Nagbigay ng mensahe ang negosyanteng si Joel Cruz matapos idemanda ang mga kaibigang sina Becky Garcia, columnist ng isang broadsheet, at Albert Andrada, isang celebrity fashion designer.
Read: Joel Cruz, dinemanda ng estafa si Albert Andrada at ibang kasama; PHP4M para sa Paris Fashion Week?
Isinampa ni Joel ang reklamong estafa laban sa dalawa sa Manila Prosecutor’s Office noong Miyerkules ng hapon, January 17, 2024.
Dawit din ang mga tinukoy ni Joel na sina Angel de Jesus, Lawrence Plata, at Roda Agasen.
Naunang dumating sa Manila City Hall ang abugado at pamangkin ni Joel na si Jasmine Sy at dalawang tauhan mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joel sa labas ng kuwarto ng piskalya sa Manila City Hall, noong araw ring iyon.
"Sobra ninyo akong pinaghintay sa mga pangako ninyo na babayaran niyo ako, wala namang nangyayari. Kahit nag-meeting tayo wala ring nangyari," himutok ni Joel.
Ikinalungkot daw ni Joel ang kinahantungan ng pagkakaibigan niya kina Andrada at Garcia, pero nanindigan siyang ipaglaban ang aniya'y karapatang idemanda ang mga ito.
Panawagan ni Joel, "Ibalik niyo ang pera ko. Nagkasundo tayo sa PHP8M kaya ibalik ninyo sa akin ang PHP8M ko.
"At sana maging lesson din sa inyo ang ganitong bagay. Dahil kasi nakakahiya at di maganda ang nangyayaring ito.
"Pati tuloy ang ating pagkakaibigan ay magkakaroon ng hangganan dahil sa ganitong pangyayari."
Ayon kay Joel, nag-invest siya sa isang Paris fashion show na inoorganisa nina Andrada at Garcia, at mapapanood sana rito ang pagrampa ni Joel kasama ng kanyang mga anak.
Unang buwan pa lang ng 2023 ay naumpisahan na nila ang pag-uusap tungkol dito. Pero ilang beses daw iyong nakansela nang walang valid reason.
Lahad niya sa PEP.ph, "Tapos yung PHP4M ko na ibinigay ko sa kanila, na-clear yun. Hindi nila maibalik yung pera.
"Panay pangako na talagang walang natutupad. At the same time, nagkaroon kami ng agreement na nakapirma sila.
"Usapan namin, anuman ang mangyari, kung magkaroon ng cancellation na ganyan, di matuloy, ay babayaran nila ako ng P8M.
"So, yun ang hinahabol ko sa kanila."
Kumpleto raw ng dokumento si Joel sa naging huling pag-uusap nila nina Andrada at Garcia.
Patuloy ni Joel, "Kaya humingi ako ng tulong sa NBI. At tinutulungan naman ako ng NBI.
"Kasi matagal na kaming naniningil sa kanila, pero walang nangyayari.
"Ano lang, pangako. Pero wala talagang natupad.
"So, yung pera ko na PHP4M, nasa sa kanila. Ni singko wala pa silang ibinibigay sa akin."
Una raw nag-file si Joel ng reklamo sa NBI.
Aniya, "Good thing ni-review ng NBI. Sabi nila, puwede itong i-file na reklamo.
"Nire-recommend nila na mag-file ng reklamo dito sa Manila Prosecutor’s Office."
Read: Why Joel Cruz no longer recommends surrogacy clinic he used in Russia
CANCELLED TWICE?
Bukod sa investment ni Joel, gumastos din daw siya sa travel expenses niya at ng kanyang mga anak noong pumunta sila ng Paris para sa fashion show, na nakatakda sana noong January 2023.
Nakabili na raw sila ng tickets noon, kaya nagbayad daw si Joel ng penalty na halos PHP500,000 nang ipa-refund niya ang tickets sa Emirates Airlines.
Sinasabing ni-reschedule ang fashion show sometime in mid-2023, pero nakansela raw uli iyon.
Paliwanag pa ni Joel, "Kasi ang actual na pera na nakuha nila sa akin is PHP4M.
"Pero PHP8M ang napagkasunduan namin na ibabalik nila sa akin sa mga damages katulad ng mga hindi natuloy.
"Kaya umaasa ako na PHP8M ang kanilang ibabalik sa akin. Pati yung PHP500K para sa cancellation [ng tickets], ibalik din nila.
"Kasi kawawa rin ang aking travel agent na pinangakuan din nila… na mag-iisang taon na at walang nangyayari.
"Wala talaga silang ibinibigay na pera, e. Panay pangako, wala ring nangyayari."
Read: 8 Filipino celebrity dads who welcomed kids after 50
JOEL ON BROKEN FRIENDSHIP
Sa huli, nagbigay rin ng mensahe si Joel sa iba pang gaya niyang nakaranas ng ganitong insidente.
"Yun nga, e," sambit ni Joel. "Kaya rin ako humarap sa yo, kaibigan ko ang iba dito.
"Kaya siguro sa gaya natin, sa ganitong pangyayari, e, mag-iingat po tayo talaga.
"Kasi ultimo pala kaibigan na napagkakatiwalaan mo noon, pero ganito ang mangyayari, na kapag pera, iba na.
"Sana maging lesson ito sa inyo kasi malaking lesson ito sa akin. Sana maging lesson po ito sa ating lahat na mag-ingat po tayo," diin pa ni Joel.
Sinisikap ng PEP.ph na hingan ng pahayag sina Andrada at Garcia sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe via Instagram at Facebook, respectively. Wala pa silang tugon sa amin.
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
