Lima lamang ang mga hurado ng Cinemalaya Bente: Loob Lalim Lakas.
Madali nilang napagkasunduang maging tabla na best actress sina Marian Rivera at Gabby Padilla.
Read: Cinemalaya XX: Marian Rivera, Gabby Padilla tie for best actress
Nagwagi si Marian para sa Balota, na certified box-office hit ng Cinemalaya XX along with Gulay Lang, Manong! and The Hearing.
Nanalo si Gabby para sa Kono Basho (This Place) na shot entirely sa Rikuzentakata City sa Japan.
Best actor ang 15-anyos na si Enzo Osorio para sa The Hearing ni Direk Lawrence “Law” Fajardo. Gumanap si Enzo bilang 12-anyos na deaf-mute na ginahasa ng isang pari.

Wala sa awards night ang best supporting actress na si Sue Prado ng Kantil, at ang best supporting actor na si Felipe Ganancial ng Tumandok.
Noong Agosto 6, 2024, Martes, ay magkakasama ang 36th Gawad Alternatibo selection committee and jury sa Japan Town na nasa 4th floor ng Ayala Malls Manila Bay (AMMB).
Pinag-usapan nila ang CCP Gawad Para sa Alternatibong Pelikula at Video at Cinemalaya bilang platforms para sa emerging filmmakers ng bansa.
Dumalo roon sina Arvin Belarmino, Milo Alto Paz, Wilfredo Canoy (Teacher Wayie), CCP Gawad Alternatibo alumnus Arden Rod Condez, at Sue.

May prior commitment kaya si Sue kaya hindi siya um-attend sa awards night? O hindi siya nag-e-expect na manalo?
Kasama rin si Sue sa pelikulang Balota na idinirek ni Kip Oebanda.
Ang limang hurado ng Cinemalaya 2024 ay sina Dolly de Leon, Nicanor Tiongson, Nicola Marzano, Direk Jerrold Tarog, at Ahmed Muztaba Zamal.
Read: Cinemalaya XX: top contenders for best actor at best actress
MARIAN RIVERA WINS ON THE EVE OF HER 40TH BIRTHDAY
Naging best actress si Charlie Dizon sa 47th Gawad Urian para sa Third World Romance noong bisperas ng kasal nila ni Carlo Aquino.
Waging best actress si Marian Rivera sa 20th Cinemalaya filmfest sa bisperas ng kanyang 40th birthday.
Tuwang-tuwa ang escort ni Marian, ang husband niyang si Dingdong Dantes. Bakas sa mukha ni Dingdong, proud na proud siya sa kanyang wife.

Ang acceptance speech ng Kapuso Primetime Queen nitong Agosto 11, Linggo ng gabi, sa Cinema 2 ng AMMB:
“Sa lahat po ng bumubuo ng Cinemalaya, marami pong salamat sa inyo. To my GMA Family, thank you.
“Direk Kip, umpisa pa lang ng shooting natin, ramdam ko ang 100 percent na pagtitiwala mo sa akin kung paano ko iaarte si Teacher Emmy. So thank you, Direk Kip.
“Sa lahat ng staff at crew sa loob ng anim na shooting days, ramdam ko yung pag-aalala. Yes, sorry to say that, six shooting days!”
Nagtawanan ang audience, saka nagpatuloy si Marian, “Ramdam ko yung pagmamahal, pag-aalala, pagkaba hindi lang sa akin — na safe ako.
“Na kahit anong bigat ng nararamdaman ko sa lahat ng eksena, never nila akong pinabayaan at mini-make sure nila na maayos akong uuwi kahit sugat-sugat ako. Thank you.
“Sa lahat ng mga cast na kasama ko dito, napakahuhusay ninyo. At siyempre hindi matatapos ang pasasalamat na ito kung hindi dahil din sa asawa ko. Thank you, dad.
“Kuwento ko lang nang short. Sabi ko sa kanya, ‘Mahal, may offer sa akin sa Cinemalaya. Tatanggapin ko ba? Kakayanin ko ba?’
“Sabi ng asawa ko, wala pang ilang minuto, sabi niya, ‘Kailangan mong gawin yan. Kailangan mong ipakita kung sino ka.’
“Salamat, Dad, sa pagtitiwala, at sa mga anak kong very excited tuwing uuwi ako kung ano’ng nangyari sa Balota shooting days ko. At yung bunso ko, binibilang po yung sugat ko araw-araw tuwing uuwi ako. So salamat.
“Birthday ko po bukas. Salamat po sa napakagandang regalo! Taos puso po akong nagpapasalamat. Thank you.
“Alam ko po, mahaba na pero may last pa po. Sa lahat po ng Teacher Emmy na matapang na ginagawa ang lahat para protektahan ang boto ng sambayanan, kahit na ang sarili nilang buhay ang malaan sa panganib…
“Teacher Emmy, para sa yo ito! Mabuhay po kayo! Mabuhay ang pelikulang Pilipino!”

