Nakalabas na ng kulungan ang social-media sensation na si Deo Balbuena a.k.a Diwata matapos nitong magpiyansa sa kasong slight physical injuries na isinampa laban sa kanya noon pang 2018.
Umaga ng Martes, April 16, 2024, sinadya ng Pasay City Police si Diwata para arestuhin sa bisa ng isang warrant of arrest.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente noon pang May 2018.
Nag-ugat ang reklamo sa paghahampas ni Diwata sa complainant, isang construction worker na nagngangalang Rogelio Magallanes.
Si Magallanes ang mismong nagsampa ng kaso at nagsuplong kay Diwata sa mga awtoridad matapos umano siyang paghahampasin ng kawayan sa ulo ng social media personality habang nagpapahinga sa tulay ng Diokno Boulevard sa Pasay City.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo si Magallanes dahilan para magsampa siya ng reklamo sa tanggapan ng Pasay City Prosecutor’s Office.
Read: Netizens praise Diwata for his realistic take on "diskarte o diploma"
Hapon ng April 16, nakalaya pansamantala si Diwata matapos niyang maglagak ng tatlong libong piyansa.
Hindi ito ang unang pagkakataong nakapasok si Diwata sa Pasay City Jail.
Noong 2016, nasangkot siya sa isang insidente kung saan siya ang biktima.
Nagtungo sa presinto noon si Diwata para ireklamo ang dalawa niyang kaibigan na sinaktan at sinugatan siya gamit ang cutter.
Lahad ni Diwata sa interview, nakita niya sa ilalim ng tulay sa Pasay kung saan siya nakatira ang dalawang kaibigang gumagamit umano ng bawal na gamot.
Nauwi sa sakitan ang away kaya nagtamo siya ng mga sugat.
Makalipas ang walong taon, nagbago na ang kanyang sitwasyon.
Ngayon ay mayroon na siyang pag-aaring 24-hour pares business sa Pasay na tinawag niyang Diwata Pares Overload Unli Rice, na sikat na sikat ngayon sa TikTok.
Read: Meet Diwata, nag-trending sa presinto noon, asensado na ngayon
Kamakailan din ay pinasok na ni Diwata ang mundo ng showbiz nang lumabas siya sa Kapamilya prime time series ni Coco Martin na FPJ's Batang Quiapo.
Read: Sandara Park on Coco Martin: “Sana maging leading man ko siya in the future.”
