Fifty-one years na si Hajji Alejandro sa industriya, pero wala pa raw siyang na-i-encounter na sign of disrespect mula sa mga nakakasalamuha niyang artista sa industriya.
"Fortunately hindi ko na-experience iyan at all. In fact, kabaligtaran ang na-experience ko diyan.
“Sample lang, Eat Bulaga!, nag-guest ako nung kasikatan ni Maine Mendoza saka ni Alden [Richards]. Nasa isang dressing room ako, bihira na akong…kung mapapansin ninyo, bihirang-bihira akong mag-guest sa TV, part na din katamaran ko na din siguro, ayoko ng traffic, e,” at tumawa si Hajji.
“Going back sa story ko, kasikatan nila nun, I was already in the dressing room, doing my business, magpapalit ako. Kumatok sila’t pumasok sila, nagmano pa sa akin, e, nagpakilala sila as if hindi ko sila kilala, kilala sila ng buong Pilipinas, di ba?
“They’re showing me their respect, ganun.
"And I’ve experienced that in almost all the studios that I’ve been, na I think kinikilala nila kung ano yung kontribusyon ko sa industriya.
“Yun lang ang masasabi ko, ako hindi ko na-experience yun and hindi ko ma-imagine kung bakit magiging ganun.
"Meron daw kasing mga bagong artista na yung ganun, feeling prima donna, well, I’ve yet to see one, hindi ko pa na-experience yun, e."
May mga bata at baguhan na hindi raw siya kilala, pero hindi problema sa kanya na mag-self-introduction.
Sabi ng balladeer, “Maganda din minsan… kasi hindi mo puwedeng i-presume na kilala ka ng lahat ng nanonood.
"Halimbawa meron din mga millennials diyan, di ba. Ako, ang ginagawa ko, sinasabi ko dun sa mga kasabayan ko, allow me to introduce myself to them, ‘My name is Hajji Alejandro, your parents know me.’”
HAJJI ALEJANDRO ON SINGING HIS SONGS IN CONTESTS
Samantala, wala raw problema kay Hajji kung kinakanta ang mga hit songs niya sa mga singing competitions.
“Napakalaking ano nun, e, parang napakalaking compliment. It’s like telling you that you’ve done something really good, something right, no?
“Na naka-contribute ka dito sa industriya na ito, lalo na para bang naalaala ko yung first time na narinig ko yung first single ko, e.
"First single ko kasi 'Tag-Araw, Tag-Ulan,' side A [of casette tape], tapos 'Panakip Butas' naman side B.
"I remembered the first time narinig ko yung 'Tag-Araw, Tag-Ulan' sa radio. Natapos kong i-record tapos several weeks later, pinatugtog sa radio.
"Talagang nagda-drive ako, umiiyak ako talaga, yung feeling na talagang ang sarap, from inside nararamdaman mo.
"Ganun din ang nararamdaman ko pag kinakanta ng ibang tao yung mga awitin ko.
“Si Rachel ni-revive dalawa dun sa mga hit songs ko before and made it again into another hit, yung 'Nakapagtataka,' kakantahin namin iyan as a duet dito sa concert.”
Magsasama sa musical concert na Awit Ng Panahon: Noon At Ngayon si Hajji Alejandro at ang anak na si Rachel Alejandro.
Read: Rachel Alejandro still childless after 11 years of marriage: “Yung husband ko ayaw talaga.”
HAJJI AND RACHEL ALEJANDRO'S Awit Ng Panahon: Noon At Ngayon concert
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), tinanong si Hajji kung ano ang advantage at disadvantage na nakakasama niya sa mga trabaho o proyekto ang kanyang anak.
“Ang advantage para sa akin ay dalawa kita namin,” ang tumatawang sinabi ni Hajji.
Pagpapatuloy pa niya, “Wala akong nakikitang disadvantage.
"Tsaka yung ano, walang kasing-saya yung magkasama kami sa stage, like magkatinginan lang kami alam na namin kung… kumbaga nga nagkaka-amuyan kung ano gusto naming ibigay sa audience, ganun.
“And sa title na title na lang parang bagay kami ni Rachel dito kasi ako, aakuin ko na yung ‘noon,’” at muling tumawa si Hajji.