Co-stars ni Marian sa Balota sina Will Ashley, Royce Cabrera, Nico Antonio, Raheel Bhyria, Esnyr, Sassa Gurl, Donna Cariaga, Sue Prado, Joel Saracho, Gardo Versoza, at Mae Paner.
Executive producers ng Balota si Kip Oebanda, ang GMA Films, at ang GMA Drama Unit.
Read: Marian Rivera no body double in fight scenes in Balota
GABBY PADILLA'S ACCEPTANCE SPEECH
May Facebook live streaming ang Cinemalaya 2024 awards night. Nahagip ng kamera ang pagpalakpak ni Mylene Dizon nang ihayag na tabla bilang best actress sina Marian Rivera at Gabby Padilla.
Alloted ng tig-iisang minuto ang winners para sa kani-kanyang acceptance speech. Hindi naman sinaway ang winners kapag nag-overtime sila sa talumpati.
Pahayag ni Gabby, “Sorry, nanginginig ako. Thank you po to Cinemalaya for giving Filipino filmmakers the platform to tell their stories every year. Thank you so much.
“I’d like to thank my director, Direk Jay. Thank you for your trust in me. Thank you so much. Direk Dan Villegas, pag tumawag ka sa akin, hindi talaga ako magno-‘no.’ Thank you so much.
“I’d like to share this award with the rest of the Kono Basho team, Mentorque, Project 8, the community of Rikuzentakata, our Japanese crew and team.
“Thank you so much, my co-actor Arisa Nakano who is here with us tonight. I’d like to thank my family, my mother.
“This film is about the loss of a father, and I would like to share this with my own. Ahhmm he’s the reason that I’m here tonight.
“He has taught me to make believe and to tell stories, so I’d like to share this award with him. Wherever he is I hope he sees this and I hope he’s happy. Thank you po, thank you so much!”
Read: Gabby Padilla gets praises for her performance in Kono Basho

Siyam na taon na ang lumipas mula nang pumanaw ang ama ni Gabby. Na-nominate si Gabby sa 47th Gawad Urian para sa Cinemalaya 2023 film na Gitling.
First acting award ito ni Gabby. Nag-expect ba siyang magwawagi?
“Hindi talaga po,” saad ng aktres nang mainterbyu matapos ang photo op ng winners sa Cinemalaya 2024.
“Sobrang hindi. Nung in-announce po na si Ate Marian yung nanalo, kinukuwento ko na kay Arisa na napanood ko yung Balota at ang ganda!
“Hindi na nga ako nagpa-makeup, e! Hindi na po.”
Na-shock siya? “Shocked pa rin, but still so grateful.”
Halatang sobrang proud para sa kanya si Arisa.
“Sabi ko nga sa kanya, baka siya yung lucky charm namin. Kasi nanalo kami ng best cinematography, production design, and best director. So, so happy po,” sambit ni Gabby.
“Ang galing ni Arisa. And hindi po ako makakapag-act ng ganyan pag hindi… iyung kabatuhan ko ng linya.”

Kumusta ang relationship nila ni Arisa bilang magkaibigan?
“Very good. I’m so happy she was able to join us. We’ve really grown close through the shoot and through this festival as well,” tugon ni Gabby.
“Kasi iniikot namin siya. So, I’m so happy she’s here tonight.”
Ano ang feeling na tabla sila ni Marian bilang best actress?
“Somehow it just made it even more special to share it with someone like Miss Marian Rivera,” sabi ni Gabby.
“Hindi pa po napa-process ng utak ko pero I’m so filled with gratitude.”
ENZO OSORIO
Napaluha si Enzo Osorio sa pagpaparangal sa kanya bilang best actor ng Cinemalaya XX.
Ani Enzo, “Naiiyak po ako. Nagpapasalamat po ako kay Lord. Nagpapasalamat ako sa pamilya ko na sumuporta sa akin.
“Nagpapasalamat ako sa dahilan kung bakit ako nandito, si Mama Beth saka si Direk Law.
“Hinintay po ako talaga ni Direk Law. Tapos na yung audition. And nagpapasalamat ako sa tumulong sa akin na mag-shoot habang pressured na pressured po ako.
“Si Mama Mylene [Dizon], tinulungan niya po akong mag-at ease and nagpapasalamat po ako sa lahat ng sumuporta sa akin kumbakit ako nakatayo ngayon dito. Thank you po!”

