Binalikan ni Mindoro Oriental Vice-Governor at aktor na si Ejay Falcon ang kanyang buhay noon bilang kargador.

Si Ejay ay ipinanganak at lumaki sa Wawa, Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Nagbago ang takbo ng kanyang buhay nang pasukin niya ang mundo ng showbiz sa pamamagitan ng Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus taong 2008.
Read: Ejay Falcon chooses school over politics: "Iyon na lang po ang kulang sa akin"
"PROUD KARGADOR"
Sa Facebook nitong nakaraang May 31, 2024, muling inalala ni Ejay ang kanyang pagsusumikap noon sa probinsiya para mabuhay.
At hindi niya nakakalimutan ang kanyang simpleng trabaho noon bilang kargador ng kopra.
Kuwento ni Ejay (published as is), "Kahapon, sa pagdalo ko sa isang Birthday na imbitasyon, May isang lola na naghintay sa akin at hindi umuwi para daw hintayin ako.
"Pagdating ko bigla nya sinabi- Totoy, Tanda mo pa ba ako? Tinitigan ko sya mabuti, at sya na ang nagsabi na ‘Ako ang binibilihan mo ng sinulbot o Banana cue sa Wawa Pinamalayan habang nagkakargador ka.
"Bigla ko sya niyakap at sinabi ko, Ay kayo po Nanay Nene. Tuwang tuwa po kami pareho, Nasubaybayan nya ang pagiging istibador/Kargador ko noong mga panahon na yun.
"Maraming salamat po Nanay Nene sa iyong mga Banana cue na alam ko yun ang isa sa nagpalakas ng aking katawan habang buhat ang Copra at mga uling
"Ako po si Ejay L. Falcon- Proud Kargador."
EJAY FALCON RIDICULED BEFORE MAY 2022 ELECTIONS
Bago ang eleksiyon noong May 9, 2022, kinalkal ng mga kalaban sa pulitika ni Ejay ang kanyang pinagmulan.
Kaya naman isang inspirational message ang ibinahagi niya sa Facebook noong March 31, 2022.
Inihayag ng actor-politician noon ang isang mensahe tungkol sa determinasyon ng isang tao upang magtagumpay sa kanyang buhay.
May kahalintulad daw kasi siyang karanasan ukol dito.
Panimula ni Ejay, “Wala pong anumang uri ng pangmamaliit ang makakaalis sa anumang achievements na nakamit sa napili nating mga larangan.
“Maging magsasaka ka man, mangingisda, doktor o isang artista tulad ko, kaya po natin mamayagpag at maging pinakamagaling kung ating tatrabahuhin at pagsisikapan.”
Ayon pa kay Ejay, kung anuman ang napili nating propesyon, nararapat lamang na pagbutihin ito at kailangan ding samahan ng maayos na pakikitungo sa kapwa.
“Wala pong limitasyon ang ating kakayahan kaya hindi po tayo maaring ikahon sa iisang lalagyan lamang.
“Dahil higit sa propesyong ating pinili, mas mahalaga po na matutunan at pagtibayin natin ang kabutihang asal, mahusay na pakikipagkapwa tao, tapat na puso sa serbisyo, at kalawakan ng isip para po mag-grow at matuto.
“Ito po ang magdadala sa atin sa mas matatayog na tagumpay.”
EJAY'S LIFE MAKES ABIG TURNAROUND
Nagbago ang buhay ni Ejay nang tanghalin siya bilang Big Winner sa Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus ng ABS-CBN.
Read: FIRST READ ON PEP: Ejay Falcon voted Big Winner of "Pinoy Big Brother Teen Edition Plus"
Mula noon, nagsikap siya sa pagtataguyod sa kanyang karera hanggang sa makilala sa mundo ng pag-arte.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na isang kargador si Ejay bago pa siya pumasok ng Big Brother house.
Kaya sa mga nasasabihan ng ganito o ganyan ka lang, huwag daw itong pakinggan dahil baka ito ang maging hadlang upang hindi mo mapagtagumpayan ang iyong nais na marating sa buhay.
Saad ng aktor, “Kaya po sa susunod na sabihin sa iyo ninuman na hanggang dyan ka na lang, suklian mo lang po ito ng ngiti dahil ang katotohanan malayo pa ang mararating mo.
“Nasayo po ang kapangyarihan at hindi sapat ang salita para kunin nila ito sa iyo.
“Tulad ko po, isang simpleng kargador sa probinsya na ginusto maging artista.
“Nagtagumpay at ngayon pinapalawak ang kakayahan at papel sa lipunan sa pamamagitan ng pagsabak sa mundo ng paglilingkod.
“Kung pinakinggan ko po ang mga taong nagsabing artista ka lang, wala po siguro ako ngayon dito, lumalaban po para kayo ay paglingkuran.”
Sa isang hiwalay na post noong March 26, 2022, sinabi ni Ejay na may mga taong nanghamak sa kanya pero hindi na niya pinapansin ang mga negatibong kritisismong ito.
Aniya, “Sa dinamidami ng panghahamak at panghuhusga Ok lang po. Dahil ngayon ko napapatunayan na ang Mindoreños ay habang ibinababa ka ng isa o dalawang tao ay may sampu, isang daan o libo na mag-aangat sayo.
“Ito ang nadiskubre ko sa kababayan kong Mindoreño. Maraming salamat po.”
Read: Vice gubernatorial candidate Ejay Falcon determined to prove himself amid ridicule
Tumakbo si Ejay bilang bise-gobernador sa lalawigan ng Oriental Mindoro ka-tandem ang incumbent Governor na si Bonz Dolor.
Pareho silang nanalo.
Read: Ejay Falcon's dad moved to tears during actor's inauguration as vice governor
