Ibinalita ni Mark Herras, 37, na self-managed na siya ngayon.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi niya na wala na siyang kinabibilangang talent management.
Siya ay dating artist ng Sparkle GMA Artist Center, ang talent management arm ng GMA-7, na kanyang home network sa loob ng 21 taon.
"I'm still under GMA. I still have a network contract. So, I'm still exclusive pa rin sa GMA.
"But, wala na lang ako ng management. So, hindi na ako sa Sparkle," pahayag ni Mark.
Nakadirekta na sa kanya ang mga transaksiyon sa kung anumang proyekto o raket.
Hindi raw siya naghahanap ng bagong manager.
"Sa ngayon, parang ine-enjoy ko na walang manager," ani Mark.
Sabay hirit niya, "Tsaka, walang binibigyan ng komisyon. Kasi kailangan lahat sa pamilya mo na, e."
Read: Ynna Asistio meets ex-boyfriend Mark Herras and his wife 10 years after breakup
NO BAD BLOOD WITH SPARKLE
Nilinaw ni Mark na wala siyang sama ng loob sa Sparkle nang hindi i-renew ang kanyang kontrata.
Hindi naman nasabi ni Mark kung kailan siya binitiwan ng Sparkle.
"Sabi ko nga, kung hanggang dun na lang talaga yung binigay sa akin na contract ng Sparkle, and they think na hindi na ako worth it na bigyan ng kontrata, okay lang.
"Kasi, unang una, ang dami nang nangyari sa buhay ko sa GMA. Madami na akong narating, madami na akong nakuha, ups and downs.
"And alam ko naman binigay ko sa network. So, I'm really thankful sa nangyari.
"Hindi ako para magkaroon ng sama ng loob sa GMA or sa Sparkle."
Sabi pa ni Mark, "Wala naman akong sama ng loob kahit kanino. Alam mo naman ako, very happy go lucky lang ako."
READY TO MEET FORMER CO-MANAGER LOLIT SOLIS?
Dati ring co-managed si Mark ng talent manager na si Lolit Solis.
Taong 2021 nang bumitiw si Lolit bilang manager niya. Isiniwalat noon ni Lolit na nangutang ng P30,000 si Mark pambili ng gatas para sa anak nito.
Read: RR Enriquez calls out Lolit Solis for "shaming" Mark Herras for borrowing P30K
Nang matanong si Mark ukol dito sa isang vlog, umiwas siya na sagutin ang anito'y pribadong isyu.
Ang sabi lang niya, may pera ang anak niya sa banko, na waring paraan niya para i-dismiss ang isyu.
Read: Mark Herras breaks silence on P30K issue involving former manager Lolit Solis
Sa hiwalay na panayam ng PEP noong 2021, ipinaliwanag ni Mark na publicity stunt lang umano ni Lolit ang palabasing may utang siyang P30,000.
Alam daw niyang gusto lang ni Lolit na umingay ang pangalan niya.
Nang tanungin sa latest interview ng PEP kung may sama siya ng loob kay Lolit, mabilis na tanggi ni Mark, "Wala."
Dagdag niya, "Hindi lang kami nagkikita kasi wala namang chance na magkita kami."
Paano kung nagkita sila?
"Baka sampalin pa ako nun!," natatawang sagot ni Mark.
Diin pa ng aktor: "Napakabihira na magtanim ako ng sama ng loob sa tao. Puwede ako magkasama ng loob sa yo kapag ka binastos mo yung pamilya ko, yung anak ko, yung asawa ko.
"Wag ka lang pupunta sa point na yun.
"Pero kung bastusin ako? Okay lang yun. Wala akong problema dun."
WAITING FOR A NEW PROJECT IN GMA
Nakapanayam ng PEP at piling entertainment editors si Mark sa media launch ng Influencers Reality Challenge ng GV Live app, na ginanap sa Hydro sa Quezon City noong Sabado, November 30, 2024.
Ang Influencers Reality Challenge ay isang reality show para sa influencers, na ipapalabas sa GV Live app at sa isang TV network.
Dito ibinahagi rin ni Mark na abala siya ngayon sa out-of-town shows at appearances sa events.
Imbitado siya sa GV Live app event bilang influencer dahil siya ay Ultimate Male Survivor ng Kapuso reality show, StarStruck Season 1 (2003-2004).
Huling napanood si Mark sa hit afternoon drama series na Abot-Kamay Na Pangarap, na nagtapos noong Oktubre.
Pagdating sa pag-arte, ang sabi ni Mark:" "Naghihintay na lang ako ng bagong soap, kung ano man yun.
"And hindi ko naman ine-expect na bibigyan nila ako ng lead role. Hindi naman yun ang target ko."
Noon pa man ay kuntento raw siya sa career niya, at hindi na umambisyon na umalagwa pa ito.
Sabi ni Mark: "Ang goal ko naman is just to have work na maayos. Kahit papano naman nabibigyan ako ng trabaho, and then yung mga raket sa labas.
"Hindi ko naman gino-goal ang [mataas] na career. Mahirap yun. e.
"So, okay na ako dun. Na-experience ko na yun."