“Actually, mahirap na ding sabihing ‘ngayon’ si Rachel. e, siya na lang yung ‘at,' kasi yung ‘ngayon’ ang babata, e. Ilang years ka na din ba,” sabay-baling nito kay Rachel, na sumagot ng “Thirty plus years na.”
Muli pang pagpapatuloy ni Hajji, “Thirty plus years na din in the industry, so you can just imagine what does that make me? Jurassic,” at muli itong tumawa.
“Sa totoo lang po, fifty-one years na ako in show business this year.
“Kasi nag-umpisa ako na I considered myself professional, kasi pag sinabing professional yung binabayaran ka na para kumanta ka, e, 1973 when I joined the group called Circus Band, so fifty-one years.
“Iyan ay utang na loob ko na hanggang ngayon, marami pa din shows na marami pa ding tumatangkilik.”
Magaganap ang Awit Ng Panahon: Noon At Ngayon musical concert sa April 21, 2024, Sunday, 8 p.m. sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City.

Ang iba pang kasama sa concert bukod kina Hajji at Rachel ay sina Gino Padilla, Kris Lawrence, Nitoy Mallilin (formerly of The Boyfriends), Edwin Cando (seven-time defending champion ng Tawag ng Kampeon), at John Raymundo (eight-time defending champion of "Tawag Ng Tanghalan").
Read: Kris Lawrence thinks daughter Katie has Savant Syndrome, here's why...
HAJJI ON MUSIC THEN AND NOW
Samantala, tinanong din ng PEP.ph si Hajji kung ano ang malaking difference ng music scene noon sa ngayon.
Lahad ni Haji, “Ah mas maganda music yung noon,” at tumawa ito.
“Biro lang. May mga naririnig pa din ako na maganda talaga, kasi ako like other artists gaya nina Gino, when we hear something beautiful, hindi mo maikakaila yun, e, hindi mo puwedeng sabihin na, ‘O, sabi lang maganda.’
"Di ba, pag maganda, maganda talaga, e, di ba. So, I think buhay na buhay pa din ang original Pilipino music.”
Meron bang kanta ngayon na nagugustuhan niya?
Special mention ang daughter-in-law niya na si Lougee Basabas-Alejandro, na asawa ng anak ni Hajji na si Ali.
Read: Seven things to love about former Mojofly bandmates Lougee and Ali Alejandro’s wedding
“Actually, nung pandemya may sinulat para sa akin yung daughter-in-law ko, si Lougee, who is the lead singer and guitarist ng Mojofly, it’s called 'Dati,' it’s like me reminiscing those days, ganun, so na-appreciate ko yung music nila.
“And then pinakinggan ko na din sa YouTube yung mga music ng Mojofly, especially yung mga bagong ginawa nila, may recent sila na… hindi sila tumitigil, e, na gumagawa ng mga bagong kanta.
"And in particular, nagulat ako, sabi ko bakit napakapamilyar sa akin nitong kantang ito, kaka-release lang niya a couple of months ago sa Spotify, ang title is 'Mamahalin Mo Ba Ako?'
“Yun pala… ano siya, it’s a fast tempo, ang ganda, e, talagang mapapaindak ka, yun pala ang inspirasyon nila is yung tempo at music ng 'Ikaw At Ang Gabi' na awitin ko din na ginawa ni Ryan Cayabyab para sa akin.
“Kumbaga nag-blend yung noon at ngayon sa kantang yun, so na-appreciate ko yun.”
Nakausap ng PEP.ph si Hajji noong April 8, 2024, 3:00 p.m., sa Avolution Building sa San Juan.
Mula sa Pro-Entertainment Production, ang organizer at producer ng concert ay si Spike Bermudez, sa direksyon ni Ferdi Aguas.
Ang iba pang artists na kasama sa concert ay sina Male Rigor (of VST and Company), Pete Gatela and Carlos Parsons (of Hagibis), Arabelle Dela Cruz (of TNT of It’s Showtime and The Clash), Rachel Gabreza and Luzviminda Piedad (of TNT of It’s Showtime), at si Geoff Taylor ng Pinoy Dream Academy).
