ARNIEL SERATO (Lead Correspondent):
Sabi nga nila, dumating na tayo sa exciting… este, nakakalungkot na part!
Ngayong araw ng Sabado, October 14, 2023, magsisimula na ang 12-day live-airing days suspension ng It’s Showtime na ipinataw ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Read: MTRCB suspends 'It's Showtime' for 12 days
Ito ay matapos magdesisyon ang pamunuan ng ABS-CBN na hindi na iapela sa Office of the President ang desisyon ng MTRCB tungkol sa kanilang noontime show.
Sa inilabas na pahayag ng ABS-CBN noong October 6, 2023, sinabi nitong iginagalang nila ang desisyon ng MTRCB kaya nagpasya silang huwag nang iakyat pa ang kaso sa tanggapan ng Pangulo.
Ngunit kahit ipapatupad nila ang kaparusahan, nanindigan ang ABS-CBN na walang anumang nangyaring paglabag ang It's Showtime sa anumang batas.
Read: ABS-CBN accepts MTRCB decision to suspend 'It's Showtime' for 12 days
Ang naging pangunahing basehan ng MTRCB sa desisyong suspendihin ang It’s Showtime ay ang “icing incident” sa “Isip Bata” segment ng noontime show sa July 25, 2023 live episode ng show.
Dito ay nakita ang host na si Vice Ganda at asawa niyang si Ion Perez na kumain ng icing ng cake gamit ang kanilang mga daliri.
Sabi ng ABS-CBN sa kanilang apela, “Filipinos of any age bracket or social class would do this spontaneously whether alone or in the presence of others. This may be an offshoot of the Filipino culture of eating with our hands.”
Read: A detailed look at ABS-CBN's stance on MTRCB's 12-day suspension of 'It's Showtime'
Ayon sa September 4 statement ng government regulatory body, nakatanggap umano ito ng maraming reklamo ukol sa umano’y masagwang pag-arte ng mga host.
"Viewers have lodged multiple complaints before the MTRCB concerning the show’s July 25, 2023 episode wherein the program’s hosts allegedly acted in an indecent manner during one of its segments, Isip Bata."
Read: MTRCB denies motion for reconsideration of 'It’s Showtime'
Ayon naman sa ABS-CBN, ni hindi ipinakita sa kanila ang kopya ng mga reklamong ito.
Kasabay ng pagtanggap sa desisyon ng MTRCB, nangako ang ABS-CBN ng mas malakas at magandang It’s Showtime sa pagbabalik sa ere nito sa October 28.
Sa tingin ko, ayaw na lang pahabain ng ABS-CBN ang agony kaugnay ng suspension.
Nais na lamang siguro nitong sundin ang parusang ipinataw ng MTRCB at nang mairaos na nila ang labindalawang araw.
Habang wala sa ere ang It's Showtime, mapapanood muna sa timeslot nito ang It's Your Lucky Day na ihu-host nina Luis Manzano, Melai Cantiveros, Robi Domingo, at iba pang Kapamilya stars.
Mapapanood ito mula October 14 hanggang October 27.
Read: ‘It’s Your Lucky Day’ pansamantalang papalit sa ‘It’s Showtime’
Hindi naman apektado ang staff and crew ng It’s Showtime dahil sila pa rin ang staff ng temporary replacement show.
Read: ‘It’s Your Lucky Day’ pansamantalang papalit sa ‘It’s Showtime’
Good news yan. Ang mga hosts naman nito ay maaaring may mga pelikulang gagawin sa loob ng dalawang linggong iyan o out-of-town shows o di kaya'y bakasyon na kailangang-kailangan nila.

