Trigger warning: Sexual abuse, rape
Ang beteranong direktor na si Joel Lamangan ba ang pinatatamaan ng aktor na si Ahron Villena sa latest post nito sa Facebook?
Noong Sabado, August 24, 2024, lumabas dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ang panayam ni Direk Joel kung saan sinabi nitong hindi na bago sa showbiz industry ang mga insidente ng sexual abuse.
Read: Joel Lamangan nagkomento sa sexual abuse sa showbiz
Kaugnay ito ng mainit na pinag-uusapang isyu ng sexual harassment sa showbiz matapos ireklamo ng Sparkle artist na si Sandro Muhlach ang independent contractors ng GMA-7 na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz.
Pormal nang sinampahan ni Sandro ng reklamong rape at acts of lasciviousness sina Nones at Cruz sa Department of Justice.
Read: Sandro Muhlach speaks up about sexual abuse
Biktima rin umano ng sexual harassment ang isang male talent-news researcher ng TV5.
Muli ring nabuhay ang isyu ng singer na si Gerald Santos, na sinabing ni-rape siya ng isang musical director nung siya ay 15 years old lamang.
Read: Gerald Santos speaks up about "sexual harassment" at 15
JOEL LAMANGAN: "Matagal na ang mga ganyan."
Sa panayam ng PEP Troika kay Direk Joel noong Agosto 23, Biyernes, diretsahan nitong sinabing pangkaraniwan nang nangyayari sa showbiz ang mga insidente ng sexual abuse, sa mga babae man o lalaki.
“Noon pa, meron nang ganun, day! Hindi lang nabubulgar, Diyos ko!" sambit ni Joel.
“Panahon pa ng kopong-kopong, meron na yun. Dyusko! Ilang mga artista na naging leading man at sumikat, na nanggaling sa bading. Andami!"
Dugtong ng beteranong direktor, “Andami na noon, 'neng. Hindi lang nabulgar. Ngayon lang nabulgar. Dati noon, secret…
“Matagal na ang mga ganyan, luma na ang mga kasong yan. Hindi naman yan bago.”
Sinabi rin ni Direk Joel na karaniwan ay walang choice ang mga artista kundi pumatol para lamang magkaproyekto.
“Kasi, stepping stone yan, e. Gusto mong makilala, gusto mong magka-project. So, papatol ka. Wala kang choice,” saad niya.
AHRON VILLENA: "Parang proud na proud ka pa."
Sa Facebook post ni Ahron nitong Linggo ng gabi, August 25, 2024, isiniwalat nito ang saloobin tungkol sa nakita niyang post tungkol sa isang "direktor."
Walang binanggit na pangalan ang aktor kung sino ang tinutukoy niyang direktor, na "parang proud na proud" pa raw sa naging pahayag nito tungkol sa matagal nang kalakaran sa showbiz kung saan ginagamit o nagpapagamit ang isang baguhan upang magkaroon ng proyekto.
"May nakita akong post nagsalita pala etong direktor na eto na matagal na daw nangyayari yng mga ganung senario? Parang proud na proud ka pa," banat ni Ahron.
Sa sumunod niyang pahayag ay sinabi nitong naging biktima rin siya ng sexual harassment nung nagsisimula pa lang siya sa showbiz.
Sabi ni Ahron, "Eh kung sabihin ko kaya na isa ako dun sa artistang naexploit at ikaw un!"
Sa kuwento ni Ahron, naganap ang insidente sa shooting kung saan ay bigla raw pumasok ang direktor sa comfort room at pinaalis ang naglalagay ng plaster sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
"Ang sabi mo pa 'dapat hindi ka nagpapalagay sa kanila ako na dapat maglalagay nyan."
Patuloy ni Ahron, "Wala namang problema sakin pero ilang beses mong tinatamaan at dinidikit ung kamay mo."
Baguhan pa lang daw si Ahron noon kaya "oo lang ako ng oo" at "kelangan ko din kumita ng pera."
Ayon pa sa aktor, may tsansang hindi na naaalala ng direktor ang pangyayari dahil malamang ay hindi lang sa kanya ito ginawa.
Binalikan ni Ahron ang naging panayam niya nung Marso ng taong ito sa Fast Talk With Boy Abunda kung saan ay sinabi niyang nakaranas siya ng pang-aabuso habang nilalagyan ng plaster.
Read: Ahron Villena, isiniwalat na naging biktima siya ng exploitation
Hindi raw pinangalanan ni Ahron ang direktor sa panayam na iyon dahil may respeto pa rin siya rito.
Iginiit ni Ahron na hindi kailanman magiging tama ang maling gawain na ito, kahit matagal na itong nangyayari.
Hindi raw dapat tinu-tolerate ang mga ganitong gawain.
Saad niya, "Kaya sana tahimik kana lang din. Kahit noon or ngayon never naman magiging tama ung gawaing ganun.
"Kung totoo man or hindi hindi mo dapat itolerate ung mga ganung bagay!"
Narito ang screenshot ng post ni Ahron sa Facebook:

WHO is Ahron Villena?
Si Ahron ay dating miyembro ng Star Magic, ang talent arm ng ABS-CBN.
Taong 2004 nang magsimula ang kanyang showbiz career sa pamamagitan ng paglabas sa noontime show na MTB: Ang Saya-Saya at sa TV series na Hiram.
Isa sa mga pelikulang ginawa ni Ahron na idinirek ni Joel Lamangan ay ang The Bride and the Lover na ipinalabas nung 2013.
Ilan pa sa mga pelikulang nilabasan ni Ahron ay ang One More Chance, Kimmy Dora and the Temple of Kiyeme, at Beauty and the Bestie.
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng mga nabanggit sa artikulong ito.