Pagkatapos ng 40 araw ay nakalaya na noong Lunes, Marso 11, 2024, ang nakulong na movie director na si Jade Castro at tatlong kasama, matapos katigan ni Catanauan (Quezon) RTC Branch 96 Judge Julius Francis Galvez ang motion to quash ng mga abogado ng grupo.
Read: Jade Castro at tatlong kasamahan, nakalaya na matapos ang mahigit isang buwang pagkakakulong
Inaresto ang grupo, kahit walang warrant of arrest, matapos akusahang nanunog ng modernized jeepney.
January 31 ng gabi naganap ang “pagsunog” sa modern PUV.
February 1 nang umaga sila binisita ng mga pulis sa resort, at kinahapunan ay inimbitahan for questioning.
February 2 ay na-inquest sila sa piitan.
Noong Martes, Marso 12, humarap sa media si Direk Jade at mga kaibigang sina Noel Mariano at Dominic Ramos, na kapwa engineers by profession.
Hindi nakarating ang isa pa nilang kasama na si Ernesto Orcine.
Kasama rin sa panel na umupo sa mediacon sa Sine Pop sa Cubao, Quezon City, ang dalawang lawyers ng grupo na sina Atty. Carmela Peña at Atty. Michael Marpuri.
Sumuporta rin sa kanila si Atty. Chel Diokno.

(From left) Atty. Carmela Peña, Director Jade Castro, Dominic Ramos, Noel Mariano, Atty. Michael Marpuri, and Atty. Chel Diokno
Nandoon ang Philippine Entertainment Portal (PEP) at nasaksihan namin ang kagalakan sa mukha ni Direk Jade at mga kaibigan ngayong nakalaya na sila, sa isang kasong wala umano silang kasalananan, pagkatapos ng 40 araw na pagkakakulong sa Catanauan Bureau of Jail Management and Penology facility.
“Madaling-araw na po kami nakauwi kanina, 4 a.m. Bumiyahe pa kami galing Catanauan,” bungad ni Direk Jade.
“Hala, sanay naman po ako sa presscon, pero usually, showbiz [ang presscon], so medyo kinabahan lang ako nang konti, dahil hindi po ito showbiz…
"Medyo may pagkaseryoso po ito nang konti,” natatawang pasakalye pa niya.
Kabilang sa mga pelikulang idinirek ni Castro ay ang Endo (2007), My Big Love (2008), Zombadings 1: Patayin Sa Shokot Si Remington (2011), My Kontrabida Girl (2012), My Lady Boss (2013), at LSS (2019).
OFFICIAL STATEMENT
Kasunod nito ay binasa ni Direk Jade ang kanilang official statement mula sa laptop na nakarap sa kanya sa panel table:
“Freedom. Kalayaan.
“Apatnapung araw kaming nasa loob ng piitan, at sa wakas, nakauwi kami sa aming mga pamilya, matapos na kami ay arestuhin nang hindi alinsunod sa batas, sa paghihinalang may kinalaman kami sa pagsusunog sa isang mini-bus sa Catanauan, Quezon.
“We reiterate that we are innocent of all charges. All accusations against us are without basis in fact and in law.
“All four of us have been falsely accused of hijacking a mini-bus and setting it ablaze along the highway in Bgy. Dahican, Catanauan, Quezon.
“The senseless destruction of property cannot be countenance and in no on certain terms do we strongly denounce it, and condemn those behind it.
“My friends and I are creators, after all. They are engineers and I am a filmmaker. We create structures, build homes, and reinforce buildings to outlast lifetimes, write stories, bring to life visions and creative ideas.
“For us to stand accused of destroying for no reason, that is something simply not in harmony with our being.
“For us to have been deprived of our liberty, following such braze and violations of the law, ethics, standard norms of procedure, made the ordeal of the past 40 days even worse.
“Today, however, we have regained our liberty, and it is bittersweet.
“We could not have survived what we went through had it not been for our families and friends, professional colleagues and officemates, industry partners, students, and the many organizations we have reached out to express their support and extend whatever assistance they could.
“Lalung-lalo na sa mga kaibigan namin sa media. Hindi namin kayo hiningan ng tulong, pero ang kusang lumapit, at patuloy na nagbantay. Hindi namin inasahan. Maraming salamat po.
