Sikat na artista si Rio Locsin na nagsimula sa showbiz noong late '70s at patuloy na namayagpag bilang aktres noong 1980s hanggang 1990s.
Read: Rio Locsin recounts with amusement her low-tech version of Darna 43 years ago
Ngayong 2024, patuloy sa kanyang showbiz career si Rio na kasali sa top-rating action series ng GMA, ang Black Rider.
RIO LOCSIN ON YOUNGEST STARS
At dahil marami siyang nakakatrabahong mga kabataang artista simula noon hanggang ngayon, tungkol sa kanila ang naging tanong kay Rio during the Black Rider Zoom media conference last July 13, 2024.
Meron ba siyang good or bad experience sa mga young stars ngayon?
Malumanay na tugon ni Rio, “Hmmm… wala naman akong bad experiences kaya lang magkaibang- magkaiba ang panahon namin ng pagtatrabaho at sa panahon ngayon ng pagtatrabaho.
“Kasi ang napapansin ko talaga noong panahon namin, mas grabe ang disiplina sa mga artista. Ngayon medyo mas lax kaya yung mga arista ngayon, medyo lax din sila.
"Pero sabi ko nga, sa taping namin, kapag yung mga kabataang artista ay lumapit sa akin o magtanong, humingi ng opinyon sa akin o humingi ng advice, readily ibibigay ko iyong hinihingi nila.
“Pero hangga’t hindi sila lumalapit sa akin, sino naman ako para pangunahan sila?
“Pero iyon, gusto ko sana na ma-instill sa bawat bago o iyong ngayong mga kabataang artista yung disiplina.
“Kasi importante iyon sa isang nagsisimula at saka kung gusto mo talagang magtagal— disiplina sa trabaho mo, pagmamahal sa trabaho mo.
"At siyempre pakikipagkapwa-tao mo, importanteng-importante iyon.” pahayag pa ni Rio na kausap ng PEP at iba pang miyembro ng media nitong July 13, 2024.
Finale week na ng Black Rider at magwawakas ito ngayong araw, Biyernes, July 26.
THOUGHTFUL CAST ON THE SET
Ano naman ang masasabi ni Rio sa mga nangungunang artista sa Black Rider, sina Ruru Madrid at Yassi Pressman?
“Ay ,wala po akong problema sa kanila,” bulalas ng batikang aktres.
“Mababait po talaga lahat at saka magagalang, marespeto.
"Si Ruru lagi akong inaalagaan kasi mahihirap ang mga eksena namin, e, lagi siyang nakaalalay.
“Kahit saang set po ako mapunta, sa unit 1, sa unit 2, sinuman ang mga kasama ko, nakaalalay po sila sa akin kasi senior citizen.
“Iyon po, inaalagaan nila ako. Pag mabibigat na eksena, ‘Okay ka lang po, Tita? Okay ka lang po?’
“Naa-appreciate ko iyon kasi pag dumating ka sa edad ko ngayon parang, parang iba na yung pakiramdam mo."

Sa edad ni Rio na 63, ang primary consideration niya ay pagaanin ang trabaho sa set.
“Siyempre, wala na yung kumpetisyon ano. Mas gusto mo na lang na nakakatulong ka o nahihingan ka ng tulong imbes na magiging pabigat ka.
“Gusto mo namang lagi kang mag-i-impart ng knowledge, yung may ma-i-impart ka na makakatulong ka sa kanila.
“Kaya iyon ang kahit papaano sa maliit kong kakayanan ay sana ay naibabahagi ko sa kanila.”
