor si Sherilyn sa isang presidente ng kompanyang may pawnshop.
Nag-offer daw ang presidente ng pawnshop kay Sherilyn na ipasok ang luxury items niya sa pawnshop para magsilbing dagdag-imbentaryo nito.
Saad ni Sherilyn, “Para kunwari nag-i-increase yung books ng pawnshop, since kanila rin yun.
"And then pag meron kang client, that’s when you pull out, pakita mo. Pag nabenta, e, di nabenta. Pag di nabenta, e, di ibalik mo."
Nasa 120 luxury items daw ang nailagak ni Sherilyn sa pawnshop.
Ang mali umano ni Sherilyn ay nagtiwala siya sa kaibigang doktor at pina-consign ang kanyang items nang walang bayad o tubo.
Nang matanggal ang presidente sa kompanya nito ay nabulgar ang totoong suliranin ni Sherilyn.
“The president of that company, tinanggal ng owner. Siguro they probably discovered, na, 'Uy, ano itong ginagawa niyo?'
"So tinanggal si presidente, nawalan ng identity si doktora, so hindi niya ma-pullout yung mga bags niya. Hindi niya mahiram,” paliwanag ng aktres.

Lumabas na imbes na naka-consign lamang ay tila isinanla sa pawnshop ang mga luxury items ni Sherilyn kaya’t hindi na niya ito mabawi.
“Ang papel na nasa kanya [doktora], yung kunwari pinawn niya yung mga bags. So for you to be able to borrow it, kailangan mong bayaran yung interes. Kailangan mong tubusin,” saad pa ni Sherilyn.
Hindi raw alam ni Sherilyn kung may nakuha bang pera ang presidente at ang doktora sa pagpapahiram o pagsasangla ng luxury items niya.
Sa huli ay si Sherilyn ang hinabol ng suppliers at kinailangan niyang magbayad ng PHP37 million, plus interest.
Sinubukan daw niyang magsampa ng kaso ngunit wala pang resolusyon ito.
Anong nangyari sa kaibigan niyang doktora?
“Tumakas na, pinatakas ng family,” pahayag ni Sherilyn.
Read: Sherilyn Reyes reminds young stars about giving respect to senior stars
ROAD TO RECOVERY
Noong una raw ay halos mawalan ng bait si Sherilyn.
“Dumaan ako ng depression. Nakikita ko yung walls na nagka-crack, nakikita ko yung CCTV na parang may taong may bitbit na Hermes boxes. Nabibingi na ako,” pagbabahagi niya.
Mabuti na lang daw at todo ang suporta sa kanya ng asawa niya, ang dating basketball player na si Chris Tan, na gumawa ng paraan upang gumaan ang kanilang problema.
“May mga kakilala ako na iniwan ng asawa nung na-swindle. Yung asawa ko, inako pa nga niya yung lahat ng kailangan bitbitin,” saad ni Sherilyn
Gumawa raw sila ng mga hakbang tulad ng pagpapa-restructure ng payment terms sa kanilang mga pinagkakautangan, at pagbebenta ng mga ari-arian.
Marami rin silang kakilalang nag-offer ng tulong. Malaki ang pasasalamat ni Sherilyn sa mga ito.
Sa kabila ng lahat ng ito ay nasiguro nina Sherilyn at Chris na magiging matatag ang kanilang pamilya.
“As a family talaga, kami buo,” sabi ng aktres.
May tatlo silang anak: sina Ryle, Lorenz, at Anya.

Si Ryle, dating miyembro ng Hashtags ng It’s Showtime, ay anak ni Sherilyn sa dati nitong karelasyon si Junjun Saantiago.
Naikuwento na ni Ryle noong 2023 na tumutulong siya sa kanyang pamilya para makabangon sa swindling issue. Ibinigay niya raw ang savings niya at ibinenta ang kanyang sasakyan para makatulong.
Read: Ryle Santiago recalls surrendering his savings to help family recover from financial loss
Sa huli, nag-share si Sherilyn ng natutunan niya sa insidenteng ito.
Aniya, “You can be kind, but you can also say no. For your own peace of mind.
"No matter what people say, na-judge ka na nag-no ka, hindi mabait ‘to. Pero may peace of mind ka na nag-no ka to protect your own, then it’s okay."