Ipinagtanggol ng singer-songwriter na si Ogie Alcasid ang kanyang It's Showtime co-host at kaibigang si Vice Ganda sa gitna ng pinakahuling kontrobersiya.
Kaliwa't kanang bashing ang ibinabato ngayon kay Vice dahil sa pagbawi nito ng kanyang intensiyong humingi ng paumanhin sa "EXpecially For You" searchee na si Axel Cruz at sa searcher na si Maria Christine.
Read: Nico Locco, may pasaring kay Vice Ganda
"THIS PERSON TAKES IT ALL..."
Sa kanyang X (dating Twitter) account kahapon, June 9, 2024, naghayag si Ogie ng kanyang saloobin ukol sa kasamahan sa It's Showtime.
Ayon kay Ogie, matagal na dapat niya itong ginawa para sa kaibigan.
Dagdag pa niya, walang ibang intensiyon si Vice bawat araw na pumapasok ito sa show kundi ang magpasaya ng viewers.
Sinasalo rin daw nito lahat ang anumang batikos at puna mula sa netizens para sa buong show.
Buong post ni Ogie, "This is long overdue. There is a friend i know who comes to work only having the sole intention of making people happy.
"This person takes it all— for the team, for the show, and for the madlang pipol. This is why i stand for this friend of mine imperfect as she is. Love you meme @vicegandako"
REACTIONS FROM NETIZENS
Sa comments section, naghayag ng kanilang suporta ang ibang netizens sa pagtatanggol ni Ogie kay Vice. Eto ang ilan, published as is.
Sabi ng isa: "Sir Ogs, noon pa noong 1990s I have seen most of your iconic shows— mula Game na Game Na!, Tropang Trumpo, and Bubble Gang and fast forward to @itsShowtimeNa- you have never lost your lustre. Your lustre compliments the show, everyone’s a cog that runs the show. Salamat sa pagtindig with @vicegandako. Huwag papatinag and keep on shining!"
Mensahe ng isa pang netizen, "We love you, Meme Vice @vicegandako and the whole @itsShowtimeNafamily! We stand by you...continue on making people happy and continue helping our fellow Filipinos..."
Ayon sa isa pa: "We love you all Showtime Family we are not only standing for @vicegandako but to the whole showtime family walang taong perpekto pero feeling perfect marami bwak bwak bwak Thanksss kuya Ogie for the unconditional love sa ating meme"
Sa kabilang banda, may ilang naghayag ng saloobin sa pagtrato umano ni Vice kay Ogie sa show lalo na kung magbiruan sila.
Saad ng isang netizen, "Don’t let that FRIEND of Yours insult you yun langssss di nakaka proud moment"
Sabi ng isa pa, "A true friend never tolerate someone's bastos and mapagmataas behaviour, dapat pagsabihan... never use "imperfect" as he is, kasi it depends on how he perceived and accepted his imperfections in other areas but tend to disregard his bastos and arogante na behaviour.. kapit tuko?"
VICE GANDA, IT'S SHOWTIME HOSTS CALL OUT AXEL
Nag-ugat ang pamba-bash na natatanggap ngayon ni Vice nang i-call out niya si Axel nang besohin nito ang searcher na si Christine matapos hindi piliin si Axel bilang ka-date ng dalaga sa "Expecially For You" episode noong May 31.

Sabi ni Vice kay Axel: "Oy, hindi pwede yun, that’s bad!
"Don’t do that, you ask for permission. Alam mo bang pwede kang mademanda sa ginagawa mo?
"Don’t do that, hindi ka pwedeng biglang nagnanakaw ng halik."
Kumalat sa social media ang video clip ng eksenang ito at inulan ng batikos ang mga host ng It's Showtime, partikular na si Vice.
Ayon sa ilang netizens, pinahiya ni Vice si Axel.
Ginawa lamang daw ito ng TV host-comedian dahil sa hitsura ni Alex, at hindi niya ito gagawin sa isang lalaking may hitsura.
Lalo pang nadagdagan ang galit ng netizens nang maglabas ng TikTok video si Christine kung saan ipinagtanggol niya si Axel.
Taliwas daw sa akala ni Vice at ng co-hosts, hindi raw siya ninakawan ng halik ni Axel.
Naglabas din ng Facebook post si Axel kung saan ipinaliwanag niyang wala siyang intensiyong nakawan ng halik si Christine.
Humingi rin siya ng paumanhin kung sa tingin ng iba ay mali ang kanyang naging aksiyon.
Dahil dito, nag-tweet si Vice noong Sabado, June 2, upang ipahayag ang kanyang intensiyong mag-apologize kay Axel dahil sa mali niyang akala.
