Nagkataon lamang daw na gay roles ang karamihan ng offer kay Teejay Marquez kaya nata-typecast siya sa mga ganito.
Katulad na lamang sa pelikulang After All kung saan bakla na naman ang karakter niya.
Read: Beauty Gonzalez at Kelvin Miranda, tuloy ang love team sa After All
Iniisip tuloy ng tao na baka gusto na rin niya ang ganung karakter.
Ngunit paglilinaw ni Teejay, noong 2021 pa nila ginawa ang After All. Noong panahong iyon ay palabas din ang Ben X Jim Forever, ang well-loved Boys Love series na tinatampukan nila ni Jerome Ponce.
Read: Pinoy Hubaderos 2023: Mga aktor na nagpakita at nagpasilip sa pelikula, pictorial, at social media
Sabi niya, “Nagkasunud-sunod po, siyempre siguro natuwa yung mga viewers natin dun sa Ben X Jim na ginawa namin ni Jerome Ponce.
"Kaya na-typecast ako na, 'Siya na lang, siya na lang kasi okay, e.'
"Sa ngayon, happy naman ako sa Makiling ko, sa GMA. Lalaki po ako dun, kontrabida po ako dun.
"I mean, tapos na ako dun sa era na yun [gay roles]. I mean, pero kung may maganda pa ring project, why not?
"Ako naman, wala naman akong problema sa ganitong bagay kasi nagagampanan ko nang maayos."
Nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Teejay sa presscon ng After All na ginanap sa Eastwood Richmonde Hotel, sa Eastwood, Quezon City, noong February 16, 2024.
Sa After All, gumaganap si Teejay bilang baklang anak ni Beauty Gonzalez. Magiging karibal niya ang ina sa pagmamahal sa karakter ni Kelvin Miranda.
Read: Kelvin Miranda more comfortable doing intimate scenes with Beauty Gonzalez
Saan siya humuhugot ng emosyon dahil malalim ang kanyang ipinakitang pag-arte, base sa trailer ng pelikula?
Saad niya, "Siyempre, nasaktan na po ako, e, so alam mo yung pakiramdam na nasaktan.
"Dito kasi, parang masakit lang isipin na yung sarili mong magulang, kaagaw ko sa nagugutushan kong tao.
"Dun pa lang, ang bigat na ng feeling, kaya nung nandun ako sa scene na yun, gusto kong galingan.
"Pero yun pa lang scenario dun na kaagaw ko yung mommy ko, e…
"So, dun pa lang, parang iisipin mo, 'Parang nakikipagtalo ka sa magulang mo sa nagugustuhan mong minahal mo.'
"Kaya sobrang bigat. Kaya yun ang pinaghuhugutan ko, tsaka mga experience ko sa love."
Posibleng may magsabing magaling siya sa gay roles dahil bakla naman talaga siya. Ano ang masasabi niya rito?
Ayon kay Teejay, "Hindi naman nawala yang issue na yan. Pero tingin ko, thankful din naman ako sa mga BL na nagawa ko."
Natuwa raw siya na may mga pumuri sa kanyang performance sa mga BL series na nagawa niya.
"Sa dami na ngayong gumagawa nito ngayon, parang na-normalize na natin na mga aktor natin, mga guys, willing na mag-gay roles.
"Ako, nagkasunud-sunod lang talaga nung mga panahon nung pandemic.
"Hopefully, mabigyan pa rin ako ng ibang role. Pero kung mabigyan man ako ng another gay role, LGBT role, as long as trabaho, trabaho."
For good na ba siya sa Pilipinas at hindi na babalik sa Indonesia, kung saan sumikat siya?
Read: Teejay Marquez enjoying international-star status in Indonesia
Tugon niya, "Ako, mas gugustuhin kong for good ako dito. Pero kung may opportunity sa Indonesia, for movie, or guesting, babalik at babalik ako, pasaglit-saglit."
Sa ngayon daw ay focus si Teejay sa kanyang role sa Makiling dahil na-extend sila.
Ipalalabas sa mga sinehan ang After All, mula sa ALV Films, simula sa February 28, 2024.
