Maraming papuri ang nakuha ng isang bakery sa Legazpi City, Albay.
Nag-trending ang post ng kanilang Facebook page kung saan ay ibinahagi nila ang isang nakaaantig na kuwento.
Ayon sa post, nito lamang July 14, 2024 ay pumunta sa Lazy Baker Cupcakerie si “Tatay.”
Nagtanong daw ito kung mayroon silang PHP100 na cake dahil nang araw na iyon ay graduation ng kanyang anak at iyon lamang ang tanging pera na mayroon siya.
Binanggit din sa comment section ng post na deaf and mute ang nasabing lalaki kaya’t nakikipag-usap lamang ito sa pamamagitan ng pagsusulat.
Dahil naantig ang owner ng bakery, ibinigay nito sa halagang P100 ang isang cake na originally ay nagkakahalaga ng P1,400.
Bilang ganti, nag-alok si Tatay ng kanyang serbisyo kung sakaling mangailangan ang bakery ng katulong sa paglilinis at iba pang bagay.
Read: MMDA ramp for PWDs draws criticism: "Medyo delikado ito."
bakery's post is about A FATHER’S LOVE
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nito lamang July 15, 2024, masayang ibinahagi ng 32-year-old bakery owner na si Alaiza “Aika” Fernandez ang kuwento ni Tatay na punung-puno ng inspirasyon.
Ani Aika, dalawang taon na niyang kilala si Tatay dahil sa pagbabalik-balik nito sa kanilang bakery.
Kuwento niya, “Lagi po siyang humihingi ng scraps, yung mga tinabasan po namin ng mga cake, kaya binibigay rin po namin, kasi yun po yung parang binubuhay sa family niya, yung naghihingi po siya ng mga pagkain na tira-tira kahit sa ibang restaurants po.”
Posible raw na nahirapan ang tatay na humanap ng trabaho dahil sa kanyang kondisyon.
Ang paghingi ng tira-tirang pagkain sa mga resto at bakery ang naisip nitong paraan para may mapakain sa pamilya.
Dagdag ni Aika, “‘Pag minsan po nagtatanong din siya kung may mga extra cake kaming malapit na ma-expire, nagtatanong siya kung puwede raw hingiin yun kasi mag-bi-birthday raw yung mama niya, yung mga ganiyan po.”
Sa paniniwala ni Aika, nasa late 40s na si Tatay, at bukod daw sa pagiging deaf and mute, pilay rin ito kaya hirap din maglakad.
Nasanay si Aika na ang pakay ni Tatay sa pagpunta sa bakery ay ang paghingi ng mga scraps.
Kaya nang magpunta ito noong July 14, hindi niya inaasahang balak pala nitong bumili ng cake.
Salaysay ni Aika, “Yung kahapon po, pumunta po siya, akala po namin, manghihingi lang po siya ng scraps.
“Pinasulat po namin kasi ‘pag minsan parang nag-sa-sign po siya na yung paper and pen daw kasi may isusulat siya.
“E, di, binigyan po namin ng paper and pen, tapos yun na po yung sinulat niya, na kung may tig-one hundred pesos daw po kami na cake kasi pang-graduation daw po ng anak niya.
“’Tapos tinanong ko po siya, sabi ko, ‘Sino po yung ga-graduate?’ Sabi niya, panganay daw po niya na anak.”
Hindi nagdalawang-isip si Aika na bigyan ng cake si Tatay dahil kilala naman daw niya ito. Isa pa, na-touch siya sa gesture na ito.
“After no’n, sinabihan ko po siya na wala po kaming maliit na cake, kasi sabi niya kahit maliit lang daw.
“Sabi ko, ‘Okay na po, sa inyo itong cake, ibibigay na po namin nang 100 pesos.’ Kasi, buena mano din po namin yun that day, kahapon. Kaya sabi ko, 'At least, may pumasok lang na pera.'”
