Tabla bilang Best Actor sina Carlos Siguion-Reyna at Jeff Moses sa awards night ng 1st Puregold CinePanalo Film Festival nitong Marso 16, Sabado sa Cinema 5 ng Gateway Mall, Cubao, Quezon City.

(Best Actor Carlos Siguion-Reyna with wife, director Bibeth Orteza)

(Best Actor Jeff Moses with Under A Piaya Moon Best Supporting Actress nominee Pau Dimaranan)
Nagwagi ang beteranong direktor na si Direk Carlos para sa Pushcart Tales ni Direk Sigrid Bernardo, samantalang nanalo ang Sparkle artist na si Jeff para sa first movie niya na Under A Piaya Moon ni Direk Kurt Soberano.
Ang iba pang nominadong Best Actor ay sina Noel Comia Jr. (Boys at the Back), Harvey Bautista (Pushcart Tales), Potchi Angeles (A Lab Story), VJ Mendoza (Road to Happy), at Nonie Buencamino (Pushcart Tales).
Ang Best Actress ay ang sakdal husay na si Shamaine Centenera Buencamino para sa Pushcart Tales.

(Best Actress Shamaine Centenera-Buencamino with Boots Anson Roa-Rodrigo)
Ang iba pang nominadong Best Actress ay sina Therese Malvar (Pushcart Tales), Elora Españo (Pushcart Tales), at ang Aeta na si Uzziel Delamide (A Lab Story).

(Pushcart Tales director Sigrid Andrea Bernardo with Therese Malvar)
Ang Best Supporting Actor ay si Joel Torre para sa Negrense film na Under A Piaya Moon.
Wala si Joel sa awards night dahil meron daw siyang shooting. Ang tumanggap ng award ay ang assistant director na si Charles Hilado.
Ang unang Negrense film ni Joel ay ang unang pelikulang pinagbidahan niya, ang Oro, Plata, Mata (1982) ni Direk Peque Gallaga, na mentor ng Under A Piaya Moon director na si Kurt Soberano.
Ang iba pang nominadong Best Supporting Actor ay sina Smokey Manaloto (Road to Happy), Raynier Brizuela (Boys at the Back), Tommy Alejandrino (One Day League: Dead Mother, Dead All), at Giovanni Baldisseri (Boys at the Back).
Ang Best Supporting Actress ay si Nicole Omillo para sa Boys at the Back.
Ang iba pang nominadong Best Supporting Actress ay sina Donna Cariaga (A Lab Story), Pau Dimaranan (Under A Piaya Moon), at Chart Motus (Under A Piaya Moon).
*
Best Ensemble ang Pushcart Tales — kung saan tatlo ang nominadong Best Actor (na napagwagian ni Carlos Siguion Reyna, katabla si Jeff Moses), at tatlo rin ang nominadong Best Actress (na napagwagian ni Shamaine Centenera Buencamino).
Walang nominasyon ang Pushcart Tales sa mga kategoryang Best Supporting Actor at Best Supporting Actress.
Pahayag ni Direk Carlos sa acceptance speech niya, “May fruit cocktail pa ba? Maraming salamat sa lahat, sa producers, sa buong team. And of course our writer-director, Direk Sigrid Bernardo!
“And to my fellow actors, Shamaine and Nonie Buencamino, Harvey Bautista, Elora Españo, and Teri Malvar. Everybody sa team, sa Puregold, sa CinePanalo festival.”
Siyempre, pinasalamatan din ni Direk Carlos ang maybahay niyang si Bibeth Orteza na kasama niya sa gabi ng parangal, pati na ang kanilang mga anak.
Dagdag ni Direk Carlos, “I’m so happy to be part nitong unang CinePanalo film festival. I’m so glad na talaga, na kahit wala kayong ano…
“Kahit wala kayong Multiplex, and you created this initiative for the Philippine film community. Maraming salamat Puregold!”
*
Nag-ala-Cedrick Juan si Jeff Moses sa acceptance speech niya bilang Best Actor ng 1st CinePanalo filmfest para sa Under A Piaya Moon.
Nang tanghaling Best Actor si Cedrick sa 49th Metro Manila Film Festival noong Disyembre 27, 2023 sa New Frontier Theater doon din sa Cubao, nagpakilala siya.
Sabi ni Jeff sa awards night ng CinePanalo, “Magandang gabi po sa lahat. Ako po si Jeff Moses. Unang-una, nagpapasalamat po ako sa Panginoon for making this dream come true.
“Dati di ko po inaakala na magiging aktor ako. Nanggaling ako sa isang simpleng probinsya. I mean, I’m proud of my province.
“Nanggagaling ako sa simpleng city lamang na nangangarap maging aktor. And now, salamat Puregold sa opportunity na ito.
“And ayun po, gusto ko ring magpasalamat sa aming direktor, Nong Kurt, thank you gid.
“And sa aking mga co-actors sa pag-share ng kanilang talento. And ayun po, thank you din po sa aking acting coach, Miss Ana Feleo, si Miss Ann Villegas.
“Thank you so much po sa pag-share ng inyong knowledge sa akin. And maraming-maraming salamat dahil sobrang dami ang natutunan ko sa inyo…”
Taga-San Carlos City, Negros Occidental si Jeff. Hindi siya nakadalo sa gala screening ng Under A Piaya Moon noong Marso 15, Biyernes dahil nasa taping siya ng Kapuso afternoon drama series na Abot-Kamay Na Pangarap.
*
Si Shamaine Centenera-Buencamino ang head ng jury ng full-length films sa 19th Cinemalaya filmfest noong Agosto 2023 sa PICC.

