Matapos ang makasaysayan at matagumpay niyang laban sa Paris Olympics 2024, naghatid ng sorpresa't inspirasyon ang double gold medalist na si Carlos Yulo sa 11-year-old gymnast na si Jezzy James Cabaluna sa pamamagitan ng Eat Bulaga!.
Nitong Huwebes, August 15, 2024, dumalaw si Carlos sa TV5 noontime show para personal na makilala si Jezzy James, ang letter sender sa segment na "Dear Eat Bulaga" ng programa.
Sa pamamagitan ng "Dear Eat Bulaga," tinutulungan ng programa na tuparin at ibigay ang mga sinmpleng hiling ng kanilang letter sender.
Isa si Jezzy James sa masuwerteng napagbigyan sa hiling nitong magkaroon ng bagong leotards na magagamit niya sa pag-eensayo ng gymnastics.
Read: Inside Carlos Yulo's PHP32-million condo unit
Pagbabahagi ni Jezzy James, pitong taon lamang siya nang magsimulang mahilig sa gymnastics at sumali sa iba't ibang kumpetisyon sa kanilang lugar at paaralan.
Ito raw ang nakikita niyang simula para makamit ang pangarap makasali sa Olympics at makapag-uwi ng gintong medalya sa Pilipinas, gaya ng iniidolo niyang si Carlos Yulo.
Read: Carlos Yulo acknowedges father's presence at homecoming parade
JEZZY JAMES MEETS CARLOS YULO
Matapos maibigay ang hiling niyang leotards at iba pang gamit pang-gymnast, pati na pera, inanunsiyo ng mga host na sina Vic Sotto, Tito Sotto, at Joey de Leon na may isa pa silang sorpresa para kay Jezzy James.
Dito na lumabas si Carlos, suot ang dalawa niyang gintong medalya mula sa Paris Olympics.
Read: Carlos Yulo's gymnastics journey, family, love: A timeline
Dahil sa tuwa at pagkagulat, napaluha si Jezzy James dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya nang malapitan ang iniidolo niyang si Carlos.

Agad naman siyang niyakap ni Carlos para mapakalma.
Bati ng Olympic champion sa hosts, audience, at mga manonood, "Hello po sa inyong lahat. Maraming-maraming salamat po sa pagdadasal at pagsuporta niyo sa amin. Ang panalo po namin ay panalo nating lahat."
Bilang marami na ang ngayo'y humahanga kay Carlos, hiningan siya ng mensahe ni Vic para sa mga batang nangangarap maging kagaya niya, katulad ni Jezzy James.
Pahayag ni Carlos: "Unang-una, siyempre masaya po sa pakiramdam po na siyempre maliit po yung gymnastics sa Pilipinas, ngayon nare-recognize na siya sa Pilipinas at maraming bata na po yung nagkakagusto at gustong sumubok po.
"Para sa akin po, bilang gymnast na pinaglaban yung Pilipinas, sobrang laking bagay po, sobrang natutuwa po ako.
"Ang masasabi ko lang po sa mga gustong sumubok, kagaya niya [Jezzy James], ipagpatuloy niyo lang yung pangarap niyo.
"Ganun talaga, may mga araw na mahirap. Walang madali sa pagsubok na ito. Pero siyempre, enjoy-in natin.
"Training lang nang training. Naniniwala po kasi ako na kung para sa yo, darating yung para sa yo."

Dagdag pa niya: "Hindi lang po sa mga atleta, para sa mga estudyante, mga nangangarap sa buhay, mga nagtatrabaho, tuluy-tuloy niyo lang po yung pangarap niyo as long as wala tayong inaapakang tao at mabuti tayong tao.
"Magpasalamat sa Diyos talaga. May darating talaga na nakalaan sa atin. Keep going and enjoy natin yung process kasi doon tayo maggo-grow."
Niregaluhan din ni Carlos si Jezzy James ng chalk box na aniya'y nagsilbing "lucky charm" niya sa Paris Olympis.
EAT BULAGA! STINT
Sa pagdalaw ni Carlos sa Eat Bulaga!, nalaman ng publiko na hindi ito ang unang beses niyang pagtapak sa Eat Bulaga! stage.
Bagay na ikagulat din ng mga host.

Pag-amin ni Carlos, siyam na taong gulang siya noon nang sumali sa talent segment ng Eat Bulaga! na "Kakaibang Bida."
Gymnastics din daw noon ang ipinakita niyang talent, ngunit hindi siya pinalad na manalo.
Aniya, "That time po kasi medyo boring din po yung pinakita ko."
Hirit sa kanya ni Tito, "Hindi pumasa? Sinong t*ng*ng nag-audition sa yo?”
MAINE MENDOZA AND MILES OCAMPO FANGIRL OVER CARLOS YULO
Samantala, hindi pinalampas ng mga host na sina Maine Mendoza at Miles Ocampo na mag-fangirl sa two-time Olympic gold medalist nang dumalaw ito sa TV5
Sa TikTok video na in-upload ng TVJ, makikita sina Maine at Miles na sinadya pang puntahan si Carlos sa holding area nito para makapagpa-video greet at picture.
"Pa-shout out naman kami ni Miles, please," request ni Maine kay Carlos habang kinukunan ng video ang Olympic champion.
"Hello po, Miss Maine and Miles. Ingat po kayo palagi," natatawa namang bati ni Carlos.

Bukod kina Maine at Miles, makikita rin sa nasabing TikTok video ang pagpapa-picture nina Ryan Agoncillo, Atasha Muhlach, Ryzza Mae Dizon, at Carren Eistrup kay Carlos.
