Inamin ng Kapuso actor na si Kristoffer Martin na nais niyang muling makatrabaho ang Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo, kung mabibigyan ng pagkakataon.
Ikagagalak daw niyang muli makasama si Kathryn sa isang proyekto matapos nilang magtambal sa Philippine adaptation ng Korean drama series na Endless Love na umere noong 2010 sa GMA-7.
Pinagbidahan ito nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Si Kristoffer ang gumanap na batang Dingdong (Johnny), habang si Kathryn naman ang young Marian (Jenny).
Sa panayam ni Kristoffer sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Miyerkules, February 7, 2024, natanong siya ng host na si Boy Abunda kung magkaibigan at may komunikasyon pa ba sila ni Kathryn matapos nilang magkatrabaho.
Pagtatapat ng Kapuso actor, wala na silang komunikasyon ni Kathryn magmula nang lumipat ang aktres sa ABS-CBN. Pero nagbabatian naman daw sila kapag nagkikita sa showbiz events.
Tanong ni Boy, "One of the first love team ni Kathryn ay ikaw nga, are you still in touch, are you still friends?"
Sagot ni Kristoffer, "Hindi na. [Pero] sana [friends pa kami].
"But nagkikita kami sa mga events, nagkaka-hi, hello naman kami. Pero yung personal na nagme-message, hindi po."
Panawagan pa ni Kristoffer kay Kathryn, "Kath, baka naman, di ba?
"Work tayo. Sayang yung Endless Love oh. Tuloy natin."
Bilang malapit noon kay Kathryn, hiningan din siya ng reaksiyon ni Boy tungkol sa controversial breakup ng dati niyang ka-love team kay Daniel Padilla.
Ani Kristoffer, wala siyang ibang hangad kundi ang kapayapaan at kasiyahan ni Kathryn lalo na ngayong single ito.
Sabi niya, "Peace sa heart niya, Tito Boy. Kasi deserve niya yun, e. Importante yung peace."
Samantala, hindi ang Endless Love ang unang pagsasama sa telebisyon nina Kristoffer at Kathryn.
Nagkasama na sila sa dating afternoon soap ng ABS-CBN na Prinsesa ng Banyera (2007) noong pareho pa silang Kapamilya artist.
Read: Kristoffer Martin posts throwback photo of Kathryn Bernardo during her GMA-7 days
Sa ulat ng PEP Troika noong June 2021, naikuwento ni Kristoffer ang masasaya nilang alaala ni Kathryn habang magkasama silang nagte-taping noon sa Endless Love.
Isa raw sa hindi makakalimutan ni Kristoffer ang pagiging maalaga ng Kapamilya actress.
Sabi niya, “Doon sa trabaho ko lang po kasi siya nakilala. Pero fresh pa sa mind ko na maalaga siya. Hindi lang sa akin, kundi para sa lahat.
"Maalaga siya talaga at yung concern niya sa lahat na mga tao sa set. Iyon ang pinakanaalaala ko sa kanya."
