Trigger Warning: Mention of anxiety and depression
Nagkatrabaho sina JM de Guzman at Beauty Gonzalez sa Kapamilya teleseryeng Angelito: Batang Ama (Nobyembre 2011-Abril 2012), at sa sequel nitong Angelito: Ang Bagong Yugto (Hulyo-Dosyembre 2012).
First time nilang magtambal sa pelikula ay sa Paquil, na nakawalong shooting days na sa Pakil, Laguna.
“Ang galing-galing po ni Beauty! Sobra, wala po akong masabi,” sambit ni JM sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Marso 3, 2024, Linggo ng gabi, sa Café Emeterio sa Pakil.
“Heartfelt lagi ang mga ginagawa niyang scenes kapag kaeksena ko po siya. Laging A-game ang dinadala niya sa set.”
Ang direktor ng pelikulang Paquil ay si Lem Lorca, na nagdirek ng pelikula niyang Intoy Syokoy ng Kalye Marino (2012).
Read: LJ Reyes recalls her intimate scenes with JM de Guzman in Intoy Syokoy ng Kalye Marino
Kumusta ang pakikipagtrabaho muli kay Direk Lem?
“Masarap ho sa feeling. Kasi, well-bonded kami noong Intoy Syokoy. Madami kaming pinagdaanan dun,” pahayag ni JM.
“Kung iisa-isahin ko, madugo talaga yung pinagdaanan namin dun. And hindi lang dun, sa personal din na buhay, marami kaming pinagdaanan.
“So, masaya ako na makatrabaho uli si Direk.”
Read: JM de Guzman addresses bashers criticizing his weight gain

JM de Guzman and Lem Lorca
PAQUIL THE MOVIE
Ano ang naka-attract sa kanya sa movie project na Paquil? May pagka-religious drama ba ito, considering na nasa Pakil ang tahanan ng milagrosang Nuestra Señora de los Dolores de Turumba (Our Lady of Sorrows of Turumba)?
Naka-enshrine ang Our Lady of Turumba sa parokya ni San Pedro de Alcantara (St. Peter of Alcantara), o Pakil Church.
“Opo, isa na rin po yun. Actually, umaasa rin po ako na sana, tablan din ako ng milagro nitong Pakil, nitong Turumba,” pagtatapat ng 35-anyos na aktor.
“Isa rin sa naka-attract sa akin, yung mga katrabaho ko rin po, and the script. Maganda po yung pagkasulat ng script.”
Sa puntong ito ng kanyang buhay, kailangan pa rin niya ng milagro? Hindi pa ba lubos na naayos ang mga bagay-bagay sa buhay niya? May mga kulang pa ba?
Napabuntong-hininga si JM, “First, strength lang po siguro. Siyempre kailangang lumaban tayo araw-araw. May mga problema pa rin, di ba?
“Kinakaharap pa rin. So, kinakailangan…”
Maganda ngayon ang takbo ng kanyang career.
Matagumpay ang seryeng Linlang na tinampukan nila nina Kim Chiu, Paulo Avelino, at Maricel Soriano.
Wala pa man siyang follow-up teleserye ay tatlo ang pelikula ang naka-lineup sa kanya, kabilang itong Paquil.
Andiyan din ang Lasting Moments with Sue Ramirez. Iyong isa ay hindi pa niya nasisimulan.
Malapit nang mag-showing ang movie niya with Jasmine Curtis-Smith and Barbie Imperial, yung 3 Days, 2 Nights in Poblacion.
“Masaya naman po ako sa career. Sobrang grateful po ako sa nangyayari,” sabi ni JM.
EVERYDAY STRUGGLE
Ano ang kailangan pa niyang pagtibayin sa kanyang buhay? Sa faith ba? Sa personal?
“Siyempre pag dumadalaw iyong anxiety, iyong depression… siyempre, gusto ko ng lakas,” pagsisiwalat ni JM.
Hindi pa niya totally nalampasan?
“Hindi. Everyday struggle po siya, e. Baka lifelong… Nati-trigger po yan lalo pag pagod ka. Pagka… na-stress ka. Pero wala na po yung dati kong mga ginagawa,” pagmamatuwid ni JM.
“Pero siyempre… andiyan pa rin po yung depression. Anxiety. Minsan sumisipa sila, pagka yun nga, pagod ka.”
Read: JM de Guzman reflects on how he handled past heartbreak: "Self-destruct kasi bata pa ako nun."
Bilang support system ni JM, nandiyan ever since ang malasakit ng kanyang pamilya. Nagdudulot din sa kanya ng inspirasyon ang nililigawan niyang si Donnalyn Bartolome.
Read: JM de Guzman on courting Donnalyn Bartolome: "Pag may gusto kailangang ipaglaban."
Dumudulog pa rin siya sa psychiatrist?
“Opo, meron pa rin po ako nun. Meron po akong psychiatrist and counselor. Lifelong battle po talaga.”
Kanino siya humuhugot ng lakas upang magtuluy-tuloy ang laban niya sa buhay kahit napapagod siya at nag-aagam-agam?
Mabilis na tugon ni JM, “Ang Diyos po. Sa Kanya lang po ako humihingi ng lakas and guidance.”
Anong mensahe ang nais iparating ng pelikulang Paquil sa mga manonood?
“There’s always hope. Keep your faith up. Laging tumingala sa Diyos. At maging masaya… bawa’t moments na binibigay ng buhay,” lahad ni JM.
“Kahit malapit ka nang mamatay, or maysakit ka. Malungkot man yung buhay, dapat laging grateful.”
Anong mensahe ang nais niyang iparating sa kanyang fans and supporters?
“Stay strong, be grateful, be happy. Always find time to be grateful and happy.”
Para sa mga nangangailangan ng kausap at tulong dahil sa kanilang mental health issues, tumawag lamang sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0966-351-4518.