“The food, place to stay for our families in Catanuan, financial assistance, the visits, and moral support, tumatak at patuloy na tatatak sa aming puso at isipan.
“Lifetime po kaming tatanaw ng utang na loob sa inyo.
“We thank, too, the legal experts, the members of the Congress and the Senate who have taken up to find ways to fix the problems of our institution, and in the process gave us a platform to tell our story.
“Nawa’y patuloy sana ang pagsulong ninyo ng mga repormang matagal nang hinahangad.
“We too, had a great legal team, who, despite the distance and the seeming odds of declaration of case closed, ay hindi kami pinabayaan. At ipinaglalaban kami nang buong puso at tapang. May palagi pang dalang ice cream, tawanan, sa aming piitan.
“Hindi lang po ice cream, marami pang dinalang ibang pagkain. We appreciate the swift and decisive action taken by the Honorable Julius Francis R. Galvez of Regional Trial Court Branch 96 of Catanuan, Quezon.
“Minabuti po niyang agarang desisyunan ang motion na inihain ng aming mga abogado, at natumbok rin niya ang matagal nang iginigiit ng aming kampo, na mali ang pagkakaaresto sa amin.
“And today, we have been reunited with all of you. While we may been ordered the gist, hindi pa po tapos ang laban. Hindi pa natutuon ang tunay na may kagagawan ng pagsusunog ng mini-bus.
“Marami rin kaming nakilala sa panahong nasa loob ng Catanauan, Quezon municipal jail at sa Catanuan municipal station. At dahil sa napagdaanan namin, mas nakilala namin ang hugis ng hustisya sa bayan.
“Tila mailap ito at marami pang dapat gawin para makamit ang tunay na hustisya, para sa nakararami sa ating bayan. Lalo na po ang mga nakilala namin sa loob at naging mga kaibigan.
“We continue to ask for your support, just as we thank you all for being vigilant with and for us. Salamat po.”
Bakit sa palagay nila ay sila ang tinarget sa kasong ito?
“Actually, ang tingin po namin, ang dahilan kung bakit… Hindi kami tinarget, ang tingin namin ay dahil ordinaryong tao kami. Hindi dahil direktor ako o engineer sila, kundi nandun kami, at naisip nilang ituro kami.
“Pero sa tingin namin, hindi dahil kami ay mga propesyunal o kami ay kilala, kundi dahil ordinaryo kami.”
Read: Pamilya ni Jade Castro at tatlo niyang kaibigan, nanawagan sa kanilang kalayaan
PREVIOUS POSTS ABOUT MODERNIZATION OF JEEPNEYS
Ang sinasabi sa balita, ang isa sa basehan kung bakit sila napagbintangan at ikunulong ng 40 days ay dahil sa mga post umano nila sa social media na tutol sa modernization ng PUVs.

Ano ang masasabi rito ni Direk Jade dito?
Read: #NoToJeepPhaseOut tweets ni Jade Castro, may kinalaman kaya sa kaso ng kanyang grupo?
“Nakakatawa po,” natatawang sabi ng direktor.
“Medyo natatawa po kami doon. Kasi, noon pa lang kinukuwestiyon kami, wala namang mga tanong tungkol don. Never kaming tinanong sa mga opinyon namin.
“Noong nakulong na kami, tsaka na lang namin nalaman later on na sinasabi nila na yun yung… Nagsa-cyber patrol raw sila. Tapos, ang sinasabi pa nila ay yung opinion ko raw sa modernization.
“Natawa rin ako. Kasi, kung aalalahanin ko kung ano ang mga posts ko, parang kokonti lang yun at maliliit lang… mga dalawang tweets. Sa Twitter [X] naman ako maingay talaga.
“Ang naalala ko, parang nag-post ako ng picture… Siguro, baka mas gusto kong i-post ang picture ko kesa sa opinyon. Hahaha!
“Pero sa totoo lang po, kung totoong tinanong nila kami ay magkakaiba po ang mga opinyon namin, pagdating sa mga isyu-isyu.
"Ako, nakita siguro nila ang Twitter ko, kaya nasasabi nila yan, pero hindi nila alam yung opinyon ng mga kaibigan ko.”
Sundot na sagot ni Atty. Michael Marpuri, “For us, talagang naninindigan kami na talagang zero evidence ng PNP to implicate Direk Jade and his friends. Wala! As in zero.”
