May natutunan si Rosanna Roces sa apat na pangunahing artista ng Kapamilya teleseryeng Pira-Pirasong Paraiso na sina Loisa Andalio, Charlie Dizon, Alexa Ilacad, at Elisse Joson.
Read: Rosanna Roces casually admits seeing Joseph Marco's private part
"Kung may natututunan sila sa amin, mas may natututunan din kami sa kanila,” sambit ni Rosanna sa mediacon noong Enero 17, 2024, Miyerkules, sa ABS-CBN Compound, Quezon City.
"Yung kaba nila sa akin, I will make sure na sa susunod na eksena, wala na yun, ganun. Madidinig na nila yung tawa ko na malakas, ganyan-ganyan.
"Tapos lagi kong sinasabihan sila na, ‘Huwag kayong mahiyang mamulot ng acting sa mga seniors.'
"Kasi yun din ang ginagawa ko sa mga kagaya nung, kung puwede kong banggitin, yung mga Brocka babies na nakatrabaho ko.
"At ikinukuwento ko, kay Elisse, nakuwento ko, no?! Yung tingin na tatlong ganon," muwestra ni Rosanna na nakatingin sa ulo, sa mata, at sa katawan ng kabatuhang eksena.
"Yan, napulot ko yan kay Kuya Ipe, turo ni Brocka. So, parang yung turo ni Brocka, makukuha mo na rin. Parang naturuan ka na rin niya."
Ang Brocka na tinutukoy ni Rosanna ay ang National Artist na si Lino Brocka. Kabilang sa mga naidirek ni Direk Lino sina Phillip "Ipe" Salvador, Bembol Roco, Christopher de Leon, Vilma Santos, Sharon Cuneta, Hilda Koronel, Gina Alajar, Lolita Rodriguez, Charito Solis, at National Artist Nora Aunor.
Dagdag ni Rosanna, "Nakuha ko kay John Lloyd Cruz ito, yung iyak na nakatingin sa itaas, yung parang nakikiusap sa Diyos. Yung ganun."
May kani-kaniyang brilyo sina Elisse, Charlie, Alexa, at Loisa.
Pahayag ni Rosanna, "Si Elisse, ang ganda ng nakikita ko sa batang ito. Kasi puwede siyang bida-kontrabida.
"At ang sarap niyang paglaruan, kasi puwede mong kawawain, puwede rin namang siya yung mangangawawa, di ba?
"Si Charlie, pinatunayan niya sa akin kung bakit best actress siya sa MMFF. Kasi nung nanalo siya, 'Sino yun? Sino ang Charlie Dizon?' Ganun ang mga reaksyon.
"Nung naka-work ko na siya, ‘Ay! Kaya pala!’
"Si Alexa naman, ganun din. Kahit huwag mong pagsalitain yan, ang mga mata niyan, nangungusap.
"At si Loisa na napaka-professional, sinasakal ko na siya… Kung nasaan yung ulo niya is puro batu-bato. Kasi, nitso na yung kasunod, e.
"Sinasabihan ko siya, tinatanong ko siya, 'Anak, nasasaktan ka ba? Nasasaktan ba kita?' 'Hindi, Tita! Ituloy mo lang! Sige lang! Sige lang!’
"Ako, noong araw, 'Aray! May bato! May bato!' Siya talaga, wala. Wala siyang ganun.
"Talagang kung ano ang hinihingi ng eksena, yun talaga ang ibinibigay niya."

Read: Charlie Dizon says her parents approve of boyfriend Carlo Aquino
ROSANNA ON DIRECTOR'S PICK AMONG LOISA, ELISSE, ALEXA, CHARLIE
Sino kina Charlie, Alexa, Loisa at Elisse ang tingin niya ay pinaka?
Advantage ba ni Charlie na naging MMFF best actress siya sa pelikulang Fan Girl (2020).
Last year ay may pinagbidahan uling movie si Charlie, ang Third World Romance katambal ang nobyong si Carlo Aquino.
Sina Alexa, Loisa at Elisse ay wala pang pelikula na nagmarka sa moviegoers.
Natigilan sandali si Rosanna at tila tinimbang na mabuti ang sasabihin, bago nagwika,
"Iba din ang Loisa Andalio kasi. Iba! Kaya lang, hindi pa siya nagsa-shine sa pelikula.
"Actually, tinanong ko na yan kay Direk Raymund [Ocampo]. Yung tanong niyo na yan. ‘Direk, sino sa kanilang apat?’
"Meron siyang magagandang sinabi sa bawat isa, pero sabi niya, ‘Pinakagusto ko si Loisa. Kasi talagang naibibigay niya yung hinihingi ko.’
"Pag sa direktor galing yan, ay! Iba yan!" bulalas ni Rosanna.

May bombshell aura si Loisa. Kapanta-pantasya.
Tumango si Rosanna, "Oo. Si Elisse lalo! Si Elisse, napakaliit na babae pero anlaking kumilos. Parang… tingnan mo, ang liit-liit niyang babae pero ang ganda-ganda niyang manamit, di ba?
"Ang sarap niyang paglaruan. Ang ganda ng mga role na napupunta sa kanya."
Iba ang movie stars kesa sa TV stars lang. Mas mataas ang premium, ikanga. Iba ang level.
"Hindi! Kasi kung ikumpara mo naman from the PBB niya na days, malaki talaga yung improvement ni Elisse," pagmamatwid ni Rosanna.
Magtatapos ang Pira-Pirasong Paraiso sa Enero 27. Napapanood ito Lunes hanggang Biyernes ng 2:00 p.m. at kada Sabado ng 3:00 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
Anim na buwan sa ere ang Pira-Pirasong Paraiso, na co-production series mula sa ABS-CBN at TV5. Ito ay sa direksyon nina Raymund Ocampo at Roderick Lindayag.

ROSANNA ON PAMILYA SAGRADO
Kasama si Rosanna sa Kapamilya teleseryeng Pamilya Sagrado na pangungunahan nina Piolo Pascual, Grae Fernandez at Kyle Echarri.
"Hindi naman ako ganito kakontrabida dun. Mahirap ako doon, napatay ang anak ko, may halong pagka-EJK yung pagkakamatay niya," lahad ni Rosanna.
"So ako yung medyo tinik sa lalamunan ng Pamilya Sagrado."
Nasa cast din ng nasabing teleserye sina Tirso Cruz III, John Arcilla, Mylene Dizon, Shaina Magdayao, at ang balik-Kapamilya na si Aiko Melendez.
Sa laki ng cast, baka hindi siya masyadong mag-shine?!
Napangiti si Rosanna, “Hindi! Walang maliit na role sa akin, di ba? Saka hindi, kailangan talagang galingan nyo, kasi nakatutok si Tita Cory [Vidanes] mula umpisa hanggang katapusan.
"Talagang tututukan daw niya. So pati nga cellphone, bawal na rin sa set. Ipinagbabawal, para lahat nakatutok."
Gumanap sina Rosanna at Piolo bilang mag-ina sa "Day" segment ng pelikulang Manila (2009).
Pangalawang beses pa lang na makakasama ni Rosanna si Piolo sa Pamilya Sagrado.
Tampok din sa Pamilya Sagrado sina Daniela Stranner, Jeremiah Lisbo, Iana Bernardez, Mark Manicad, JC Galano, River Joseph, Ron Angeles, Valentino Jaafar, at ang dating Kapuso na sina Miggs Cuaderno at Emilio Daez.