Tweet niya (published as is): "Sorry na mali ang reaction ko. Ang dating kasi sakin at sa ibang andun eh na-off si girl na sinunggaban sya ng halik and i thought na she felt violated. Since hindi naman pala I will apologize to the guy."
Read: Vice Ganda expresses intention to apologize to Axel Cruz
VICE GANDA retracts apology
Bago matapos ang It's Showtime noong June 4, 2024, binawi na ni Vice ang kanyang tweet na mag-a-apologize kay Axel kaugnay ng insidenteng nangyari sa May 31, 2024, episode ng It's Showtime.
Ayon sa TV host-comedian ng noontime show: "Binabawi ko yung twineet ko na I will say an apology because I do not need to apologize for what I did.
"Ito ang aking paniniwala, at paniniwala din namin na hindi kinakailangang mag-apologize because what we did was right."
Sabi ni Vice, kinolout nila si Axel base sa mga nakita nilang mga host at karamihan ng mga nasa audience at base rin sa naging reaksiyon ni Christine sa ikinilos ni Axel.
Nagkaroon daw ng usapin kung tama o mali ang kanilang ginawa o kung na-discriminate si Axel, base sa sinasabi ng ibang netizens na kinolout l amang ito dahil sa kanyang hitsura.
Nag-usap-usap daw ang hosts, unit head, producers, at psychologists ng It's Showtime tungkol sa isyung ito.
Nakausap din daw nilang muli sina Christine at Axel.
At pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay napagtanto raw ni Vice na hindi siya dapat humingi ng paumanhin.
Isiniwalat ni Vice na, sa muling pakikipag-usap ng It's Showtime staff at ng psychologist kay Christine noong June 3, sinabi ng huli na totoong na-off siya sa naging kilos ni Axel.
"Talagang na-off siya at may naramdaman siyang hindi siya kumportable sa ginawa nung searchee," sabi ng TV host-comedian.
May dahilan daw si Christine sa pagkakasabi sa kanyang TikTok video na hindi siya na-off, pero hindi na raw nila ito ibabahagi.
Saad ni Vice: "Nirerespeto namin ang dahilan ni Christine kung bakit sinabi niya yon, na hindi siya na-off when, in reality, na-off talaga siya.
"At since na-off si Christine, naniniwala ako na hindi mali na kinolout namin si Axel dahil karapatan ng isang babae na tumanggi o umalma kung para sa kanya, sa pakiwari niya ay hindi siya kumportable sa ikikilos ng sinuman sa harapan niya.
"Kung hahawakan man siya, hahalikan man siya, aakbayan man siya, tatapikin man siya, karapatan po ng babae na tumanggi at umalma.
"At yun po ang nakita namin noon araw na iyon—may pag-alma si Christine kaya kinolout namin.
"Dahil obligasyon po rin namin, dahil imagine kung may ganung pangyayari na merong boundary na natapakan pero wala kaming ginawa, iko-call out din po kami."
Dagdag niya, "Bilang main host po nung segment na yon, it was my duty to call that action out. Dahil kung hindi ko rin ginawa yon, ako rin ang maku-call out, bakit namin hinahayaan.
"Ginawa po namin yun para protektahan ang aming guest din, na hindi matapakan ang kanyang boundary bilang isang babae nung puntong yon."
Ayon naman kay Karylle, "Yung nakita nung time na yon, talagang nahawi niya [Christine]. Minsan kasi yung katawan natin nagre-react siya automatic, di ba?" sabay muwestra ng paghawi.
Dagdag ni Teddy, "Although hindi kita sa TV, dun sa anggulo. Pero yung anggulo namin dito sa hosts, talagang... Pati yung ibang nanonood, talagang kita rin nung mga nanonood."
Tinanong daw ni Vice ang psychologist ng It's Showtime kung mali ba ang naging reaksiyon nila sa aksiyon ni Axel kay Christine.
Sabi raw ng psychologist: "Hindi natin masasabing mali yung reaksiyon niyo kasi hindi lang naman isa o dalawa ang may parehong reaksiyon niyo ng majority ng nandun sa silid na yon.
"Reaksiyon yon ng lahat ng hosts at karamihan ng nasa studio at ganun din sa mga nakapanood. So, hindi natin masasabing mali yung reaksiyon niyo kasi nakita niyo mismo."
Dagdag ni Vice, "Kami po, nakita po namin dito."
Read: Vice Ganda retracts apology to "EXpecially For You" searchee
Wala pang opisyal na pahayag si Vice kaugnay ng bashing na natatanggap niya sa kasalukuyan, bagamat paminsan-minsan ay humihirit siya ng biro na may kinalaman dito.