NO PHYSICAL EVIDENCE, ONLY EYEWITNESSES' ACCOUNT
Inamin ng kapulisan na wala silang physical evidence, at binase lang nila ang kanilang pag-aresto sa grupo ni Direk Jade sa pahayag ng mga witness.
Ano ang nais nilang sabihin sa mga awtoridad matapos ang kanilang pagkakakulong sa piitan sa loob ng 40 araw sa isang krimeng hindi nila ginawa, at sinasabi rin ng mga pulis na hindi pa ito tapos at ihahain pa nila ang kanilang motion for reconsideration, at sina Direk Jade pa rin ang tutuntunin nila?
Saad ni Direk Jade, “Ang ganda po ng tanong, kasi po, hindi po kami ang gumawa. Inosente po kami.
"Kaya habang nasa loob kami, alam naming mananaig ang katotohanan kahit na papaano.
“Pero habang tumatagal, naisip namin, hindi na nagiging sulit yung stay namin sa loob. Parang maging sulit siya, kailangang may purpose.
“Kaya, natanong namin sa mga sarili namin, ‘Ano kaya ang purpose bakit andito pa rin tayo sa kulungan?'
"Kaya ang naisip namin, baka dahil sa nangyari sa amin, baka puwedeng may mangyaring pagbabago? At baka hindi na maulit — sana — yung nangyari sa amin.
"At yun yong sagot namin sa tanong. Na kung meron kaming maitutulong sa mga awtoridad, at makikinig sila sa amin, baka po hindi na maulit yung nangyari.”
Sa palagay ba nila ay maituturing silang “fall guys”?
“Hindi naman namin masasabing ganon. Kayo ba?” pagbaling ni Direk Jade sa dalawang kaibigang katabi, na hindi umimik.
Si Atty. Peña ang sumagot: “Well, kasi, if you will base it sa experience nila… Like si Jade, whenever I go to the jail, lagi kaming nagkukuwentuhan, kinukumusta ko sila…
“Sabi nila sa amin, ‘Atty. Carms, regular pala dito yung illegal arrests, hindi lang kami.’
"So, lahat ng mga kasama nila doon, puro illegal arrests. So, hindi sila fall guy. It’s a common thing, it’s a systemic problem.
“That’s why we call on our friends in Congress na sana po ay mabigyan ito ng pansin, dahil kailangan ng pagbabago.
"Na-timing-an lang na, eto, direktor si Direk Jade. Sikat siya. Kaya nabigyan ito ng plataporma.
“But, teacher po kasi ako, so more than condemning the police officers… Kasi, marami pong matitinong pulis.
“Siguro po, ang mas mabuting gawin is magbigay tayo ng patuloy na training, patuloy na capacity building, lalo na sa mga warrantless arrests, para po matulungan natin sila na protektahan tayo.”
Plano ba ng grupong mag-file ng counter charges dahil sa pagkakakulong sa kanila at sinasabi nga nilang inosente sila?
Sagot ni Atty. Marpuri, “Let me answer that. As to whether Direk Jade and his friends will take counter charges, we’re still in the process of deciding. Because, after all, it’s their choice.
“But, for the information of everybody, I got a call just this morning from PNP Regional Internal Affairs Service that they filed administrative cases against the Chief of Police, the investigator, and the arresting officers.
"More particularly, Police Capt. Dela Cruz, Abedilla, and Pordan for unlawful arrest.
“In fact, we are scheduled to conduct or to have the pre-hearing conference on Friday [March 15]. So, apart from we are still discussing that, the PNP already filed charges against them, and since it was the PNP, we will definitely participate with that.”
FORTY DAYS INSIDE THE JAIL
Tanong ng PEP.ph kay Direk Jade, maituturing ba niyang nightmare o trahedya ang nangyari sa kanilang buhay na hindi nila malilimutan?
“Never po naming naisip na trahedya [ito], dahil naniniwala kaming may happy ending,” tawa niya.
“Kaya parang ano lang siya, kumbaga, parang struggles and conflicts lang siya, and eventually, lalabas na mananalo tayo.”
Hindi ba sila nainip sa loob ng 40 days na nasa kulungan?
“May araw siguro. Pagka may araw lang na, ‘Ano ba, ngayon na ba kami lalabas?’ ‘Bukas na ba kami lalabas?’ May mga ganung araw, so may konting inip rin minsan.
