Hindi maitago ang sayang naramdaman ni Johnny “Mr. M” Manahan nang ialok sa kanya ang directorial job sa singing competition na The Voice Generations.
Nagsimula na itong umere sa GMA-7 noong August 27, 2023, at maganda naman daw ang feedback na natanggap niya.
Pahayag ni Mr. M, “Masayang–masaya ako because, dahil ang tagal na hindi ako gumawa ng TV show, na parang ganun kalaki. And, kinakalawang na ang utak ko. But most important, I had fun doing it.
“And I hope everyone liked it. And parang ganun naman, may feedback ako na maganda naman yung ginawa namin.
“And I’m so happy just to be doing a show like that for GMA.”
Dagdag pa ng star builder-director, “Happy ako because, like I said, it’s been three years, four years maybe, na hindi ako humahawak ng TV show or movie.
"So when the opportunity presented itself, happiness, salamat. Salamat sa Diyos. Salamat sa GMA.”
Hindi na bago kay Mr. M ang pagdidirek ng The Voice dahil apat na beses na siyang nakapagdirek ng reality singing competition na ito sa bakuran ng ABS-CBN.
Ngunit sa pagkakataong ito ay bago ang umupong The Voice Generations coaches ng GMA-7: Billy Crawford, Chito Miranda, Julie Anne San Jose, at si Stell Ajero ng SB19.
Nagbigay raw ito ng kakaibang excitement kay Mr. M.
Saad niya, “Fun. I’m so happy to have new people onboard, you know, people like Julie Anne, and it gives a new excitement for me.
“Dati kasi andun sila Lea Salonga, you know. And sabi ko sa staff, ‘Ibahin natin, Lea Salonga, iba na yun, andun na yun sa hall of fame.'
"The next judges should bring something new to the show, and they proved it by doing it.”
Nakakuwentuhan ng ilang media si Mr. M, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa isang online conference noong September 1, 2023.
NEW COACHES
Hindi na rin daw bago kay Mr. M na makatrabaho sina Billy, Chito, at Julie Anne.
Rebelasyon pa ni Mr M, hindi alam ng mga bagets na production staff ng The Voice Generations na kumakanta rin si Billy.
Sabi daw niya sa mga ito tungkol kay Billy, “Ang galing niyan kumanta, nakita niyo paano kumilos yan.”
Nung nakita ng mga bagets na production staff kung paano mag-perform si Billy, nagulat daw ang mga ito.
Ano ang mga nakikitang strengths ni Mr. M sa apat na coaches, lalo na si Stell na siyang pinakabata?
Ayon Mr. M, “I’ve worked with three of them in the past—Billy, Miss Julie Anne, Chito.
“But yung surprise sa akin, yung delight para sa akin, yung bago [Stell]. Nakatrabaho ko yun paminsan-minsan in the past, pero hindi pa sila yung grupo, buo.
“Nabulabog ako kay Stell… talagang nabulabog. Wala akong masabi, andun lahat, Ginawa niya lahat.
“Yung presence niya, presence lang, e, talbog na ako, e. Wala na akong masabi, wala na akong mapintas.
“And pag kumanta na siya, paggalaw niya, that’s a star. Tamang-tama. He can fit in with everybody.”
Obserbasyon pa ni Mr. M, hindi nagsasapawan ang apat na coaches ng The Voice Generations.
Aniya, “Ang maganda dun sa grupo, nagbibigayan sila. Hindi sila nag-aano, away-away, walang sapawan.
"Somebody like Billy, who’ve seen it all, very generous siya kay Stell, yung bagets.
“Pinalipad niya si Stell, e. In fact, inalalayan pa nung dalawa, sina Chito at Julie Anne.
“So, masayang-masaya ako dun sa grupo, sa pangkat na yun. Tropa, magaling.”
Mapapanood ang The Voice Generations sa GMA-7 tuwing Linggo, 7 P.M., pagkatapos ng Bubble Gang.
View this post on Instagram
