Ibinahagi ni Cavite First District Congressman Jolo Revilla sa social media ang video ng panganganak ng asawa niyang si Angelica Alita-Revilla sa Cedars-Sinai Medical Center, Los Angeles, California, noong January 30, 2024.
Read: Congressman Jolo Revilla and wife Angelica Alita welcome healthy baby girl
Nagsimula ang video nang ipinasok nila ng hospital si Angel ng 1:50 a.m. nung araw na iyon.
Sumunod na tagpo ay ang nag-Facebook live si Jolo ng 6:50 p.m. Ibinalita niyang 17 hours nang nagli-labor ang kanyang asawa.
“Ako, sobrang excited ko na. At alam kong excited na din kayo na ma-meet yung aming baby girl,” sabi ni Jolo sa video.
Dagdag pa niya, “Sige nga! Tulungan niyo nga kami. Hulaan niyo kung ano yung ipapangalan namin sa prinsesa ng unang distrito [ng Cavite].
“Siyempre ako, gusto ko merong resemblance ng pangalan ko at ng pangalan ni Angel, di ba? Hoping for normal delivery po kami.”
Kumbinasyon ng pangalan nilang mag-asawa ang ibinigay nilang pangalan ng sa panganay nilang anak.
Lauren mula sa pangalan ng kongresista na Jose Lorenzo, at kay Angelica ang Angela.
Read: Jolo Revilla nag-face reveal na ng panganay nila ng misis na si Angelica Alita
NORMAL DELIVERY
Abot-abot ang dasal ni Jolo, kasama ang ina niyang si Cavite Second District Representative Lani Mercado na nagpapasalamat na normal delivery si Angel at hindi na idinaan sa cesarean section.
Dagdag na kuwento ni Jolo sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), pagkalipas ng ilang minuto matapos iniluwal ni Angel ang kanilang baby, nagkaroon ito ng bleeding.
Tuluy-tuloy raw ang paglabas ng dugo, kahit sinabi ng doktor na wala naman itong tear. Tatahiin na nga raw sana si Angel.
Nataranta raw silang lahat sa patuloy na paglabas ng dugo.
Sabi ni Jolo, “Nawalan po siya ang two liters ng blood kaya po nanghina si Angel.
“Sa totoo lang, nung time na yun hindi ko alam kung ano yung gagawin ko. Hindi ko alam kung kay baby ako pupunta, e… nahilo si Angel.
“Parang wala pang 30 minutes na nag-push di ba? Tapos okay na lumabas na yung baby. One hour silang nag-skin to skin, patuloy pa ring bumababa yung blood pressure ni Angel. Tapos nahilo siya, nahilo.
“Nung binanggit namin sa doktor na nahihilo siya, dahil hindi mapigilan ng mga doktor na patuloy siyang dinudugo.
“Hanggang sa nagulat kami, sobrang dami niyang dugo… two liters ang nawala sa yo.
“Bumagsak ng 51/40 ang blood pressure niya, hanggang sa hindi ko na din alam kung ano yung gagawin ko. Kumapit na lang po kami kay Lord.
“So, ngayon nandito po kami mag-blood transfusion ulit si Angel,” sabi ni Jolo sa video na ipinost niya sa kanyang Facebook account.
Sinabi ng kongresista na dalawang beses nag-blood transfusion si Angel dahil umabot na ng dalawang litro ng dugo ang lumabas sa kanya.
“Akala ni Angel, wala na talaga,” sabi pa ni Jolo nang nakausap namin siya sa telepono pagkatapos nilang umuwi galing ng hospital.
Natakot daw si Angel na matulog at baka hindi na raw siya magising.
“Hindi ako puwedeng mawalan ng malay. Ayaw ko matulog kasi baka hindi ako magising,” pabulong na sambit sa amin ni Angel, na nagpapagaling pa sa kasalukuyan.
Read: Jolo Revilla at Angelica Alita, nagbunga ang pagmamahalan pagkatapos ng apat na taon
Ayon pa kay Jolo, parang hindi makapaniwala ang mga doktor na nalagpasan ito ni Angel. Himala raw itong nangyari.
At naniniwala si Jolo na mas mabisa talaga ang patuloy na panalangin na malalagpasan ito ng kanyang asawa.
“Sabi ng doktor, pag nakikita nila si Angel, 'The fact that she’s with us, that’s a blessing.'
“Mabuti nandito si Mama, talagang siya nagpapakalma sa akin. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.
“Hindi ko na nga nakunan ng video, natataranta na kami lahat,” dagdag niyang pahayag.
ON GIVING BIRTH IN THE U.S.
Ibinahagi rin ni Jolo sa social media kung bakit nag-decide silang dalhin si Angel sa Amerika para doon manganak.
Aniya (published as is), “Matapos ang siyam na buwang pagdadalang tao ng aking maybahay na si Angel Revilla, isang munting anghel na ibinigay na biyaya sa amin at isinilang niya ang aming baby girl, Lauren Angela Revilla.
"Siya ay pinanganak noong Jan 30, 2024, 9:28PM na may timbang na 7 pounds and 12 ounces na may haba na 21 inches. Isinilang siya sa Los Angeles, USA.
“Si Angel ay nakaranas ng high risk pregnancy. Sa panahon na kami ay regular na nagpapa-check-up, napag-alaman na mayroon siyang circumvallate placenta, ito ay abnormalididad sa placenta na siyang bumabalot sa sanggol habang siya ay nasa sinapupunan na nagdulot ng mataas na chance of complications tulad ng pre-term delivery at placental abruption, at ayon sa mga eksperto maaaring ikamatay ng saggol sa loob o kakailanganin ng emergency cesarean kapag siya ay ipapanganak na.
“Sa awa ng Diyos ay naisilang ng full term ang aming anak. Malusog at walang komplikasyon.
"Yun nga lang, ang aking maybahay na si Angel ay nagkaroon ng komplikasyon na nagdulot ng walang tigil na pagdugo na kinailangan pang salinan siya ng dugo matapos niyang ipanganak si Baby LA. Walang pagsidlan ang aking takot at kaba at pakiramdam ko ay iiwan na kami ng aking asawa.
"Pero mahal kami ng Diyos, milagrong nalagpasan namin ang paghihirap ni Angel, nilabanan niya din ang kanyang kalagayan at ngayon ilang araw na ang nakalipas siya ay patuloy nang nagpapalakas.
“Talagang anghel para sa amin ang aming anak, hulog ng langit sa amin kaya naman pag-iingatan at mamahalin naming mabuti ang biyayang pinagkaloob sa amin. Masayang masaya kami gayundin ang aming buong pamilya.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng nagdasal, sumuporta at sumama sa aming journey bilang pamilya. Ramdam namin ang inyong malasakit at pagmamahal.
“Sa aming anak, Baby LA, mahal na mahal ka namin ni Mommy Angel aalagaan at papalakihin ka namin nang puno ng pagmamahal. We love you!”
View this post on Instagram