“Pero yun nga, nasabi ko na, buti na lang talaga dahil magkakasama kaming apat sa loob.”

Noel Mariano, Jade Castro, and Dominic Ramos
Inamin rin ni Direk Jade na may naramdaman rin siyang galit. Paano niya hinandle ang kanyang galit?
“Tatay ko na po mismo na magaling akong mag-handle ng galit,” aniya.
“Hindi kasi ako bayolenteng tao. Yung galit, hindi naman siya parang… Hindi naman siya na parang binabaon lang. Kumbaga, ina-acknowledge ko yung galit.
“Pero nakakapagkuwentuhan kami sa totoo naming nararamdaman. Kaya kumbaga, andun yung galit, ina-acknowledge yung galit, pero hindi namin ito dinadala sa mga masasamang mga gawain.”
WHAT THEY DID IN MULANAY, QUEZON
Samantala, for the record ay tinanong din ng PEP.ph si Direk Jade kung ano ba ang ginawa nila sa Mulanay, Quezon, kunsaan sinasabing doon talaga sila nagpunta (at hindi sa Catanauan), base sa CCTV footages na umere sa news programs sa telebisyon.
Anong naging activities nila sa pagpunta nila sa Mulanay?
Lahad ng film director, “Kami pong mga magkakaibigan ay talagang mahilig mag-travel.
"Kami ni Noel, twenty-five years na kaming magkaibigan. Silang dalawa [ni Dominic] ang business partners.
"Pero three years na kaming magkaibigan ni Doms, pero marami na rin kaming naging mga biyahe, whether on our own or together.
“So yung Mulanay, sayang po, wala si Meng [Ernesto Orcine], siya ang magkukuwento.
"Kasi, kaming dalawa ni Meng yung gustung-gustong makapunta ng Mulanay, dahil sa naging pelikula ni Gil Portes ang Mulanay noong 1996, starring Jaclyn Jose."

Pagpapatuloy ni Direk Jade, “Nung nalaman namin na may festival sa Mulanay, ay ako yung nagsimula. Sabi ko, ‘O, may Mulanay!’
"Si Meng yung agad nagsabing ‘Let’s go!’ Kasi nga, Mulanay siya, at mahilig kaming magpunta sa mga festivals.
“Doon lang talaga nagsimula ang mga biyahe namin. At hahanapin na namin kung anu-ano ang mga activities ng festival, at pupuntahan namin.
"Mahilig kaming manood ng pageant ni Noel, kami lang. Si Dom at si Meng, hindi masyado.
“So, may Ginoong Cocolunay. Tapos, may Kalamay Cooking Contest. Yun po yung mga nakita naming activities nung fiesta.
"So yun, pinlano namin, kasi isang factor diyan ay kung pare-pareho ang mga schedule namin, kung magtutugma na libre kami.
“So, go-go kami pag game na. Tapos, a lot of it is winging it. Napupuntahan namin kung saan masarap kumain, kung saan magandang tumambay… Explore lang. Medyo adventurous rin po kami.
“Yung huli po naming biyahe na magkakasama kaming apat, actually, totoong adventure ay sa Cagayan de Oro at Bukidnon last year, bago mag-Mulanay.”
Idiniin ni Direk Jade na hindi siya nagpunta doon para sa anumang reseach o work-related sa kanyang trabaho ang dahilan ng kanilang “paggala” sa Mulanay.
“Hindi ako nagpunta doon for reseach. It was really to enjoy.
"Kami, gusto naming magpunta sa mga lugar na hindi pa namin napupuntahan, at sa mga events tulad niyan.
“Kasi, parang naglalabasan lahat ng mga tao. Kung ano yung Pilipino. Doon mo nakikita sila sa mga ganoong klaseng kaganapan.
“Pag pageant, lumalabas yung mga pinakamagaganda, pinakamatatalino, pinaka-witty, pinaka-may talent. So, parang binibigay nila ang best foot forward nila pag pageant, and may enjoyment kami doon… Male and female na pageants po.”
SUPPORT FROM THE ENTERTAINMENT INDUSTRY
Ano ang pakiramdam ni Direk Jade sa overwhelming support ng mga taga-entertainment industry sa kanya mula nu’ng nangyari ang insidenteng ito?
Read: Samahang Gomburza, nanawagang palayain si Jade de Castro
“Alam mo... hindi ko nga akalaing… Alam kong ang dami kong kakilala, pero hindi ko akalaing… Ay, nakakahiyang sabihin!... Hindi ko akalaing may love. Maraming love!
