Si Morissette Amon ang gustong maka-collaborate ng balladeer na si Dindo Fernandez.
Bagay daw kasi ang vocal range nila.
Aniya, “Medyo ambitious tayo po...If you will check my songs po, yung mga kinakanta ko po kasi ay medyo powerful, so medyo namimili po ng partner.
"Minsan po, may mga gusto akong kantahin, pero hindi kayang kantahin nung kaparehas na babae.
"So I think Morissette can be a good… we can do a good song together.”
Pero kung major concert ang pag-uusapan, ang gusto niyang maging espesyal na panauhin ay walang iba kundi ang Superstar na si Nora Aunor.
“Totoo po yun! Alam niyo po kung bakit si Ate Guy? Ang nanay ko po, 85 years old, pumipila kay Ate Guy at bumibili ng mga… sobrang Ate Guy po. Sobra po.
“Talagang yung 'Pearly Shells' naririnig ko nung bata pa lang ako, Nora Aunor po talaga.”
Pinasikat ni Nora noong 1971 ang kantang "Pearly Shells," na originally ay isang Hawaiian folk song.
Halu-halo naman ang musical influences ni Dindo.
“I listen to Brian McKnight po, and then Mariah Carey is also one of the artists na pina-follow ko, as well as Martin Nievera, Michael Pangilinan din po.”
Read: Martin Nievera, may “list” ng singers na natulungan niya ngunit nakalimot at nalaos
At dahil sumusulat rin ng mga awitin si Dindo, may mga iniidolo rin siyang mga songwriters.
"Si Kuya Jonathan Manalo is one of the best composers in the Philippines, also Ryan Cayabyab, idol natin si Sir Ryan Cayabyab, yun, those two composers.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dindo nitong September 2, 2023, sa EF Café & Restaurant sa National Road, Madonna Subdivision, sa Alanginan sa Batangas City.
Regular performer dito si Dindo tuwing Sabado ng alas otso gabi.
SONGWRITER
Bukod sa kanyang talento, ano yung naging inspirasyon ni Dindo para pasukin ang mundo ng musika?
“Basically, nai-inspire ako pag may mga gusto akong tulungan or baguhin.
"Like yung song ko na 'Makinig Ka,' sabi ko, I need to release this song, because I know na makakatulong ito sa bayan natin para ma-inspire sila.
“The same way may mga experiences kasi ako na alam kong may matututunan yung mga kapwa natin Pilipino, so yun po yung nag-i-inspire sa akin para pumasok sa mundo ng musika.”
Ang mga awiting "Akala Ko" at "Makinig Ka" na isinulat ni Dindo ay na-release nitong 2022 sa Spotify, iTunes, Apple Music, at iba pang music platforms.
Naging nominado din siya sa Aliw Awards 2022 bilang Best Male Performance in a Concert at Best New Male Artist of the Year.
Saan o kanino kumukuha si Dindo ng inspirasyon kapag nagsusulat ng mga kanta?
“Usually po pag masaya ako… nasa dagat, ganyan. Kumbaga pag talagang wala akong iniisip, hindi po ako makakapag-compose pag may problem ako or anything.
“Pag wala akong iniisip na problema, asahan niyo merong kanta akong magagawa.
“Sa ngayon po, hindi na nauubos yung personal experiences ko, madami pa po akong nahuhugot sa sarili ko.
"But meron po akong mga songs, one song is yung 'Dapat Mahal,' it came from a friend.
"Yung friend ko na sobrang devastated, naghiwalay sila, galing sa kanya yung kanta.”
May paborito si Dindo sa mga kantang isinulat niya?
“Yun pong unreleased song ko na 'Bumubuhos,' it’s reminiscent of my... yung nung bata ako, yung ganyan, it’s reminiscent of childhood sweethearts, parang ganun.
“So napakasaya nung song, it’s a feel-good song.”
CHALLENGES
May mga pagsubok o hirap ba siyang pinagdaanan upang maabot ang pangarap niyang maging singer/songwriter?
Lahad ni Dindo, “May mga tao tayo na nakasama na sabihin na nating hindi naging click yung samahan namin, parang feeling mo na parang na-a-abuse ka rin, ganyan.
“Pero hindi naman nating hahayaang mangyari yun, so at the early stage pa lang pag na-identify ko na yun.
"Medyo naggi-give way na din ako or gumagawa na ako ng paraan para umiwas.
“Hindi naman ganun kalala, but basically medyo magkaiba lang po ng direksiyon.
"Parang kung itutuloy ko yun… being with that person in the singing, parang magiging torture po yung mangyayari, so hindi po lalabas yung creative juice ko.
“Kaya I decided to be on my own. So, at first po kasi, may nagga-guide sa akin, so at first may tumutulong, ganyan, pero when I felt na, ‘Teka, parang hindi kami swak!’ I decided na sige, ako na lang mag-isa, something like that po.
“Siyempre ang gusto po natin is masaya lang, happy lang kayo.
"Magkasama kayo, you do music together, so iyon po yung siyempre ang hahanapin po natin ay yung mga tao na magkasundo tayo.”
Ano ang maituturing niyang pinakamalaking hamon sa kanya sa music industry?
“Greatest challenge po is to identify somebody na talagang magga-guide sa iyo, yung guiding star, so iyon yung pinaka-challenge talaga sa industry.
“But once you have found that guiding star of yours, I think okay na yun, you just have to do your best and everything will follow.”
Naniniwala ba si Dindo na dahil sa social media at online platforms ay mas madali nang magpasikat ng kanta ngayon kaysa noon?
“I think so, yeah, totoo naman! Parang ngayon, medyo fair yung game ngayon, e.
"Parang hindi natin kailangan masyadong too much promotion, basta maganda yung song mo at totoo ka dun sa ginagawa mo, I think makikinig yung tao sa iyo.”
Kung gagawan ni Dindo ng kanta ang buhay niya, ano ang magiging titulo o pamagat?
“Title niya? Siguro gagayahin ko yung title ng song na 'Tagumpay Nating Lahat,' kasi sa lahat ng mga ginagawa ko, I must say siguro nagagawan ko rin ng paraan para mapagtagumpayan lahat ng mga ginagawa ko sa buhay ko, so 'Tagumpay Nating Lahat.'”
Ini-release noong 1992 ang awitin ni Lea Salonga na may ganito ring pamagat.
Samantala, may concert si Dindo, ang Dindo Fernandez .. Live at Teatrino with Musica Chiesa.
Gaganapin ito sa October 28, 2023, 8:00 p.m. sa Teatrino, Promenade, Greenhills.
Si Michael Bulaong ng chamber orchestra na Musica Chiesa ang musical director at ang direktor ng concert ay ang award-winning light and stage director Joey Nombres.
