Inihayag ng singer-rapper na si Gloc-9, Aristotle Pollisco sa totoong buhay, na ang hit song niyang "Sirena" ay regalo nito para sa kanyang anak na miyembro ng LGBTQ community.
Sa panayam ni MJ Felipe sa singer, na lumabas sa ABS-CBN News online ngayong Lunes, February 26, 2024, ibinahagi ni Gloc-9 ang kuwento sa likod ng kanta niyang "Sirena."
Ang nasabing hit song ay bahagi ng kanyang 2012 album na Mga Kwento Ng Makata mula sa Universal Records.
Read: Gloc-9 reveals inspiration behind his song "Sirena," which tackles gay issues
Una munang inusisa si Gloc-9 tungkol sa nakakagulat na pagsikat ng "Sirena."
Lahad niya, "Yung song na yan, nung ire-release namin yan, takot na takot ako. Takot na takot dahil ayaw kong makainsulto ng tao.
"Alam ko kasi nung sinulat ko yan, hindi ko tsinelas o sapatos ang suot-suot ko. Ako’y nagsuot ng ibang sapatos o tsinelas.
“Kaya ako natatakot kasi ayaw kong may naisulat ako dun na baka, e, 'Sira-ulo pala ito, hindi naman to ganyan.’"
Ngunit iba raw ang feedback na nakarating kay Gloc-9 mula sa iba't ibang tao.
Saad niya, "Nung minsan, I think days after namin ma-release yung music video, may isang grupo ng production people na nagpunta sa bahay to interview me about the song.
"And then, pinapanood namin sa kanila, 'Eto na yung music video, baka gusto niyong mapanood.'
"And then yung isa talaga humahagulgol at the end of the song. And then she said, 'Nararamdaman ko yan kasi yan ang buhay ng best friend ko. Maraming salamat.’”
Nakatanggap din daw siya ng mensahe mula sa mga ama na may mga anak na bakla.
Kuwento niya, “Minsan nag-guest ako sa isang show sa ABS, isang bouncer, 'Idol, salamat ha.' Sabi ko, 'Bakit?’ 'Kasi yung anak ko "Sirena" rin, e, nung narinig ko yung kanta mo, naliwanagan ako.'”
Tumatak sa maraming tao ang kanyang kanta. At dito raw niya napagtantong may malalim na kahulugan ang kanta para kay Gloc-9..
Sabi niya, "My son is gay. Nung sinulat ko yun, hindi niya pa sinasabi sa amin. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa anak ko na, kung gaano ko siya kamahal.
“Hindi naman ako ma-showbiz. And I think para sabihin ko ito now, ako ay proud na proud sa anak. Ako ay excited sa kung ano man ang kaya niyang ma-achieve sa buhay niya.
“Minsan iniisip ko how life gives you hints of magic here and there. Nung natapos ko yung "Sirena," hindi ko naman alam. And I don't mind. Anak ko yun.”
Ilang taon matapos mailunsad ang "Sirena," naglahad na rin daw ang anak ni Gloc-9 ng totoong gender preference nito.
Very proud daw si Gloc-9 sa kanyang anak.
Aniya, "Ako’y proud na may anak ako na tulad ni Daniel. Mahal na mahal ko ang mga anak ko at gagawin ko ang lahat para sa kanila."
Matapos ang labindalawang taon, ngayon lang daw napagtanto ni Gloc-9 na ang kanta niyang "Sirena" ay hindi lamang niya regalo sa sarili kundi para rin sa kanyang anak.
Pagtatapos niya, "Yun na yung regalo.”
Read: Gloc-9 reveals fears about releasing hit song "Sirena"