“Ayoko sabihing… Medyo sikat pala ako? Hahaha!” tawanan ang lahat.
Pagpapatuloy niya: “Noong naaresto na kami, at i-inquest na kami noong araw na yun, nahawakan ko ang cellphone ko.
“Sa Twitter, sinearch ko yung word na Catanauan, kasi gusto kong malaman kung may news.
"And then, nakita namin ang mga mukha namin, pinost ng DZRH, na nahuli nga kami, ganyan…
"So, nag-tweet agad ako ng, “Hindi! Inosente kami!’ Nag-senti kami, hindi ko alam kung alam niyo yun.
“Tapos, dahil doon, may news na tungkol sa amin, later on ay may news na agad sa amin. Na-realize kong kilala pala nila ako!
“So, yun nga, na-realize kong nakaka-warm ng puso na ang daming nag-express ng kanilang support at love, at minsan, admiration.
“Tapos minsan, parang nagkukuwento ang mga tao [sa Facebook] ng masasayang memories namin together. ‘Ay, naalala pala niya yung naalala ko!’
“Minsan, parang nakakataba ng puso. Parang ang ganda-ganda ng mundo, sa pakiramdam… na ang mga tao ay connected.
“Pasensiya na kung medyo senti ang sagot ko… Pero yun yung naramdaman ko noong mga panahong yun.”
Ano ang mensahe niya sa mga taga-showbiz industry na masaya sila sa kanilang paglaya, lalo na ang mga kaibigan niya sa film community?
Read: DGPI at iba pang organisasyon, kinondena ang warrantless arrest sa direktor na si Jade Castro
Saad ni Direk Jade, “Nung araw na dumalaw ang kapatid ko… Tapos, sabi niya, maglalabas daw ng statement ang such organizations, like Dakila, PEN Philippines, at DGPI [Directors’ Guild of the Philippines, Inc.].
“Nung sinabi niya yun sa akin, actually, doon ako naiyak.
“Sa buong stay namin, doon lang ako naiyak, nung nalaman ko yun. Kasi, dati-rati, kasama lang ako sa mga sumusuporta rin, pag merong ibang kailangan ng suporta.
“Noong time na yun, naramdaman kong ako yung sinusuportahan.
“So, nagpapasalamat ako nang lubos sa lahat ng mga grupo o artists na siguro, nakita nila ang sarili nila sa kalagayan ko? Isa pala talaga kaming komunidad!
“Kaya ang laki ng pasasalamat ko sa mga kapwa ko artists at film workers. At lahat ng mga nasa entertainment and media. Na lahat pala ay gustong lumaban para sa freedom at sa kung ano yung tama.”
Bakit siya naiyak sa gesture na ito ng DGPI kunsaan siya member?
“Kasi nga… Actually, hindi ko rin alam kung masasabi ko nang maayos ha? Kasi, it’s feelings… na bigla na lang dumarating.
“Siguro, kung ira-rationalize ko siya, biglaan kasi yun, e. For the past few decades, for many years nang kilala ko ang DGPI, pag naglabas sila ng statement on important issues, ganoon rin, kasama ako sa mga pumipirma pag board member ako.
“Noong sinabi nilang maglalabas sila ng statement [sa akin], naramdaman ko yung importance, sa sarili naming issue. Naramdaman kong nasa gitna ako. Yung ipinaglalaban.
“Tapos, naramdaman ko yung support, na hindi lang para sa pinaglalaban, kundi para sa akin din. At hindi ko yun inaasahan. Nabigla ako. Nagkukuwento ako sa mga kasamahan ko, di maikuwento kasi naiiyak ako!
“Hindi ko alam kung satisfying ang sagot ko, pero yun yung the best na kaya kong sagot, kasi irrational siya nang kaunti.”
MOVIE VERSION OF WHAT HAPPENED TO THEM?
Sa isang pahayag ng mga abogado nina Direk Jade, dahil sa pangyayaring ito, nabuksan ang idea na since nasa creative industry siya, plano nilang gumawa ng infomercials para mas maging malawak ang kaalaman ng publiko sa kanilang mga karapatang pantao, tulad ng illegal na pag-aresto.
