Hindi lilipat sa ABS-CBN si Jennylyn Mercado.
Ito ang nilinaw ng kanyang long-time manager na si Becky Aguila sa pamamagitan ng isang statement na inilabas ngayong Martes, Hulyo 2, 2024.
Read: Jennylyn Mercado, Dennis Trillo confirm jealousy was main reason behind past breakup
Kaugnay ito ng kumalat na espekulasyong lilipat ng Kapamilya network si Jennylyn matapos siyang hindi mapanood sa GMA Station ID 2024 na ipinalabas noong Biyernes, Hunyo 28.
Marami ang nagtaka at nagtanong kung bakit wala si Jennylyn sa bagong station ID ng GMA-7 gayong isa siya sa pinakamalaking bituin ng network.
Homegrown artist din ang aktres dahil nagsimula siya sa reality-based artista search ng Kapuso network na StarStruck noong 2003, kung saan siya ang itinanghal na first Ultimate Female Survivor.
Ayon kay Becky, nananatiling loyal si Jennylyn sa GMA-7.
Wala raw si Jennylyn sa station ID dahil "she was unavailable that day."
Tiniyak din ng veteran talent manager na inimbita ng GMA-7 si Jennylyn upang maging bahagi ng station ID, at labis daw nila itong na-appreciate.
Buoong pahayag ni Becky tungkol kay Jennylyn: "I just want to clarify to those who keeps on insinuating re the issue of network transfer that Jennylyn is a loyal artist of GMA and will always remain loyal for as long as her mother network wants her to stay.
"She was absent from the station ID simply because she was unavailable that day. Rest assured GMA extended an invitation to her, which we very much appreciate."
ON DENNIS TRILLO
Nagbigay rin ng pahayag si Becky tungkol sa kinasasangkutang isyu ng mister ni Jennylyn na si Dennis Trillo, na talent din ng Aguila Entertainment.
Kahapon ay nag-trending ang pangalan ni Dennis dahil sa kumalat na screen shot ng sagot umano nito sa isang netizen na nagtanong sa TikTok kung bakit wala si Jennylyn sa bagong GMA station ID.
Mababasang komento umano ng Kapuso actor: "May ABS pa ba?"
Pinutakti ng batikos si Dennis mula sa netizens, partikular na ang loyal followers ng Kapamilya network.
Bagamat wala nang franchise ang ABS-CBN—matapos hindi ito i-renew noong administrasyong Rodrigo Duterte—hindi lingid sa kaalaman ng marami na napapanood pa rin ang mga programa nito sa iba't ibang platforms at channels, kabilang na ang GMA-7.
Read: Did Dennis Trillo really ask, "May ABS pa ba?"
Iginiit ni Becky na na-hack ang TikTok account ni Dennis kaya hindi ito ang nag-post ng comment tungkol sa ABS-CBN.
Sabi pa niya tungkol sa aktor, "Dennis is a very humble and respectful and known to be a man of few words.
"He is not the type who would release comments that are insensitive to others most specially to his former colleagues in ABS-CBN where he was first launched via Star Circle."
Nauna nang nagbigay ng pahayag ang chief executive officer ng Aguila Entertainment na si Katrina Aguila at ang general manager nitong si Jan Enriquez, kung saan sinabi rin nilang na-hack ang TikTok acocunt ni Dennis.
Sa huli, nakiusap si Becky sa publiko na tigilan na ang pagpapakalat ng "hate and false accusations online."
