“Perfect timing,” at “blessing in disguise” ang ilan sa mga salitang puwedeng itawag sa bagong barkada summer movie na G! LU na ipalalabas na sa mga sinehan simula ngayong April 24.

May limang taon na rin ang nakalipas mula noong gawin ito nina Ruru Madrid, Derrick Monasterio, Enzo Pineda, Teejay Marquez, Kiko Estrada at David Licauco.
Hanggang sa dumaan nga ang pandemya. Kumpara noon, ngayon ay masasabing mas kilala at mga nakagawa na ng kanya-kanyang pangalan ang lima at pawang mga nagbibida na sa kanya-kanyang pelikula at teleserye.
Kuwento ng mga Gen-Z na tumatalakay sa mental health, mga isyu ng mga kabataan ngayon kasabay ang paboritong puntahan na lugar, ang La Union.
Sa ginanap na mediacon ng G! LU sa KAO Manila, Newport World Resorts noong April 15, pare-pareho halos ang naging sagot nina Teejay, Derrick, Enzo at David na dumating na rin sila sa puntong napaisip sila kung maipalalabas pa nga ba ang pelikulang ginawa nila.
Ayon kay Derrick, sila raw ni David, madalas nila itong napag-uusapan.
“Kami ni David, lagi. Palagi niya akong mine-message. ‘Bro, yung G! LU, ipapalabas pa kaya iyon?’ Palagi kaming nag-uusap.
“Actually, sa dami na ng mga nangyari at sa sobrang busy naming lahat, siyempre, nakalimutan namin. Ako, aaminin ko, medyo nakalimutan ko.
“Pero, noong nakita ko na parang lumalabas na ulit siya, sabi ko, may ginawa nga pala kaming movie. Tapos, nagkaroon na ng mga dates, presscon, promotion, sabi ko, finally it’s here.
“At naalala ko yung masasayang moment. At naalala ko lahat kung gaano kasaya gawin yung G! LU. Yun lang naman na noong una, ‘kumusta na kaya?’ Tapos ngayon, heto na.”
Inamin naman ni Teejay na kinabahan din siya na baka hindi na talaga maipalabas ang ginawa nila.
Aniya, “Siyempre, kinakabahan talaga…
“Hindi naman sa kinabahan, pero every time na magkikita kami, palaging topic namin. ‘Uy, kailan ipapalabas? Ipapalabas pa ba?’
“Pero, iniisip na lang namin before, baka hindi na maipalabas. Pero lahat nagtataasan na ang career. Kaya sabi namin, sakto, kapag ipinalabas ‘to, mas okay.
“So, nangyari ang lahat. Feeling ko, perfect timing talaga ngayon. So, naiintindihan ko na kung bakit hindi pa siya naipalabas noon. Hopefully, maging opportunity ito para mapanood ng lahat.”
Positibo lang naman ang pananaw ni Enzo at mas lamang ang excitement niya na matuloy nga itong maipalabas at mapanood ng karamihan.
“Siyempre, sobrang excited po ako like everybody else,” saad ni Enzo.
“But of course, at the end of the day, a lot of things happened and kami po, tiwala po kami kay ALV [Arnold L. Vegafria] — manager, producer. At saka kay Direk (Phillip King) na ilalabas nila ito sa tamang timing.
“At alam naman po natin na sobrang init ngayon ng panahon. Nasa 40, 41 na, so I believe, perfect timing itong G! LU. Pampadagdag ng init ang pelikula namin.”
At sa kanilang lahat, si David ay wala raw pag-alinlangan na maipalalabas ang pelikula nila kahit na umabot pa ito ng limang taon. Bilang negosyante, naisip niya na kailangang mabawi ang pinuhunan dito.
Ayon kay David, “Alam ko naman na ipapalabas siya. Number one, siyempre naman, si ALV gumastos siya. Kailangan naman niyang maibalik ang ininvest niya, di ba?
“I think, it’s just a matter of timing nga gaya ng sinabi nilang lahat. At saka, perfect timing. Kung iisipin niyo, lahat ngayon, may mga ginagawa. I think, it’s the year na puwede namin siyang gawin and then, nagka-pandemic.”
G! LU BOYS’ WILDEST SUMMER ESCAPADES
At dahil isang summer movie na ang lokasyon ay isa sa paboritong destinasyon sa Luzon pagdating sa beach, surfing at pang-destress. Minsan nailalabas ang pagiging ‘young,’ ‘free’ and ‘wild’ na bahagi ng pagiging isang kabataan.
Tinanong nga namin sila kung sa tunay na buhay — may karanasan sila na masasabing ‘wildest summer’ nila?
“Siguro hindi wildest summer, wildest space ng buhay,” sabi ni Derrick. “Siguro, normal naman iyon sa amin na nasa industry, yung heydays namin. 20-24, usually iyan ang peak.
“Ang maganda rito, ang kasama ko sa mga ganyan ko, e, si David,” natawang sabi niya.
“Palagi ko iyan kasama sa mga ganyan at yun nga, ang maganda, habang ginagawa namin ang movie, yun talaga ang bonding namin. Yun talaga ang ginagawa namin. Parang nagtu-throwback kami na, ‘uy, ginagawa lang natin ‘to dati.’
“So meron, meron naman po. Hindi naman mawawala iyon. Pero, ang important dito, as we grow older, yung character development namin and as we mature in our life, nakakakita kami ng mga taong magpapasaya sa amin at magpapa-realize sa amin na ito dapat ang trajectory ng life mo.
“Siguro may growth kaming lahat sa career, sa love, sa lahat.”
Sabi naman ni Teejay, “Ako kasi, ine-enjoy ko lahat ng summer. So, kapag every summer, mas pa-wild nang pa-wild. So kung wild na ako last year, dapat this summer, magkita tayo sa La Boracay.”
Saka natatawang sinunod na, “Hindi, joke lang.
“So ako, yun lang, nag-eenjoy lang. Ine-enjoy ko lang every time na nagbabakasyon. Tulad namin, nagtatrabaho, nagsusumikap. So, everytime na magkaroon ng chance na magpahinga with friends, family, go ako. I think, we deserve — lahat naman tayo deserve. So, kung maging wild man, what happened there, stays there.”
Aminado si Enzo na may mga panahon siya ng wildest days niya raw.
“Of course, I had my own fair share. I can’t say wild though. Siguro adventurous lang.
“Siyempre, being younger back then, you get to experiment and mahanap mo ang mga bagay na gusto mong gawin sa buhay. And noong time na yon, I can say that I enjoyed that time of my life. Siyempre ngayon, ibang phase naman po kami. Pang-seryosohan naman.”
Habang si David naman, college days pa raw siguro niya kung meron man.
Ayon dito, “Siguro noong college ako, uso kasi yung LaBoracay. Actually, pupunta kami ng Boracay. Buong nasa college, pupunta roon. So siguro yun ang mga moments na pinaghahandaan namin noong bata ka pa.”
Ang G! LU ay mula sa ALV Films in tandem with Benchingko Films at Rein Entertainment.
Bida rin sa pelikula sina Kiko Estrada, Ruru Madrid, Pinky Amador, Michelle Dee, Katarina Rodriguez, Chanel Morales, Maureen Montagne, Sophia Senoron, Kimi Mugford, Ali Forbes, Carl Guevara, Ken Anderson, Denver Hernandez at marami pang iba.
Ito ay sa direksyon at panunulat ni Philip King.