(Best Actress Shamaine Centenera-Buencamino gets candid during her acceptance speech)
Ngayon ay siya naman ang Best Actress sa 1st CinePanalo filmfest para sa Pushcart Tales ni Direk Sigrid Andrea Bernardo, na nagdirek sa kanya noon sa pelikulang Lorna (2014) na finalist sa CinemaOne Originals.
Lahad ni Shamaine, “Maraming-maraming salamat po sa Puregold at sa mga hurado ng CinePanalo.
“Isa pong karangalan lalu’t lalo na at nominado rin ang magagaling na aktres na si Elora, si Teri, at si Uzziel!
“Sa akin pong direktor, eto na! Pangalawang pelikula ko po ito kay Sig. Umuwi kaming talunan noon. Hahahaha!
“Pareho siyempre kaming malungkot pero si Sig po yung direktor na tinawagan niya ako para dito. Hindi ko po hiningi yung script.
“Tinanggap ko na lang po agad. Kasi naniniwala po ako sa kanya. Hindi lang dahil maganda ang script kundi dahil magaling po siya.
“Gusto ko rin pong magpasalamat sa mga co-actors ko. Kasi, mahirap po yung ginawa namin!
“Mahirap pong magpaka-zombie pala. At mag-shooting nang gabi sa halip na araw. Sa staff kahit na… nagtitipid. Fully supported kami.
“Pero ang pinakapinasasalamatan ko po ay ang aking kabiyak, ang aking loveteam, ka-loveteam na si Nonie Buencamino.
“Hindi po kami package deal. Hahaha! Ako po muna yung tumanggap. Tapos, tinawagan din siya.
“Nagdadasal ako noon na tanggapin niya pero wala akong sinasabi. Kasi siyempre I didn’t want to influence his decision.
“E sa edad ko pong ito, mahirap na pong makipag-kissing scene. Hahaha! Sa lalaki. Kaya pinadali niya ang trabaho ko.
“At siya po talaga ang nag-alaga sa akin habang nagsu-shoot kami ng pelikulang ito.
“Dad, this is for you! Thank you so much. Maraming salamat po!”
*
Best Picture ang Under A Piaya Moon, na siya ring napili ng MTRCB para sa Responsableng Paglikha Award, at ng Mowelfund Film Institute para sa Special Citation.

(Under A Piaya Moon cast and production crew: Jeff Moses, Direk Kurt Soberano, Asst. Director Charles Hilado, Pau Dimaranan, at Chart Motus)
Present ang Mowelfund President na si Rez Cortez at Mowelfund Chairperson Boots Anson Roa-Rodrigo para i-present ang award, na tinanggap ni Direk Kurt Soberano.

(Mowelfund director Rez Cortez and Mowelfund Chairperson Boots Anson Roa-Rodrigo present Best Picture award to Under A Piaya Moon director Kurt Soberano)
Wagi rin ang Under A Piaya Moon sa mga kategoryang Best Actor (Jeff Moses), Best Supporting Actor (Joel Torre), Best Cinematography (Nathan Bringuer), Best Production Design (Jed Sicangco at Kurt Soberano), at Best Editing (Rodney Jarder Jr. at Kurt Soberano).
Napagod si Direk Kurt sa ilang ulit na pagbalik sa entablado kaya ipinaupabaya niya sa assistant director na si Charles Hilado ang pagtanggap sa Best Supporting Actor trophy ni Joel Torre.
Special Jury Prize ang Pushcart Tales, na natamo rin ang tropeo para sa Best Director (Sigrid Andrea Bernardo), Best Actress (Shamaine Centenera Buencamino), Best Actor (Carlos Siguion-Reyna), Best Ensemble, at Best Sound Design (Nioki Aquino).
Always Panalo Film ang A Lab Story ni Direk Carlo Obispo.
Nasungkit ng Boys at the Back ang award para sa Best Supporting Actress (Nicole Omillo), Best Screenplay (Raynier Brizuela), Best Musical Score (Owa Marquez), at Best Poster.
Best Song naman ang “Mahal Kita” na inawit ng bida sa Road to Happy na si VJ Mendoza. Komposisyon iyon ni Macky Alca.
Ang festival director ay si Direk Chris Cahilig. Ang nag-opening remarks sa awards night ay si Ms. Ivy Hayagan-Piedad na Senior Manager for Marketing ng Puregold Price Club, Inc.
Nag-umpisa ang 1st Puregold CinePanalo filmfest noong Marso 15, Biyernes sa Gateway Cineplex sa Cubao, Quezon City. Magtatapos ito sa Marso 19, Martes.
READ: Hosts ng 'Eat Bulaga!' at 'It’s Showtime,' welcome na welcome sa CinePanalo Film Festival
