Trigger warning: Self-harm
Maraming nangyari sa pagpanaw ng respetadong aktor na si Ronaldo Valdez. Hindi lang tayo nalungkot, nagulintang, nagluksa—tayo ay nagalit nang matindi. Napakaraming masamang bisyo sa social media at parang lahat na lang ito'y naglabasan. Parang inintay lang mamatay ang isang pamosong tao para maglabasang lahat. Nakakalungkot. Ganito na nga ba tayo?
Ito ang saloobin ng tatlo sa PEP Team.
ARNIEL SERATO, LEAD CORRESPONDENT
Ang dami pa ring walang modong netizens ngayon, ano?
Mantakin niyo bang nakaya nilang ipakalat ang video ng imbestigasyon sa mga labi ni Ronaldo Valdez, na kuha sa mismong kuwarto ng aktor noong hapon ng December 17, 2023, ang araw ng kanyang kamatayan.
Read: Veteran actor Ronaldo Valdez dies at 77
Nagitla ako sa aking napanood sa Facebook. Dahil, kitang-kita talaga ang wala nang buhay na katawan ng aktor habang nasa isang upuan at habang kumikilos sa palibot nito ang mga imbestigador.
Ang hirap panoorin.
Pero lalo na siguro para sa mga taong malapit sa aktor na nagluluksa, kabilang na ang anak na si Janno Gibbs.
Ang tanong—Ano ang purpose ng nag-share nito sa social media? For the view? For the virality? For the clout lamang?
O wala lang sentido? O di kaya'y pakiramdam?
Humingi na nga ng pribadong pagluluksa ang pamilya nina Janno, pero nakuha pa ring ipakalat ng ilan ang nakababahalang video na kuha during the police investigation.
Pasko pa naman! Haist!
Read: Ronaldo Valdez's talent manager cries foul over unauthorized release of late actor's sensitive video
KYRYZZTINE JOY BAYLON, NEWS STAFFWRITER
Kalapastangan talaga ang pagkalat ng video.
Hindi man lang sila nag-isip: Kung gawin ito sa namayapa nilang mahal sa buhay—kapatid, asawa, tiyo, classmate, best friend—maaatim ba nilang pagpiyestahan sa social media ang mga huling sandali nito?
Nakakalungkot lang na kahit ilang beses nang nakiusap ang pamilyang naulila ng beteranong aktor—pakiusap na galangin ang kanilang pagluluksa— mayroon pa ring mga halang ang sikmura na ginamit ang video para sa pangongolekta ng pageviews.
Nakakabahala rin—totoo man o hindi ang haka-hakang may koneksyon ang pagkamatay ng aktor sa depresyon—kung paano na ito para sa mga nakakaranas ngayon ng problema sa buhay?
Hindi ba malaking trigger ang video sa pinagdaraanan nila ngayon?
Ang latest report ay nagsasabing galing ang leaked video sa mismong mga rumespondeng Quezon City Police District (QCPD), na kumuha raw ng video para sa documentation purposes.
Napakalaking leap lang mula sa documentation purposes papuntang social media uploads!
Napapaisip tuloy ako kung sinadya itong inilabas. Kung aksidente naman, ano ang kapani-paniwalang kuwento roon?
Aksidente man o sinadya, may pananagutan ang kapulisan. Sila pa, e, trained sila sa nature ng homicide at ang handling nito mula simula hanggang huli. Fully aware sila sa police procedure, pati pakikitungo sa next of kin.
Anong nangyari?
Read: PNP dismisses 2 QCPD personnel for allegedly leaking Ronaldo Valdez crime scene footage
Bali-balitang maging ang netizens na nag-share ng video ay iniiimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) para panagutin sa patuloy na pagpapakalat ng video.
Sana maging leksyon ito sa lahat, na hindi lahat ng nakikita online ay dapat i-share. Parati ngang sinasabi: "Think before you click!" Please lang: Think.
RACHELLE SIAZON, DEPUTY MANAGING EDITOR
Nakarating din sa akin ang tungkol sa nag-viral na video footage na sinasabing kuha mismo ng mga pulis na rumesponde kay Ronaldo Valdez.
Mahalaga nga naman ang documentation para matukoy ng mga imbestigador ang tunay na dahilan ng pagpanaw ng aktor.
Ang hindi ko maintindihan ay kung paano kumalat ito.
Kung iyong mismong impormasyon nga ng pagpanaw ni Ronaldo ay naging maingat tayo sa paglathala dito sa Philippine Entertainment Portal.
Linggo ng gabi, December 17, nakatanggap na ng impormasyon ang PEP.ph news desk tungkol sa pagpanaw ng aktor.