Bukod sa paggawa ng infomercials, sa nangyaring experience sa kanila, may balak rin ba silang gawin itong pelikula?
Sabi ni Direk Jade, “Laging tinatanong sa akin kung gagawa na ba ako ng pelikula? Ang sagot ko po, ‘Hindi pa po muna.’
"Pero habang nandoon kami sa loob, may mga pulis, tinatanong ako kung sino raw ang gaganap sa akin [pag isinapelikula]. May mga artista silang paborito na gusto nilang sila ang gumanap.
“Hindi po muna. Hindi ko pa naiisip yun Parang iba po yung priority namin ngayon. Tapusin ko muna yung pinagdadaanan namin.
“Pero kung meron pong gustong gumawa ng pelikula tungkol sa amin, okey lang. Hahaha.”
Sino ang gaganap?
“Sabi namin ni Noel, kami ang bida. At dahil big budgeted, dapat sina Dingdong [Dantes] at Piolo [Pascual]!” malakas niyang tawa.
Ang pangyayari raw na ito ay nagkaroon ng chilling effect sa mga taong gusto ring magbakasyon sa mga probinsiya, at makisaya lang sa festivals.
Para kay Direk Jade, personally ba ay natakot na siya sa ganitong nakagawian nilang magkakaibigan na mag-travel? May pagbabago bang mangyayari sa hobby nilang ito?
Tugon niya, “Pag-iisipan pa namin, kasi kailangan pa naming maramdaman kung magbabago ba ang aming travel habits, kami bilang mga magkakaibigan.
“Hindi pa nga yung pagiging film worker. Pero as people na mahilig lang talaga gumala. Pero as a film worker, hindi kasi puwede, lalo na sa atin sa industriya.
“Kailangan nating maglikha. At hindi puwedeng mag-shoot na walang lugar. So, hindi puwedeng tumigil, kung tutuusin.
“Kaya tama naman na medyo nakakatakot, pero kailangang may gawin para mawala ang takot. Pero hindi rin tayo dapat tumigil sa paggawa [ng proyekto].”
Habang nasa loob ng piitan na walang kasiguraduhan kung makakalaya sila, naisip ba ni Direk Jade ang mga pelikulang dapat ay ginawa na niya noon pa?
“Hindi ganoon kalayo ang pananaw ko. Kasi, ang naisip ko ay yung mga pelikulang gagawin ko dapat, tapos naudlot, dahil nandoon ako sa kulungan. Tulad ng mga engineer kong kaibigan na naudlot rin ang kanilang projects.
“Sinabihan ko yung producers, ‘Sige, palitan niyo na ako kung gusto niyo akong palitan, dahil hindi ako sigurado kung makakalabas na ako o hindi pa.”
Anu-ano ba ang mga proyektong tintutukoy niya?
“May mga ongoings sa different stages of production… May pre-prod, prod, at post-prod. May mga projects na nasa post-prod na…
"I think, nabanggit ito ni Erik Matti sa Congress, may nabanggit siyang isa. Unahin ko na yun.
"Meron kaming TV series ni Erik Matti na nasa post-production na now. Supposedly, pinapanood ko na ang mga edits. It’s a series for HBO. Tapos, hindi nga ako makaupo sa edit dahil nakulong kami.
“Meron pa akong isang post-production, directed by Petersen Vargas, producer rin ako doon. Hindi lang po ako basta director, nagpo-produce rin po ako.
“Dapat, nasa sound mixing na kami. Pupunta dapat kami ng Taiwan para mag-sound mixing.
"So, pinag-iisipan nila kung pupunta ba sila ng Taiwan nang wala ako. E, ngayong andito na ako, baka puwede uling pag-usapan.”
Ang tinutukoy na HBO series ni Direk Jade ay silang tatlo nina Direk Erik at Mario Cornejo ang mga direktor ay pinamagatang Call My Manager, a drama-comedy about showbiz, starring Judy Ann Santos and Edu Manzano.
Yun namang independent film na si Petersen Vargas ang director at producer si Direk Jade ay pinamagatang Some Nights I Feel Like Walking, na tungkol sa mga kabataan sa Manila. It’s a co-production of the Philippines, Taiwan, and Singapore.
Tampok dito ang mga binatilyong sina Miguel Odron (isang musician and Idol Philippines grand finalist), Gold Aceron, Jomari Angeles, Tommy Alejandrino, at reality young star Argel Saycon.