Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang bandang Kamikazee matapos silang palayasin ng gobernador ng Sorsogon na si Edwin “Boboy” Hamor.
Nag-viral ang kuwento ng pagpapauwi ni Governor Hamor sa Kamikazee na nakatakda sanang mag-perform sa fiesta ng Casiguran, Sorsogon, noong Linggo, October 1, 2023.
Read: Kamikazee band, pinalayas ng gobernador sa Sorsogon
Sa kalagitnaan ng konsiyerto ng ilang banda noong gabing yun ay umakyat sa entablado si Governor Hamor.
Humingi siya ng dispensa at sinabi niyang hindi na makakapag-perform ang bandang Kamikazee.
Pinaalis na raw niya ang banda. Hindi na rin nila ito pinatuloy sa kanilang hotel at ipinahatid na sa airport.
Hindi sinabi ni Governor Hamor kung ano ang eksaktong ginawa ng mga taga-Kamikazee, pero binastos daw silang mga taga-Sorsogon.
Bahagi ng kanyang talumpati sa mga Sorsoganon na dumagsa sa concert: “Sana na naintindihan niyo. Hindi ko gusto to.
"Kaso sinabi ko nga, may attitude. Hindi na yan makakabalik sa Sorsogon, maniwala kayo sa akin.
"Maraming banda, maraming banda na gustong magpasaya sa atin. Pero kung ganun naman yung ugali, pasensiyahan tayo. Okay?
"Inuulit ko, bayad yun. Kasi bago mag-perform sila dapat bayad. Pero pinauwi ko na, hindi ko na patitirahin yun sa Residencia. Pinauwi ko na sa airport, dun sila mag-umaga. Okay?"
Ayon sa ulat ng 24 Oras kagabi, October 2, sinabi ni Sorsogon Public Information Officer na si Dong Mendoza na nagalit ang gobernador nang tumanggi ang bandang magpa-pictorial sa atraksiyon ng probinsiya na kung tawagin ay 16,000 Blue Roses.

Nauna raw pumayag ang banda na gawin ito, pero hindi umano sumunod ang mga ito sa lugar nung araw ng pictorial.
FACEBOOK POST
Samantala, pinagpasa-pasahan sa social media ang post ng isang "Jonathan Valdez" kahapon din, October 2.
Base sa kanyang post, mukhang siya ang kausap ng manager ng banda at nagdala ng entertainers sa Sorsogon.
Idinetalye niya ang nangyari sa pagitan ng Kamikazee at ni Governor Hamor.
Lahad niya (published as is), “In my years of bringing bands/artists in Sorsogon, never po nag request ng picture si Gov. And I believe all the artists/bands na nakapunta sa Sorsogon can attest how considerate, kind, & generous Gov is, kaya naman I did everything to accommodate his very simple request couple of days before the event.
“IMAGO & I BELONG TO THE ZOO said "No problem" graciously, while this KAMIKAZE has been my source of stress days before the event for this simple request - hindi sumasagot.”
Umooo naman daw ang banda tatlumpong minuto bago ang nakatakdang two-minute pictorial.
Dumating daw sa lugar ang banda, pero hindi sila bumaba ng van.
Mangiyak-ngiyak na faw siyang nakiusap sa mga itong bumaba na dahil naghihintay sa kanila si Governor Hamor.
Pagpapatuloy niya, “Until nag oo na sila 30 minutes before their set. The Gov WAITED FOR THEM to arrive at the venue.
"Hindi sila bumababa ng van, in my years in the business ngayon lang ako umiyak at nakikiusap na bumaba na sila for the 2 minute picture, I even told them na singilin nila ako for an additional fee for this, Muntik na akong lumuhod, pero - DEADMA!
"Until lumapit na ang assistant ni Gov sa akin, "Jo halika, sabihin mo na kay Gov!" - ayun na, they got what they deserved!
"Pinalayas sila sa Sorsogon at hindi pinasampa. FULLYPAID sila and all their requests were granted even the liquor etc... Binigay lahat and MORE!
“Spoke to some people in the industry, isa ang common na sinasabi nila - NAKAHANAP NG KATAPAT ang KAMIKAZE! Hindi ko kayo makakalimutan mga Sers, ibang level ang po kabastusan nyo!”
Mananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng Kamikazee tungkol sa isyung ito.