Kasama ni Enzo na dumalo sa awards night ang kanyang Mommy Shane, Lola Marie Claire, at dalawa pang kapamilya.
Fourteen years old si Enzo nang mag-audition sa papel na Lucas, ang dose anyos na totoy na ginahasa ng isang pari. Nasa shooting sila sa Mauban, Quezon nang sumapit ang kanyang ika-15 kaarawan.
Tuwang-tuwa si Mommy Shane nang yakapin ni Marian si Enzo. “Talaga pong honored na honored po ako na makuha itong award at nayakap po ni Ate Marian!” bulalas ni Enzo sa panayam matapos ang awards ceremony.
“Kasi talagang veteran na actress po siya at kinongrats po niya ako, at talagang… akala mo, dream lang ito na mamaya gigising ka na, walang nangyari.”
Ano ang pakiramdam niya nang dumating siya sa awards night? Naramdaman ba niyang mananalo siya?
“Hindi ko po talagang ine-expect na mananalo po ako. Excited, nerbiyos, at takot na takot po ako,” pagtatapat ni Enzo.
“Kasi hindi ko po alam kung ano po ang mangyayari…”
Marami sa mga nakapanood ng The Hearing ang bumilib sa kanyang husay.
“Madami pong deaf-mute na nagpapasalamat sa akin kung paano ko po pinortray yung karakter ko, at ipinakita yung struggles ng mga ibang deaf-mute,” pagsisiwalat ni Enzo.
“At yung ibang mga tao po, sinasabi po na magaling akong umakting. Salamat po sa mga tao na may tiwala sa akin at sinusuportahan po ako.”
Noong una’y ayaw payagan ng eskuwelahan ni Enzo na umalis during school hours para mag-audition. Nanood ba ng The Hearing iyong mga taga-school niya?
Natigilan sandali si Enzo bago sumagot, “Hindi po sila nakapanood.”
Kailan niya masasabi sa kanila na tinanghal siyang best actor sa most prestigious indie filmfest ng Pilipinas?
“Pagbalik ko po sa school sa Tuesday, sasabihin ko po. Kasi, may gagawin po kami on Monday.
“Tapos kailangan ko din pong magpasa na bakit absent ako nang one week.”
Siguro naman, maiintindihan nila iyon.
“Yes po, siguro po.”
Read: Enzo Osorio almost missed auditioning for The Hearing
CINEMALAYA XX WINNERS
Hindi nagsiwalat ng nominado sa bawa’t kategorya ng Cinemalaya 2024. Binabasa lang ng presenter/s ang citation para sa nagwagi for each category.
Big winner sa 20th Cinemalaya ang 88-minute documentary fiction na Tumandok, sa direksyon nina Richard Jeroui Salvadico at Arlie Sweet Sumagaysay.
Wagi ito ng limang tropeyo — best picture, NETPAC Award, best supporting actor (Felipe Ganancial), best screenplay (Arden Rod Condez and Arlie Sweet Sumagaysay), best musical score (Paulo Almaden and the Ati people of Kabarangkalan and Nagpana).

Nakaapat na Balanghai trophy ang Kono Basho — best director (Jaime Pacena II), best actress (Gabby Padilla), best cinematography (Dan Villegas), at best production design (Eero Yves Francisco).

Dalawang tropeyo ang nakamit ng An Errand, best editing (Dominic Bekaert) at best sound design (Jedd Dumaguina and Mario Consunji).

Tig-iisa ng award ang Alipato at Muog (Special Jury Prize), Balota (best actress, Marian Rivera), The Hearing (best actor, Enzo Osorio), Kantil (best supporting actress, Sue Prado), at Gulay Lang, Manong (Audience Choice).
Walang nakuhang award ang Love Child at ang period drama na The Wedding Dance.
