Hindi pa rin daw makapaniwala si Jillian Ward sa titulong binigay sa kanya ng GMA Network na "Star of the New Gen."
Maaaring ang tagumpay ng kasalukuyan niyang teleserye, ang Abot Kamay na Pangarap, ang isa sa dahilan kung bakit ito ibinigay kay Jillian.
"Siyempre po, sobrang grateful po ako at nagulat po ako," reaksiyon niya tungkol dito.
"Pero sa akin po kasi, kumbaga, kung ano man ang mga titles na binibigay sa akin, hindi ko po siya dinadamdam, kumbaga.
"Hindi po siya nagsi-sink-in sa akin."
Nakakapasyal pa rin daw siya na hindi iniisip ang pagiging artista niya.
"Minsan nga, kapag lumalabas po ako, nakakalimutan ko na artista ko.
"Basta ang sa akin lang po talaga, ine-enjoy ko lang po ang ginagawa ko. May title man po o wala.
Sabay diin niya, "Although, grateful po ako na gano’n po ang naiisip nila sa akin, gano’n po ang tawag nila sa akin."
"For me po kasi, mas importante sa akin na nae-enjoy ko ang ginagawa ko sa trabaho."
Natawa namang dagdag niya, "So, minsan po, nalilimutan ko po siya talaga. Nalilimutan ko na artista pala ‘ko."
Nakausap ng PEP.ph at ibang entertainment reporters (Philippine Entertainment Portal) si Jillian sa pamamagitan ng Zoom noong October 4, 2023.
Si Jillian ang bida ngayon sa pagbabalik ng Daig Kayo ng Lola Ko. Ang kanyang pagbibidahang month-long installment na "Captain Kitten" ay magsisimula ngayong Sabado, October 7, 6:15 p.m.
Comeback din ito ni Jillian sa Daig Kayo ng Lola Ko.
Lahad niya: "Well, naging part po ako ng Daig for two or more years or mga three years po yata bago ako nag-graduate.
"Ako po, nae-excite po ako palagi kasi nga po, yung bond po na na-create ko kasama ang Daig Kayo ng Lola Ko family, sobrang naging matatag po.
"Dito po ako lumaki, kasi, parang from 12 to 15 [years old ako], naging part po ako ng Daig Kayo ng Lola Ko.
"So, every time po na magge-guest ako, nae-excite po ako kasi, makikita ko silang lahat ulit."
Magandang oportunidad din daw ang pagsabak sa show para makagawa siya ng ibang genre sa acting.
"Tapos, yung excitement po na may bagong character, yung story po, nakaka-excite. Ang daming nanonood na mga bata.
"Tapos, light-hearted lang po ang mga eksena.
"Do’n po ako pinakana-e-excite kasi nga po, ang usual ko na ginagawa, drama, mga seryoso na shows. So ito po talaga, sobrang gaan lang po ng mga eksena.
"Dito po, ang mapapanood po nila, parang ako po noong bata. Yung batang Jillian na kuwela lang, nakakatuwa lang."
Hindi ito ang unang beses ni Jillian na gumanap ng superhero character.
"Actually, this is my third time. Ang pinakauna ko po, I was six years old, sa Captain Barbell, ako po si Super Tiny ro’n.
"And sa Super Ma’am, kay ate Marian Rivera, naging part po ako ng Super Teens.
"And ngayon po, bilang dalaga, ito po ang first role ko na action role."
May napansin si Jillian na di sinasadyang trademark ng mga ginampanan niyang superhero roles.
"Alam niyo kung ano po ang nakakatuwa? Lahat po ng superhero roles ko, palaging may purple. Hindi ko po alam kung bakit.
"Yung costume ko, laging may mask na purple na ewan. Actually, ipapa-collage ko nga po ang picture, e.”
ON HER CAREER PLANS
Pagdating sa kanyang career, Magkakaroon pa rin ba siya ng love team o mas gusto niyang maging solo star?
Sagot ni Jillian, "Well, marami po talaga ‘kong plans, of course.
"Sinasabi ko nga palagi na gusto ko pong magawa lahat ng genre sa acting. Gusto ko pong mag-action, comedy, drama, thriller, lahat po yan, gusto ko pong madaanan.
"At do’n naman po sa pagpe-pair, sa akin po kasi, wala naman pong problema kung sino po ang ipares sa akin.
"Alam niyo po, do’n po sa Abot Kamay, unexpected nga rin po ang mga pairings, e.
"Minsan, wala po siya sa script, pero yung mga tao po ang kinikilig kumbaga.
"Sa akin po kasi, although, pina-plano ko po ang future ko, ‘yung future na spontaneous pa rin po ako. Kasi, gusto ko lang i-enjoy.
"Ang dami po kasing puwedeng mangyari, ang dami pong puwedeng magbago.
"So ako, gusto ko lang i-enjoy yung career ko, yung buhay ko.
"At gusto ko lang talagang tumagal dito sa showbiz."
ON HOW SHE SPENDS HER FREE TIME
Ano naman ang pinagkakaabalahan niya sa kanyang free time?
"Naku, iba-iba po kasi,” sabi niya.
"Kasi, meron po akong time na nabe-burn out po ako, aaminin ko. May time na sobrang pagod.
"Pero siguro po, kapag masaya ang work environment mo, kahit gaano ka kapagod, kapag pupunta ka po sa set ng Abot Kamay, nakakalimutan ko po ang pagod."
Pinapahinga raw niya ang mga libre niyang oras.
"Minsan naman po, mas gusto ko yung quiet times lang.
"Pero, ang mas nakakapag-recharge sa akin, kapag pumupunta po ako ng church after ng taping.
"At kapag nakikita ko po ang family ko sa bahay pagkauwi ko. Yung mga simple things lang po talaga.
"Actually, kahit hindi nga po ako magbakasyon ng matagal, basta makita ko lang yung pamilya ko sa bahay, ginaganahan po ako."