Ipinahayag ni Aika ang paghanga kay Tatay, dahil may kapansanan man, hindi nawawala ang kagustuhan niyang iparamdam ang pagmamahal sa kanyang mga anak kahit sa pamamagitan ng mga simpleng bagay.
Ani Aika, “Nakaka-proud din po kasi despite po na may disability siya, na nahihirapan siya, nai-pursue niya po yung education ng anak niya.
"Tapos, siyempre po, yung cake po nag-si-symbolize po siya ng celebration kaya kailangan po may cake po talaga sila.”
Labis na tuwa raw ang nabakas sa mukha ni Tatay.
Paglalarawan ni Aika, “Sobrang happy po niya talaga, nag-ta-thumbs up siya tapos naka-smile talaga.
“’Tapos yun na po yung sinulat niya, na sabi niya, kung may gusto raw kami ipatrabaho, siya na lang daw. Siya na lang daw gagawa, kahit maglinis.
“Parang nabigla ako kasi parang hindi naman po talaga kailangan yun na gawin niya para makabawi.
“E, di, sinabi ko na lang, sinulat ko doon sa likod ng papel, sabi ko, ‘Congratulations po sa inyo and sa anak niyo,’ ganoon na lang po.”
Ayon kay Aika, sa isang community college nag-aral ang panganay na anak ni Tatay, at posibleng education ang kurso nito dahil ito lamang daw ang course na ino-offer doon.
Read: UP Cebu summa cum laude Jethro Modequillo's speech goes viral

PAYING IT FORWARD
Umabot na sa 46,000 reacts, 801 comments, and 14.7K shares ang post ng Lazy Baker Cupcakerie at this writing.
Malaking bahagi ng comment section ay papuri sa bakery at sa owner na si Aika.
Dagdag dito, maraming business owners ang nagpahayag ng kanilang interes na magbigay ng monetary gifts at free meals bilang celebration ng pamilya ni Tatay sa pagtatapos ng anak niyang si Lawrence.
Ibinahagi ni Aika na hindi ito ang unang beses na tumulong ang kanyang bakery sa mga nangangailangan.
Aniya, “Yung slogan po kasi namin is ‘Bake everyone happy.’
"Kaya ako po talaga, mahilig po talaga ako magbigay ng cake, kahit po yung mga giveaway namin, ‘pag anniversary namin…
“Kunyari last year, sixth anniversary namin, yung pinang-giveaway namin is six na cakes para sa mga kids, na yung mga hindi talaga afford na makabili.
“Kaya sabi namin, parang yung goal ko is mag-spread ng positivity through cake po kasi di naman po lahat nakakabili talaga ng cake.”
Natanong si Aika kung ano ang mensahe niya kay Tatay at sa mga tulad nitong magulang: “Saludo po ako sa kanila kasi yung parents ko ganyan din po.
"Naisip ko nga po yun. Sabi ko, ‘What if si Papa yun na humihingi tapos walang tumulong?’
"Kaya sabi ko, paano kung tayo na lang yung last resort ng taong yun?
“Kaya as much as possible kung kaya talaga nating tumulong, tutulong tayo.”
Sa viral post, may update din si Aika na labis-labis na tulong ang natanggap ni Tatay mula sa mapagmalasakit na netizens.
Caption dito: "Hi guys! Tatay wanted to let everyone know that the support he received was more than enough. A heartfelt thank you to each of you for your love and kindness. Let’s keep the positivity flowing"
Kalakip dito ang sulat kamay ni Tatay na nagpapasalamat sa tulong ng mga tao.

Nabanggit ni Aika na nagsimula ang business niya nang may magbigay sa kanya ng oven.
Dito nag-umpisa ang interes niya sa pag-be-bake at kalaunan ay naging negosyo niya.
Ngayon, ang kabutihang natanggap niya mula sa iba, ipinapasa niya sa mga taong nangangailangan ng kanyang tulong.