Nakatrabaho na ni Jean Garcia sa ilang mga proyekto noon si Barbie Forteza at panay papuri ang nasabi ni Jean tungkol dito.
"Yeah, ilang beses na kaming nagkatrabaho ni Barbie mula pa nung batang-batang-bata pa siya, sa Stairway To Heaven, tapos yung The Half Sisters.
“Working with Barbie, palaging masaya, iba yung... marami na kasi kaming napagsamahan, so medyo malalim, medyo personal na yung relationship namin.
“So, when it comes to work or pag nagshu-shoot kami, madali na para sa aming dalawa, hindi na siya... hindi na nagkaka-ilangan, at saka si Barbie ang isang artista na hindi mahirap katrabaho, alam niya ginagawa niya, very professional.
“I'm very proud of her, kaya rin lahat ng nagiging shows niya nagiging successful, kasi nasa mga artista din yan, at siyempre nasa direktor din, pero personally ako, si Barbie I love her so much, I love working with her, I love her personally.
“Hanggang ngayon may chat group kami ng The Half Sisters, so ayun, masaya lang na katrabaho siya ulit at bati na kami,” at tumawa si Jean.
“Dun sa Stairway to Heaven, puro sampal ang naabot niya sa akin. Sa The Half Sisters, sobrang close kaming mag-ina.”
Mag-ina muli ang papel nila sa Maging Sino Ka Man ng GMA na eere na simula sa Lunes, September 11.
Nagugulat pa rin ba si Jean sa galing ni Barbie, lalo na sa bagong team-up nila ngayon?
Aniya, “This time medyo complicated yung relationship ng mag-ina dahil lang sa nagkaroon ng issue in the past, na hanggang ngayon hindi siya ma-resolve, so hinahabol niya yung anak niya at pinipilit niya na makuha ulit ang pagmamahal nung anak niya.
“So medyo ibang mag-ina naman ngayon yung characters naming dalawa."
Gaano kahusay na aktres si Barbie para kay Jean?
Paliwanag niya, "Bata pa lang mahusay na siya, magaling talaga si Barbie, e!
“Kasi nanggagaling sa heart, hindi siya umaarte, kumbaga yung character pinag-aaralan niyang mabuti.
“Alam niya na siya si Monique, alam niya na nanay niya ako, masama ang loob niya.
“Makikita mo kasi ramdam niya talaga, natural na lumalabas sa isang Barbie Forteza, pero hindi Barbie yung lumalabas, kundi yung character na minahal niya, kung ano man yung show na ginagawa niya, kaya magaling na artista talaga si Barbie."
Bilang isang beteranang aktres, challenging ba kay Jean kapag may katrabaho siyang artista na mahusay rin?
Mabilis niyang sagot, "Oo, siyempre!
“Kasi walang magaling na artista kung hindi magtutulungan, kailangan nagbibigayan. Hindi puwedeng ikaw lang ang magaling sa eksena, para maging maganda ang eksena dapat lahat kayo magaling.
“Ang ibig kong sabihin, kapag professional ka kasing artista, hindi ka naman kailangan... kailangan marunong kang magbigay, kailangan.
“At tsaka alam mo kung kailan ang eksena ay eksena mo or eksena niya, so pag eksena niya, tutulungan mo siya, pag eksena mo, hihingi ka ng tulong sa kanya, para mag-work yung eksena, pareho kayong magaling, ganun.
“Hindi yung parang eksena niya pero umeeksena ka pa rin, so pangit, at saka magmumukha kang OA, so hindi ka magaling, siya pa rin ang magaling, parang ganun.
“So, sharing lang po ito."
Si Jean ay si Belinda sa Maging Sino Ka Man na pinagbibidahan nina Barbie bilang si Monique/Dino at David Licauco bilang si Carding.
Ginanap ang mediacon ng serye sa Luxent Hotel nitong Huwebes, August 31.
Natanong si Jean kung paano katrabaho sina David at ang iba pang artista ng MSKM.
"Actually, ito ang show na marami akong first time na makatrabaho.
“Si David first time, pero hindi pa kasi kami nagkakaeksena, which I'm excited na magkaroon kami ng eksena.
“Si Rain, first time din. Si Mikoy, many times. Si Faith, first time din. Si Jean, of course, hindi first time. Si Juancho, first time din. Of course, si Gov hindi, si Jeric din hindi.
“So excited ako na makatrabaho for the first time itong mga artistang kasama ko ngayon. Siyempre iba pa rin yung nakatrabaho mo na before, medyo comfortable ka, pero maganda na meron kang nakikilala at nakakatrabaho na bago."
Sa direksyon ni Enzo Williams, kasama rin sa Maging Sino Ka Man sina Juancho Triviño as Gilbert Arnaiz, Faith Da Silva as Cleo Ramirez, Mikoy Morales as Gordon a.k.a. Libag, Rain Matienzo as Tetay at sina E.R. Ejercito as Boss Frank, Jeric Raval as Alex, Juan Rodrigo as Miguel, Antonio Aquitania as Jonas, at Jean Saburit as Shonda.
May special participation sa serye sina Al Tantay as Osmundo at Tonton Gutierrez as George.
Eere ito Lunes hanggang Biyernes simula sa September 11, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad at 9:40 p.m. sa GTV.
Mapapanood rin ito ng mga Global Pinoys sa GMA Pinoy TV.
