Inamin ni Erik Santos, 40, na kung bubuksan ang puso niya ngayon ay "broken" pa rin ito dahil sa lubos na pangungulila sa pumanaw na mga magulang.
Unang binawian ng buhay ang ina niyang si Angelita Ramos Santos, sa edad na 66, noong November 25, 2022.
Read: Nanay ni Erik Santos, pumanaw na: "She is finally home with Jesus. I love you so much, Nanay."
Makalipas ang siyam na buwan, noong August 10, 2023, sumunod na pumanaw ang ama niyang si Renato Santos sa edad na 72.
Parehong lung cancer ang ikinamatay ng kanyang mga magulang.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi ni Erik ang mga huling sandali niya kapiling ang ina at ama.
"Yung mga last days and minutes with them kasi hindi na sila makakapagsalita," balik-tanaw ni Erik.
"They were in BiPAP. Parang machine po yun na downgrade before siya ma-intubate. Parang ganon.
"So, hindi na po namin siya makausap."
Pinuno raw ng pamilya ni Erik ng dasal at pagmamahal ang mga magulang kahit hindi na nila ito nakakausap noong huling sandali ng mga ito.
Lahad niya, "For my mom, talagang we would really play praise and worship [songs].
"We would really pray, sama-sama po kaming pamilya, nakapalibot po sa kanya before siya malagutan ng hininga."
"Yung sa tatay ko naman, ganon din po, same scenario."
Dagdag ni Erik, "Sa tatay ko, I was able to sing a song for him. So, siguro mga five minutes before he passed on, nakakanta pa ako ng isang awitin na paborito niya na palagi na kinakanta ko sa concert."
Isang silver lining na kahit papaano ay nagpagaan sa loob ni Erik ay ang kaalamang nasulit niya ang pagiging anak sa kanyang mga magulang.
"Nasabi ko po yung mga dapat ko sabihin sa kanila," saad ng singer.
Sa puntong ito ay ipinaliwanag ni Erik sa PEP.ph kung bakit niya nasabing wala siyang pagsisisi bilang anak.
"Wala akong regret kasi sinamahan ko sila sa buong buhay ko, e.
"Mula pagkapanganak ko, hanggang sa kahuli- hulihang hininga nila, I was there.
"I witnessed their sufferings, I was able to take care of them. Yung nanay ko, ako yung nagtsi-change ng diapers.
"Kumbaga, lahat naman nagawa ko for them. Siguro beyond pa doon sa pangangailangan nila."
Ayon kay Erik, hindi talaga dapat pinalalampas ang pagkakataong iparamdam ang pagmamahal sa mga magulang.
"Tingin ko naman po, napakasaya nila, na makita ako ngayon na sini-share yung experience ko po sa maraming tao.
"I also want to inspire other people, especially yun pang kumpleto pa yung mga magulang, to just spend more time with your parents.
"Kahit yung mga taong walang masyadong magandang relationship with their parents, tayo yung magpakumbaba na lumapit naman po sa kanila.
"Kasi, hindi natin alam when will be the last hug, the last kiss, the last 'I love you.'
"Hindi natin alam yun, e. Walang kasiguraduhan ang buhay," paliwanag ni Erik.
Dagdag niya, "Ako, nagawa ko yun sa parents ko. Up until their last breath, I was there for them."
Read: Erik Santos, humagulgol ng iyak bago i-cremate ang mga labi ng kanyang ina
ON STRUGGLES DURING HIS PARENTS' SICKNESS
Kahapon, September 21, 2023, humarap si Erik sa ilang members of the press sa mediacon para sa kanyang 20th anniversary concert.
Dito rin inilunsad si Erik bilang ambassador ng Anchor of Hope and Strength Foundation, isang non-profit organization na sumusuporta sa cancer warriors.
Malapit ang puso ni Erik sa cancer warriors dahil personal na naranasan ng kanyang pamilya kung gaano kahirap ang pakikipaglaban ng mga magulang sa cancer.
"Bilang anak po, we have experienced the lowest of low.
"It has been draining in all aspects like mentally, emotionally, spiritually, financially, name it, lahat po.
"Hindi po madali, at kailanman siguro hindi magiging madali, especially sa mga nakakaranas ng sakit na ito.
