Aminado si Cavite Second District Representative Lani Mercado na labis siyang naapektuhan sa pagpanaw ni Mother Lily Monteverde.
Read: Who is Mother Lily Monteverde?
"Dito ako lumaki,” simulang pahayag ni Lani sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Nakausap ng PEP si Lani sa ikalawang gabi ng lamay para kay Mother Lily. Kasama ni Lani ang asawa na si Senator Bong Revilla.

Si Lani ay isa sa mga original Regal babies tulad nina Maricel Soriano, Snooky Serna at Dina Bonnevie.
Labing-tatlong taong gulang pa lang si Lani nang ilunsad siya ng Regal Films sa Story of Three Loves noong 1982.
"Story of Three Loves, dito ako in-introduce. Thirteen years old, laman ako nitong Valencia," tukoy ni Lani sa 38 Valencia Events Place, na tumatayong events place, office, at isa sa mga bahay ni Mother Lily.
Bida sina Maricel, Snooky at Lani sa Story of Three Loves.
"Yung napapanood ninyo ngayong lumalabas sa Facebook, sa YouTube na sumasayaw kaming tatlo, first movie ko yon," dagdag ni Lani.
Kuwento pa ni Lani, si Mother Lily din ang naging daan para makilala niya ang mister na si Bong.
“Nag-first pictorial kami ni Bong, una kaming nag-meet sa park, sa tabi ng bahay ni Mother sa North Greenhills, sa La Salle Street.
"Kanina, naiiyak ako kasi, nagpa-flashback ang memory ko kay Mother," balik-tanaw ni Lani.
Read: Tirso Cruz III reveals how Mother Lily helped him buy a house
ON MOTHER LILY GUIDING LANI AND BONG
Saksi rin si Mother Lily sa bawat yugto ng buhay nina Lani at Bong.
Bata pa pareho sina Lani at Bong nang mabuntis siya sa unang anak nila na si Bryan Revilla.
Noong panahong iyon, ginabayan daw sila ni Mother Lily kung paano harapin ang kanilang sitwasyon sa gitna ng kanilang showbiz career.
Ayon kay Lani, "Medyo tinatago namin na buntis ako, I went back, silang dalawa ni Kuya Germs ang nag-advice sa amin."
Ang tinukoy niyang "Kuya Germs" ay si German Moreno, aka Master Showman, isang respetadong star builder at TV host sa industriya.
Pumanaw si Kuya Germs noong January 8, 2015.
Payo raw nina Mother Lily at Kuya Germs kay Lani, "Hindi niyo kailangang itago ni Bong.
"Iba na ang mundo ngayon. Kailangan, sinasabi niyo.
"Tingnan niyo, mas magugustuhan pa kayo ng mga fans at mas tatanggapin kayo ng tao.
"And that, eventually happened."
Ikinasal sina Lani at Bong noong 1986.
Dugtong pa ni Lani, “Si Mother has guided us through the years. Pati sa political at individual careers namin.”
Read: Lily Monteverde, Regal matriarch and showbiz icon, dies at 84
ON HOW MOTHER LILY SUPPORTED BONG
Kilala ng lahat si Mother Lily sa industriya sa pagiging matulungin at galante, pero may mga pagkakataon na umiiral din ang "mood swings" nito.
Pero kay Lani, nangibabaw sa alaala niya ang magandang disposisyon ng movie producer.
"And I will never forget, noong mababang panahon namin, dumadalaw siya sa amin sa Kampo Crame," tukoy ni Lani sa pagkaditena kay Bong sa loob ng apat na taon nang maharap ito sa kasong plunder.
Na-acquit si Bong noong 2018.
Hindi raw sila iniwan ni Mother Lily.
Patuloy ni Lani patungkol pa rin kay Mother Lily, "She was present and yun, napakahalaga no’n para sa amin.
"At saka, ninang namin siya sa kasal. She really performed her duties as a ninang, as our second mother."
MOTHER LILY REUNITED WITH FATHER REMY
Sa kabila ng pagdadalamhati sa pagpanaw ni Mother Lily, nasabi rin ni Lani na nakakaantig ang sariling love story ng movie producer.
Ang asawa ni Mother Lily na si Father Remy Monteverde ay pumanaw noon lamang July 29.
Read: Remy Monteverde, husband of Mother Lily, dies at 86
"Nakakalungkot," sabi muna ni Lani.
Patuloy niya: "Kanina, hindi ko mapigilan, naluha ako. Nang makita ko si Mother, I know, she’s in a good place right now.
"Pinost ko nga sa Facebook, a few days ago, nandito lang kami kay Father. Tapos ngayon, si Mother naman…
"Love has its way of putting couples really together.
"It’s not till death do you part, it’s beyond life. They’re happy together, beautiful love story."