Kinabukasan, December 18, Lunes, umaga pa lamang, nakahanap na rin ang PEP.ph ng additional sources na nagkukumpirma sa insidente.
Ngunit pinili nating ilathala ang pagpanaw ni Ronaldo noon na lamang kinagabihan ng Lunes, eksaktong 11:17 p.m.
Hangga't maaari kasi ay gusto nating antayin ang official statement, na mas malamang ay manggagaling sa pamilya ng aktor.
Ang nangyari'y unang naglabas ng bulletin ang QCPD.
Nagpasya tayong pikapin ang QCPD bulletin dahil maituturing na official report ito at maaaring isapubliko.
Ngunit sa unang inilabas na ulat ng PEP.ph, wala pa rin tayong detalye sa sanhi ng pagpanaw ni Ronaldo sa kabila ng umiingay na mga espekulasyon ukol dito.
Umaga na ng December 19 nang maglabas ng official statement si Janno Gibbs, para sa kanilang pamilya, na maiksi lamang at hindi pa rin nagbabanggit ng detalye sa pagpanaw ng ama.
Read: Janno Gibbs pays tribute to late dad Ronaldo Valdez
Sa age of social media, kahit sino ay may kapasidad maglabas—at magpakalat—ng impormasyon, fake man o totoo.
Pero may mga sensitibong bagay—kasama na ang pagpanaw ng isang tao—na dapat ay bineberipika muna ng pamilya o ng awtoridad bago inilalabas.
Tanda ito ng respeto sa pagdadalamhati ng naulila.
Tanda rin ito ng pagsasaalang-alang sa mga pangyayaring nakapalibot sa tao nang siya'y pumanaw.
Read: QCPD: Ronaldo Valdez found with gunshot wound
ROMMEL R. LLANES, ASSOCIATE EDITOR-MULTIMEDIA
Sa tradisyunal na kultura ng Pilipino, mataas ang pagpapahalaga sa papel ng lalaki—siya ang sandigan, ang haligi ng tahanan, ang tagabigay ng mga pangangailangan ng bawat miyembro ng pamilya.
Dahil dito, ang kanyang imahe sa society ay yaong matibay at matapang sa harap ng anumang parating na pagsubok.
Pero paano kung dahil sa limitasyong dulot ng pisikal na kahinaan o katandaan ay hindi na kayang gampanan ng lalaki ang responsibilidad na iniatang niya mismo sa sarili?
Paano kung nahaharap siya sa isang sitwasyong hindi siya pamilyar o hindi napaghandaan at hindi kayang tapatan o harapin ng kanyang isipan?
Paano na?
Hindi nga lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, mataas pa rin ang pagpapahalaga sa papel ng lalaki sa lipunan. Kaya't bihira—kung hindi man hindi talaga napag-uusapan—ang depresyon sa mga kalalakihan.
Kasi nga, base sa imaheng ipininta para sa mga lalaki, hindi nakakalalaki yung pagpapakita ng kahinaan, mental man o pisikal.
Hindi "macho."
Lalo na sa panahon ngayong natatapatan ng kababaihan ang mga papel at responsibilidad na noo'y tinitignang eksklusibo lamang para sa kalalakihan.
Bawal magpakita ng kakimian at kahinaan at baka raw magkalimutan kung sino ang dapat nakapantalon at nakapalda, 'ika nga ng mga matatanda.
Kaya para sa maraming machong nakakaramdam ng lungkot o depresyon o kaguluhan ng isip, mas pipiliin nitong kimkimin na lamang ang nararamdaman kesa magbukas ng saloobin.
Pagkatapos, sa sandali ng pag-iisa, at sa kagustuhang takasan ang dumaraming problema, maaaring piliin na nito ang mabilis na "exit" para nga naman matapos na ang lahat.
Nakakalungkot.
Panahon na para gibain ang isteryotipikal na imahe ng machong lalaki na di kumikilala sa kumukubabaw sa kanilang depresyon.
Panahon na para tanggapin na kahit ang pinakamatatapang, pinakamatitibay, at pinakamatatalinong lalaki ay nakakaranas din ng pag-aalinlangan, ng di pagkakasiguro, na maaaring humantong sa depresyon.
Walang kinikilalang kasarian ito, edad, o kalagayan sa buhay.
Kaya dapat na pag-usapan.
Para na rin maipagpatuloy ang buhay at masamahan pa rin ang mga mahal natin.
[Para sa mga nangangailangan ng kausap at tulong dahil sa kanilang mental health issues, tumawag lamang sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0966-351-4518.]
