May mensahe ni Ai-Ai delas Alas sa mga bumabatikos sa kanya dahil nagsalita siya tungkol sa desisyon ng ABS-CBN News na “i-take down” o alisin ang artikulo tungkol sa pangarap niyang magkaroon ng reunion movie ang cast ng Ang Tanging Ina.
Inalis ang artikulong may pamagat na "Ai Ai delas Alas in talks with Star Cinema for ‘Tanging Ina’ reunion" na lumabas noong Hunyo 8, 2024 dahil, diumano, itinanggi ng mga tauhan ng film arm ngABS-CBN na may pag-uusap na nangyari sa pagitan nila at ni Ai-Ai.
Read: Ai-Ai delas Alas, excited sa Tanging Ina reunion movie
Nasaktan si Ai-Ai dahil parang pinalabas itong sinungaling at walang katotohanan ang kanyang pahayag sa isang Zoom media conference.
Dito ay sinabi niyang may tinanong at kinausap siya—ang dating advertising and promotions manager ng Star Cinema na si Roxy Liquigan—tungkol sa posibilidad na reunion movie bilang isang U.S.-based Filipino-American producer ang interesadong makisosyo sa movie company ng ABS-CBN.
Dahil sa sama ng loob, nakapagbitaw si Ai-Ai ng ganitong salta: “Bakit pinagkakitaan niyo naman ako dati sa Star Cinema, di ba?”
Ito ang naging mitsa para makatanggap ng mga batikos ang Comedy Queen dahil sa paratang na nakinabang at kumita rin siya sa Star Cinema.
Read: Ai-Ai delas Alas, naglabas ng hinaing tungkol sa Star Cinema
AI-AI DELAS ALAS EXPLAINS STATEMENT ABOUT STAR CINEMA
Nakarating kay Ai-Ai ang mga below-the-belt na paghuhusga sa kanya kaya may mensahe siyang nais ipaabot sa mga basher niyang hindi umano alam ang tunay na isyu.
Paliwanag niya sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Enertainment Portal) ngayong Biyernes, Hunyo 14, 2024: “Bakit ko nasabi na pinagkakitaan ako ng Star Cinema?
"Ganito yan, win-win situation naman talaga yan. Pinagkakitaan nila ako, kumita rin ako sa kanila.
"Bakit ko nasabi yon? Kasi po, in any relationship, kunwari, kung magkapatid, magkaibigan, magkapamilya kayo, magkatrabaho kayo nang matagal na panahon, di po ba kapag yung small things na ganoon...
"Kasi tanong lang naman yon, usapan lang yon, bakit kailangan i-take down yung news?"
Ang tinutukoy ni Ai-Ai na "usapan" ay tungkol sa posibilidad na magkaroon ng Ang Tanging Ina reunion movie.
Pagpapatuloy niya, “Kumbaga, matagal tayong nagsama.
"Maliit na bagay yan, na totoo naman na may nakausap ako, kukuwestiyunin mo pa ba?
“Alam mo yung ganoong pakiramdam? Kaya nasabi ko na 'pinagkakitaan ninyo naman ako ah.'
"Kasi maliit na bagay lang ito kung ikukumpara sa mga pinagsamahan natin. Bakit hindi niyo pa naibigay sa akin?
"Yun po ang hugot ko tungkol sa isyu."
Read: Ai-Ai delas Alas addresses bashing after It's Showtime guesting

AI-AI DELAS ALAS ADDRESSES HER BASHERS
May karagdagang mensahe si Ai-Ai para sa mga basher niyang paulit-ulit siyang tinatawag na "laos."
Natatawang sinabi ni Ai-Ai na hindi na siya naaapektuhan.
Hindi na rin daw siya nagpapaapekto sa mga basher dahil walang alam ang mga ito tungkol sa tunay na kuwento ng isyung kinasangkutan niya.
Mensahe ni A-Ai, “Sa aking bashers, hindi naman masamang magpakumbaba at maging humble.
“Kailangan dapat nagkakaisa tayo, di ba? Alam niyo naman na wala nang franchise.
“Ako naman, wala akong masamang intensiyon, gusto ko lang magkaroon ng reunion movie ang cast ng Tanging Ina."
Ang tinutukoy ni Ai-Ai na "wala nang franchise" ay ang ABS-CBN, ang mother company ng Star Cinema.
Matatandaang noong July 10, 2020 ay ibinasura ng Kongreso, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Read: Who are the 70 solons who voted to kill ABS-CBN appeal for franchise renewal?
Natatawang dagdag pa ni Ai-Ai: “At saka kayong mga basher, ang hilig-hilig ninyo na kapag meron kayong pinag-iinitang mga artista na gusto ninyong i-bash, ang hilig-hilig ninyong pagsabihan ng 'laos, laos, laos!'
“Nakooo, kung yan ang opinyon ninyo, wala akong magagawa.
"Pero modesty aside, at least, kung laos man ako, sumikat ako! Kilala ako sa Pilipinas, kilala rin ako sa lahat ng mga bansa na may mga Pilipino.
“E, kayo? Hindi ko naman kayo kilala kaya kayo ang laos kasi hindi naman kayo sikat.
“At saka kung hindi naman ako sumikat, hindi niyo naman ako pag-aaksayahan ng panahon… di ba? Aminin!”
Idinaan din ni Ai-Ai sa biro ang huling mensahe niya para sa kanyang detractors: “At saka alam niyo ba talaga kung anong meaning ng 'Laos'?
"Ang Laos ay isang Southeast Asian country traversed by the Mekong River! Yun! Okay, bye!”