Dumarami ang bilang ng mga showbiz personality na pinapasok at nais pasukin ang pulitika, pero hindi raw ito naisip ng beteranang aktres na si Lorna Tolentino.
Pero ang mga anak daw niyang sina Ralph Fernandez at Renz Fernandez ang nagbabalak pumasok sa public service.
Sina Ralph at Renz ay mga anak ni Lorna sa namayapa niyang asawa na si Rudy Fernandez.
Sabi ni Lorna, "Di ko naisip pero parang yung mga anak ko, naiisip nila ngayon. Both of them — si Raphael, si Renz.
"Pero sabi nga nila, unti-unti, kasi kailangan din may background sila.
"So, mag-umpisa muna silang tumutulong sa mga may kailangan ang service nila."
Samantala, binanggit din ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang tungkol sa love life ng aktres. Lalo na't nali-link siya ngayon sa senador at action star na si Lito Lapid.
"Wala, uy," iwas ni Lorna.
"Open lang. Okay na tayo. Pero alam mo yun, it's so nice to be friend to everybody."
Read: Lorna Tolentino at mga anak na Ralph at Renz Fernandez, magkakanya-kanya na
Eksklusibong nakausap ng PEP.ph si Lorna sa pictorial ng Espantaho, official entry ng Quantum Films sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF).

LORNA TOLENTINO ON MMFF COMEBACK
Halos hindi na raw matandaan ni Lorna kung kailan ang huli niyang MMFF movie.
Saad niya, "Hindi ko na matandaan, Walang Forever [2015], guest role lang yata ako, dito rin sa Quantum [Films]."
Ngayon naman ay bahagi siya ng pelikulang Espantaho na pinagbibidahan nila ni Judy Ann Santos.
Gaganap siya bilang si Rosa, ang nanay ni Monet played by Judy Ann. Malaki raw ang role niya rito.
"Malaki, malaki. Depende siguro kung paano yung pananaw.
"Pero kasi ito yung nakasuporta yung si Rosa kay Monet.
"Although pantay ang role nila sa number of days, sa number of sequences, may mga sequences na meron si Rosa na wala si Monet.
"Meron din si Monet na wala si Rosa.
"Pero ang talagang objective ng role ko is to protect Monet.
"Yung proteksiyon, pangangalaga kay Monet," paliwanag ni Lorna.
Ano ang hiling niya para sa pelikula nila sa darating na Kapaskuhan?
Sagot ni Lorna, "Sana talaga tangkilikin nila kasi ibang klase for me. For me, ibang klase ito, puwede ipantapat sa international movies.
"So, sana talaga tangkilikin.
"Ang prayer ko, matangkilik, maraming makapanood.
"At kakaiba na naman kasi kakaibang tema ng horror.
"Hindi siya parang mga Feng Shui o parang Patayin [Sa Sindak si Barbara], hindi ganun."
Ang Feng Shui at Patayin Sa Sindak si Barbara ay parehong pelikula ni Chito Roño, na direktor din ng Espantaho.
