Kapansin-pansin ang naging pag-uusap ng TV host na si Willie Revillame, 63, at ng athlete-turned-broadcaster na si Gretchen Ho, 34, sa Seryosong Usapan: Willie Revillame Faces the Journos, na napanood sa TV5 noong Linggo ng gabi, Hulyo 7, 2024.
Kasama ni Gretchen na nag-interbyu kay Willie sina Ed Lingao, Lourd De Veyra, at Patrick Paez.
Pinaunlakan ni Willie ang imbitasyong bumisita at magpainterbyu siya sa apat na hosts ng Seryosong Usapan dahil simula sa Linggo, Hulyo 14, magbabalik na siya sa telebisyon at mapapanood na ang kanyang bagong game at public service program sa TV5, ang Wil To Win.
Read: Willie Revillame, binalikan ang child-abuse case laban sa kanya

Marami ang nanibago dahil sa mga tanong at reaksiyon ni Gretchen sa interaksiyon nila ni Willie.
Nang mapag-usapan ang personal na buhay ni Willie at ang pagiging binata nito, nagkomento si Gretchen.
Sabi ng dating volleyball player, "Huwag na rin akong mag-asawa, ‘no?"
Nangibabaw ang pagiging komedyante ni Willie dahil sa sagot niya sa sinabi ni Gretchen.
“Gusto mo tayo na lang?" natatawang tanong ni Willie kay Gretchen, na tila nagulat sa narinig.
“E, kasi pati ikaw, nadadamay ka, ayaw mo mag-asawa. Depende, mamaya magustuhan kita, magustuhan mo ako.”
Read: Willie Revillame, nagpasalamat sa GMA-7 nang pumirma ng kontrata sa TV5
GRETCHEN HO ASKS WILLIE REVILLAME ABOUT RELATIONSHIP
Hindi naman nagpatinag si Gretchen dahil muli nitong tinanong si Willie, “Dapat ba akong umiwas sa mga tulad ninyo?”
Seryosong sagot ni Willie, “E, ba’t ka iiwas sa tao na may magandang puso?
"Ba’t ka iiwas sa taong hindi ilegal ang ginagawa? Legal ang ginagawa, mahal ng mga mahihirap?
"Ba’t ka iiwas sa taong mabuti ang hangarin?”
Natawa naman ang mga male co-host ni Gretchen at nagbirong wala nang maisagot ang dalaga.
Tinanong naman ni Lourd si Willie kung ano ang puwede nitong ialay sa isang babae.
“Maging masaya lang siya. Happiness,” sabi ni Willie.
Muling humirit si Gretchen at nagtanong, “Paano kung gusto ko ng loyal, committed?”
“Bibigyan kita ng Loyal Tru-Orange,” mabilis na sagot ni Willie.
Natawa ang mga host ng Seryosong Usapan pero hindi na seryoso ang kanilang pag-uusap.
Pagpapatuloy ni Willie, “Kunyari, tayong dalawa ang magsyota. Bago, di ba, syota?
“E, kung mabait ka sa akin, ba’t kita sasaktan?”
Tanong muli ni Gretchen, "So, ibig sabihin, hindi naging mabait sa yo?
Paliwanag ni Willie, “Hindi naman. During that time, hindi pa ako handa.
"Ngayon, palagay ko, at my age, going 64, magloloko pa ba ako?"
Si Willie naman ang nagtanong kay Gretchen: “Ba’t ba ang mga tanong mo tungkol sa pag-ibig? Malungkot ka ba, Gretchen?”
Gretchen: “Masayang-masaya!”
Willie: “May boyfriend ka ba?”
Gretchen: "Wala! Masayang-masaya akong mag-isa kasi ayoko ng sakit sa ulo, e. Kasi baka magkasal tapos hihiwalay lang.”
Willie: “Ginagaya mo lang ako, e. Hindi sakit sa ulo ang boyfriend. Maghanda ka na. Ano ba ang gusto mo sa isang lalaki?
Gretchen: “Mas matangkad sa akin.”
Willie: “Pisikal ka pala, e. Kapag may abs, walang pera yan kasi laging nasa gym, e. Kapag may konting tiyan, maganda ang future mo diyan!”
GRETCHEN'S CONFESSION TO WILLIE
Bago naganap ang pag-uusisa ni Gretchen sa personal na buhay ni Willie, humingi siya ng paumanhin dahil sa kanyang post noon.
“May confession ako, pasensiya na. Meron akong na-post tungkol sa yo noon, time ni Cory Aquino. Petition to oust Willie Revillame,” sabi ni Gretchen, kasunod ang matunog na hagikhik.
Binasa ni Gretchen ang petisyon laban kay Willie noong Agosto 3, 2009 dahil sa naging reaksiyon ng Wowowee host habang ipinapakita sa telebisyon ang mga kaganapan sa araw ng libing ng dating Pangulo.
Nakasaad dito: “Sa tingin niyo ba, nararapat pa si Willie sa Wowowee pagkatapos ng napakarami niyang iskandalo? Nararapat ba siyang maging idolo ng kabataan ngayon? Kung sa tingin ninyo ay hindi, i-sign ninyo ang petisyon na ito upang matanggal siya sa Wowowee.”
Read: Criticisms mount against Wowowee host Willie Revillame
Matapos basahin ang petisyon mula sa kanyang hawak na cellphone, tila pa-cute na sinabi ni Gretchen kay Willie, “Memorized ko po yung kanta ninyo.”
Tugon ni Willie, “Hindi ka naman nag-iisa, e. Marami bang nagpetisyon?”
Reaksiyon ni Gretchen, “Hindi ko po alam yung resulta,”
Sabi ni Willie: “Dapat itanong mo. Ipinipetisyon mo ako, wala pala nagpepetisyon, e, di ikaw ang talo.
“Isipin mo nagdaan na ako sa stampede, 71 dead people. Pinabalik ako ng ABS.
“Ipinakita sa akin ni Ma’am Charo [Santos-Concio, ABS-CBN executive] yung emails na lahat, e, ‘We’re praying for you. Hindi mo kasalanan. Bumalik ka kasi ang nanay ko, nami-miss ka.' Those things.
“Alam mo ba yon, e, isa ka lang sa mga nagpepetisyon, ilang milyon yung gustong bumalik ka. Talo ka.”
Ang "stampede" na tinutukoy ni Willie ay ang naganap na stampede sa unang anibersaryo ng noontime show na Wowowee noong February 4, 2006, Sabado.
Dumagsa ang tinatayang 30,000 katao sa PhilSports Arena, o ULTRA, sa Pasig City upang saksihan sana ang first anniversary special ng Wowowee.
Pero nauwi ang dapat sana'y malaking kasayahan sa isang malagim na trahedya nang magkaroon ng stampede sa pagpasok nga mga tao sa loob ng venue. Dahil sa nangyari ay mahigit 70 katao ang namatay samantalang humigit-kumulang 400 iba pa ang nasaktan.
Read: DOJ affirms decision to clear Willie Revillame in Wowowee stampede