May dagdag na titulong “Sgt” sa simula ng pangalan ng actor-director na si David Chua.
Natapos nito ang Basic Citizen Military Training Class 2023 Bravo ng Philippine Air Force bilang reservist.
Nagawaran din siya ng Strongman’s Award “for obtaining the highest points in Physical Fitness Test (PFT) in BCMT Class 2023 Bravo."

Ano ang pakiramdam na may “sergeant” na titulong nakadikit sa kanyang pangalan?
"Para siyang masteral degree. Para kang tinawag na doktor, architect. Sa harapan, merong katumbas na pinag-aralan," saad ni David sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Nakausap ng PEP.ph si David via Viber messaging noong Miyerkules, October 4, 2023
Patuloy niya: "Parang pag tinawag kang sergeant sa harap ng pangalan ko, nakakakilig siya kasi alam ko ang pinagdadaanan, e, ng isang sundalo o isang reservist na hindi biro.
"So, yun yung kung paanong pinagdaanan namin para makamit yung sergeant na yan, e, parang habang buhay na siyang dumidikit sa aking isipan na matawag akong ganyan, parang isa siyang degree."
KORINA SANCHEZ COVERS THE EVENT
Noong September 30, 2023, ginanap sa Protacio Park, Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City ang graduation ceremony ng batch ni David.
Personal na dumalo si Korina Sanchez upang suportahan at i-cover ang graduation ng mga bagong reservists.

Si David ang director ng programang Rated Korina, na co-produced at hinu-host ng beteranang broadcaster.
Paliwanag ni David, "Kaya naman ho siya um-attend kasi fineature namin yung AFP, PAF, dahil hindi lang naman ako, andun si Stanley Ng, ang president ng PAL, so in-interview namin.
"Sina general, yung mga general dun, colonel dun, ini-explain namin kung ano ang ibig sabihin ng reservist at ano ang dahilan kung paano tayo nagkaroon ng ganyan at nanghikayat tayo na magkaroon ng sumali sa reservist."
DAVID CHUA'S UNFORGETTABLE EXPERIENCE
Ikinuwento naman ni David ang mga pinagdaanan niya at ng kanyang mga kaklase sa halos tatlong buwan nilang training mula July 17 hanggang September 30, 2023.
Lahad nito, "Alam niyo ho, mahirap siya, hindi ho siya madali. Pero kung gusto mo yung ginagawa mo, magiging madali na ho yan.
"Kasi tatanungin ka naman, tinanong naman po kami, kung pinilit kami o gusto lang ng magulang namin na ilagay kami dito, kasi kung hindi mo gusto itong papasukin mo, e, mahihirapan ka talaga kasi hindi ganun kabilis, physically, mentally, spiritually.
"Kailangan mong gumising ng alas-kuwatro ng madaling araw kasi alas-sais nagsa-start na kayo. Tuesday, Thursday, Saturday, minsan Sunday, may training kami.
"So, mawawalan ka ng social life lalo na kung mahilig kang lumabas. E, katulad ko hindi naman ako masyadong lumalabas, okay sa akin na nakapag-ensayo ako, nakapag-training ako physically.
"Bibigyan ako ng proper knowledge, nabibigyan ako ng disiplina para sa sarili ko, sa tulong ng mga opisyal dun na nagtuturo sa amin.
"Kaya saludo ako sa lahat ng opisyal na nagtuturo sa amin dahil hindi naman mabilis magturo lalo na 58 kami.

"Tapos tuturuan kami isa-isa kung paano maghawak ng baril, paano ang tamang pagsaludo sa gitna ng arawan. Sa gitna ng ulan. Hindi ho ganun kabilis sa amin especially sa kanila.
"Pero dahil sa pagtutulungan namin bilang isang team ng Class Manlawid at sa tulong ng mga opisyal, e, nagawa namin ng maayos ang mga bagay na tingin namin ay mahirap at nagawa namin siya nang maayos.”
on SERVING THE COUNTRY
Wala daw kahalintulad ang pakiramdam na makapagsilbi sa Inang Bayan.
Aniya, "Para sa akin lang ho ito ha, sa akin lang, privilege na magkaroon tayo ng ganitong klaseng freedom ngayon sa mundo, isang privilege for me, hindi na nga karapatan, e.
"Privilege na mabuhay tayo ng payapa at makuha natin kung anong gusto natin. Kasi kung maaalala natin, yung mga pinagdadaanan ng bansa natin, ang Maynila, ang Pilipinas ay napakayaman natin sa mga kultura o yung pinagdaanan nating delubyo, o dun sa panahon ng mga Kastila, panahon ng Hapon, yung mga ganung klase baka nakalimutan na ng mga kabaataan.
"So, hindi ako magdadalawang isip na tumulong sa ating Inang Bayan lalo na sa mga panahon ngayon, e, pakiramdam ko nagiging relax tayo bilang isang citizen, bilang isang civilian kaya dapat nating pangalagaan ang ating bansa."
Hinikayat naman niya ang marami na sumali rin bilang reservist sa kahit ano mang ahensiya ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
Sabi ni David: "Ini-engganyo ko lahat ng eligible, yung mga puwede, kahit anong edad pa yan, may kaklase nga ako nasa 50 plus na, kinaya.
"May kaklase ako na medyo hindi fit ang katawan, medyo mahina ang lungs at puso, pero kinakaya, kasi willing, e, gusto ng puso, ng utak. Kahit hindi ganun kalakas ang katawan kung gusto mo magagawa mo.”
Kagagaling lang ni David sa Thailand noong nakaraang linggo upang tanggapin ang award niya bilang Asia’s Man of Excellence in Entertainment Productions Award of the Year sa Thailand International Leadership Awards 2023.