Sana rin sa kanilang pagbabalik ay maiwasan na ang mga hindi akmang gawain, double-meaning na mga salita, at mga aksiyong hindi nararapat sa tingin ng mga bata.
Noontime show kasi ang It’s Showtime at malamang sa malamang ay pami-pamilya ang nanonood nito.
Sa netizens naman, sa mga mema lang, hindi naman porket madaling magsumbong sa MTRCB ay bawat kibot ng hosts nito ay basta lalagyan niyo ng malisya at ire-report kaagad.
Ano na lamang ang gagawin nila sa katanghalian? Magrosaryo? Magsabayang bigkas? Or magpitikan ng tenga sa loob ng tatlong oras?
Hindi ito ang unang beses na sinuspinde ng MTRCB ang It’s Showtime dahil nangyari na rin ito sa show noong January 2010.
Bunsod naman ito ng komento sa show ng controversial actress noon na si Rosanna Roces na kinainisan ng mga guro ng bansa.
Matapos kasing mag-perform ang isang grupo mula Calamba, Laguna, tinanong ng celebrity judge kung bakit Jose Protacio Rizal ang pangalan ng National Hero gayong ang pangalan ng tatay nito ay Francisco Mercado at ang nanay naman ay Teodora Alonzo.
Nang hindi ito masagot ng contestant, sinermunan siya ni Rosanna.
Aniya, "Murahin mo yung teacher mo, ha! Ako, minura ko yung teacher ko nung hindi niya sinagot sa akin yan. Oo, walanghiya yang mga teacher na yan, hindi sinasabi yung totoo sa atin, e! Ikaw, tagaroon ka, hindi mo alam."
Read: Rosanna Roces apologizes for Showtime gaffe
Dahil dito sinuspende ng MTRCB, sa pamumuno noon ni Chair Consoliza Laguardia, nang 20 days ang show.
Read: MTRCB suspends Showtime for 20 days for statement of Rosanna Roces against teachers
Tumalima naman ang show at noong January 14 ay tumigil sa live airing ang It’s Showtime at pansamantala itong pinalitan ng Magpasikat.
Umapela sa Court of Appeals ang management at pinagbigyan sila.
Matapos ang limang araw, nagbalik sa ere ang show noong January 19 dahil sa inilabas na temporary restraining order ng Court of Appeals.
Read: Showtime returns on air tomorrow
Yung ibang shows kaya na may mga reklamo din sa MTRCB, may aksiyon na kaya ng pamunuan nila?
At ang MTRCB mismo, may sapat nga bang aksiyon sa kalabang noontime shows na ilang beses ding tinadtad ng reklamo ng manonood?
Ahem, ahem.
Eto na lang: Alam ko, alam natin, na magbabalik ang It's Showtime na....... mas malakas!


KC CORDERO (Senior Staffwriter):
"Ano ang plano mo ngayong sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board sa loob ng 12 araw ang live airing ng It’s Showtime?”
Ito ang naging tanong ko sa mga kakilala ko na religiously ay nanonood ng naturang noontime show.
Halos ay pare-pareho ang kanilang naging kasagutan.
Sabi ng isang nakausap ko ay “titiyagain” niyang manood ng pansamantalang ipapalit na It’s Your Lucky Day na pangungunahan nina Luis, Melai, at Robi.
Aniya, “Mabilis lang naman ang two weeks. Ayoko kasing magpalit ng channel.”

Ang isang nakausap ko ay walang TV set sa kanilang bahay at nanonood lang sa live streaming ng It’s Showtime sa kanyang mobile phone.
Ganoon din ang kanyang naging reaction—hindi siya manonood ng ibang noontime show.
“Wait ko na lang mag-resume yung show after ng suspension. Medyo tipid din sa data.”
Ang iba naman ay nagsabing gagamitin nila ang oras sa panonood ng kanilang paboritong series sa Netflix.
“Para hindi na manonood ng series sa gabi,” ayon sa isang nakausap ko. “Minsan kasi sa gabi nakakatulog din agad kaya hindi masyadong nauunawaan ang kuwento.”
May mga naawa rin sa mga tauhan ng show na kabilang sa mga nasa likod ng camera lalo pa at “no work, no pay” ang ipinataw na suspensyon.
Pag-aalala ng isa, “Siyempre, kahit may papalit na show, yung mga hosts naman malamang na yung kilala nila na mga stylists at makeup artists ang gagawa sa kanila. Pati yung mga nasa production, tengga rin muna. Kawawa naman, ang mahal pa ng mga bilihin ngayon.”
Sa tanong kung ano ang pinakamami-miss nila sa It’s Showtime, marami ang nagsabi na ang segment na “Rampanalo.”

Ito yung may tatlong bola na pinagpasa-pasahan ng audience, at kapag nag-stop ang music, kung sino ang may hawak ay may chance maglaro para manalo ng cash.
Mula sa tatlong nakakuha ng bola ay pipili naman ng isa na siyang may chance na manalo ng hanggang mahigit PHP100,000 depende sa pagkakasalansan niya ng mga box na may lamang pera.
Pure luck ang panalo sa larong ito dahil maaaring mabawasan at maging zero pa ang premyo dahil sa mga mathematical operations gaya ng multiplication, division, at subtraction na kabilang din sa mga kahon na pipiliin.
Sabi ng isang nakausap ko, “Ang lakas kasing maka-good vibes ng 'Rampanalo.' Kahit nanonood ka lang, pag may maiuuwing pera yung naglaro lalo na kung malaki, matutuwa ka rin para sa kanya lalo na kung talagang nangangailangan siya.”

ERWIN SANTIAGO (Associate Editor for Content):
Personally, hindi ako masyadong apektado sa suspension ng It's Showtime dahil halos araw-araw akong may trabaho kaya hindi na ako regular nakakapanood ng anumang noontime show.
Kaya hindi ko gaanong mararamdaman na mawawala sa ere ang noontime show ng Kapamilya network sa loob ng 12 araw, na napakabilis lang naman kung tutuusin.
Para sa hosts ng It's Showtime na hindi mapapanood sa ere sa loob ng 12 araw, gaya ng sinabi ni Arniel, maaari nilang gamitin ang oras upang magpahinga o tumanggap ng ibang raket.
Pero sa pagkakaalam ko'y gagamitin nila ang panahong ito sa pagre-rehearse para sa kanilang production numbers sa "Magpasikat," ang annual competition ng hosts bilang bahagi ng kanilang anniversary ngayong October.
Dahil mas may oras silang mag-practice, asahang mas bongga ang ihahatid na production numbers ng hosts.