"Lalo na rin po sa mga pamilya na may mga loved ones na nagsa-suffer ng sakit na ito."
Patuloy ni Erik: "And ako mismo, sa sarili ko, talagang na-experience naming magkakapatid yung hindi namin po alam kung sinong magbabantay sa ospital kasi kailangan po namin magtrabaho.
"Hindi po namin alam kung saan po kami huhugot ng lakas.
"Every time na haharap po kami sa doktor, 'Ano naman kaya ang bad news? May good news kayang dadating?'"
Inamin ni Erik na may puntong napatanong siya sa Diyos kung bakit dumaan sa matinding pagsubok ang kanyang mga magulang.
"Admittedly, to be honest po talaga, medyo na-shaken yung faith ko," ani Erik.
"Especially when we were told about the diagnosis on my father, [which is] exactly the same as my mom. Parang sabi ko, 'Why? Why my parents?'
"They were good people, matulungin sila, mababait. They were kind people, pero bakit sila?"
Pero nanalig daw siya sa Diyos at humugot ng lakas sa pagsisimba, pagkakaroon ng daily Christian devotional, at pag-follow sa Instagram accounts na puno ng Bible quotes.
Nagpapasalamat din si Erik dahil napapalibutan siya ng mga taong pinalakas ang kanyang loob sa panahong ubos na rin siya.
"But at the end of the day, I know that God has His reasons.
"Meron po siyang purpose sa lahat ng dumadating na pagsubok sa ating buhay.
"So ngayon po, kung nakikita niyo ako na matatag, I believe it's the grace of God. It's really the grace of God that keeps me going, that sustains me," saad ni Erik.
Dagdag niya, "At talaga po ang Panginoon, may ipinapadala sa buhay mo, especially kapag dumating ka doon sa point na lugmok na lugmok ka na.
"At yung mga tao na ito, hindi kami iniwan ng pamilya ko sa kalagitnaan ng unos na pinagdaanan namin, nung ang tatay ko at nanay ko ay naghihirap nang dahil sa lung cancer."
Read: Erik Santos’s father dies 9 months after his mother passed away
ON SUPPORTING ANCHOR OF HOPE AND STRENGTH FOUNDATION
Isang ibinigay na halimbawa ni Erik na tumulong sa kanyang pamilya ay ang oncologist ng kanyang ina na si Dr. Charity Viado-Gorospe ng St. Luke's Medical Center sa BGC, Taguig City.
Hindi raw ito naningil ng doctor's fee for three months noong may sakit ang kanyang ina.
Kalaunan, nang malaman daw ni Dr. Gorospe na na-diagnose din ng lung cancer ang ama ni Erik, nag-pledge itong magbibigay ng gamot.
Ayon kay Erik, hindi man nakaabot ang gamot dahil pumanaw na ang ama, nagpasalamat siya nang husto sa doktora na itinuring silang kapamilya.
Si Dr. Gorospe ay co-founder ng Anchor of Hope and Strength Foundation, na sinusuportahan ng singer ngayon.
Sa presscon, may surprise video mula sa cancer warriors ng organisasyon ang nagpaabot ng mensahe para kay Erik.
Hindi napigilang maluha ni Erik nang pinapanood ang video.
Madamdaming pahayag ni Erik: "Actually, naiyak ako kasi naalala ko yung parents ko. Naiyak din ako kasi, thank you sila [cancer warriors] nang thank you.
"Pero sa totoo lang, ako yung gusto kong mag-thank you kasi parang binigyan niyo ng bagong purpose yung buhay ko.
"Maraming salamat po. Gusto ko pong sabihin sa iyong lahat na hindi po kayo nag-iisa. You're not alone in this journey."
May titulong milEStone, ang 20th anniversary concert ni Erik ay gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa October 6, 2023. Co-produced ito ng Cornerstone Entertainment, Star Music ng ABS-CBN, at ni Erik.
Ayon kay Erik, bahagi ng talent fee at proceeds sa concert ay mapupunta sa Anchor of Hope and Strength Foundation.
Read: WHERE ARE THEY NOW: ABS-CBN singing competition winners (Part 1)