Samantala, para sa isang ordinaryong manonood na itinuturing na libangan at kasiyahan sa buhay ang panonood ng It's Showtime, malaki ang epekto ng pagkawala ng tatlong oras na iginugugol niya sa harap ng telebisyon o di kaya'y sa YouTube mula Lunes hanggang Sabado.
Ano na ngayon ang gagawin niya sa tatlong oras na iyon na hindi mapapanood ang paborito niyang programa?
Marami, sagot marahil ng iba.
Pero para sa isang taong bahagi na ng araw-araw na pamumuhay ang panonood ng It's Showtime, malaking bagay ito.
Mistula silang mga bata na inagawan ng candy o laruan at tinanggalan ng oras para maglaro.
Sa punto de bista naman ng isang tagapagmasid na kagaya ko, na nasubaybayan ang mga nagsilabasang ulat mula sa iba't ibang panig, hindi ko pa rin lubusang maintindihan ang naging desisyon ng MTRCB na suspendihin ng 12 araw ang buong programa ng It's Showtime.
Read: Lala Sotto addresses backlash against MTRCB amid 'It's Showtime' suspension
Kung ang pinagbasehan kasi ng desisyon ay ang mga reklamong natanggap kaugnay ng pagdila ng icing ng cake ng mag-asawang Vice Ganda at Ion Perez, dahil mayroong mga batang nanonood, tila napakababaw nito at sobra naman yata ang 12 araw na suspension.
Read: Vice Ganda, Ion Perez fly to an undisclosed location amid issue with MTRCB: “Labing labing muna”
Sa totoo lang, walang masama sa pagdila ng icing ng cake dahil karaniwan itong ginagawa sa mga handaan. Tila nabigyan lamang ito ng malisya ng ilang nakapanood at nagreklamo dahil LGBTQ couple sina Vice at Ion.
Tanong: kung ginawa ba ito ng isang regular couple (babae at lalake), ganun din kaya ang magiging reaksiyon ng mga nagreklamo?
Aminin man o hindi ng mga nagreklamo—pati na ang board members ng MTRCB—binigyan nila ng malisya ang pagdila ng icing nina Vice at Ion dahil sa kasarian ng dalawa.
Ngunit sa mga mata ng bata, na siyang ginagamit na rason ng MTRCB sa desisyon nito, wala silang makikitang mali sa aksiyon ng dalawa.
Read: Ronnie Liang on MTRCB imposing suspension on 'It's Showtime': "Parang selective justice."
Naniniwala rin akong may conflict of interest pagdating sa pamunuan ng MTRCB dahil ang chairperson nitong si Lala Sotto-Antonio ay konektado sa dalawang hosts ng katapat na programa ng It's Showtime, ang E.A.T. ng TV5.
Si Lala ay anak ni former Senator Tito Sotto at pamangkin ni Vic Sotto.
Igiit man ni Lala na hindi apektado ang anumang desisyon ng ahensiyang pinamumunuan, hindi maiaalis sa isipan ng publiko ang malaking koneksiyon niya sa programa ng ama at tiyuhin. Pami-pamilya nga ng hosts kung makasama sa audience para magpakita ng suporta sa E.A.T.
Ito na lang: Tingin ba ni Lala ay sasalungat sa kanya ang sarili niyang board? Lalo pa't lumabas na siya sa publiko para depensahan ang posisyon ng ahensiya?
Tingin ba niya'y hindi sasagi sa isip ng board na ang It's Showtime ay kalaban ng show ng ama ng kanilang chair?
Tingin ba niya'y kayang maging independent ng board members habang siya ay may administrative power over them?
Tingin ba niya, sa araw araw na lang na pagsasalamuha ng board at chair, kayang maging dissenter o odd man out ng sinuman sa board? Napakahirap isiping mangyayari ito sa MTRCB kung saan kakaunti lang ang board members at mas malamang ay gustong maging "in" ng lahat.
Hindi kelangan ng memo, sa pakiramdaman pa lang ay walang kokontra sa chair, liban na lang kung handa na ang board member maitawalag.
Read: MTRCB Chair Lala Sotto denies conflict of interest; ignores calls to resign
Malinaw na mayroong conflict of interest, taliwas sa pahayag ni Lala na wala.
Sabi nga ni Carlo Aquino kay Vilma Santos sa pelikulang Bata, Bata Paano Ka Ginawa? (1998): "Akala mo lang wala, pero meron, meron!"

