Napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na si Michelle Vito ang huling naging kasintahan ni Dominic Roque bago nanligaw ang aktor kay Bea Alonzo noong last quarter of 2019.
Hindi malinaw kung ano ang dahilan ng breakup nina Michelle, 25, at Dominic, 33, matapos ang matagal-tagal din nilang relasyon.
Pero parehong may kanya-kanya nang love life ang dalawa ngayon: si Dominic ay engaged na kay Bea, habang si Michelle ay matagal na ring nobyo si Enzo Pineda.
Read: Bea Alonzo and Dominic Roque are engaged
Sa panayam ng PEP.ph kay Michelle, hiningan namin siya ng reaksiyon sa nalalapit na pagpapakasal nina Bea at Dominic.
"I'm happy for him. Of course, nung... Paano ko ba sasabihin ito? Basta way, way back, ang gusto naman namin talaga sa isa't isa is maging masaya kami.
"Kung saan siya masaya, kung saan ako masaya.
"Ngayong ikakasal na siya, masaya ako, kasi alam ko na masaya siya, and deserve niya yun kasi napakabuti niyang tao."
Bad breakup ba sila ni Dominic noon?
Sagot ni Michelle, "Hindi naman."
Pero hindi na raw sila nag-uusap mula nang maghiwalay sila.
Nang usisain si Michelle kung nagkaroon sila ng closure ni Dominic, hindi tuwirang nakasagot ang aktres.
Tinanong din ng PEP.ph kung nakilala niya nang personal si Bea.
Sinabi ni Michelle na nagkatrabaho sila sa teleserye ng ABS-CBN noong 2014.
"Naging ate ko siya actually sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon," saad niya.
Nakakausap daw niya si Bea "noong mag-sister pa kami sa series."
Dagdag niya, "Kasi after ng show, hindi na kami continuous na nakapag-usap. Pero for example, sa Ball, ganyan, ate-ate ko siya talaga."
Nakapanayam ng PEP.ph si Michelle sa launch ng Meridian Official Philippines, na ginanap sa Main Atrium, Eastwood Mall, noong August 24, 2023.
Read: Michelle Vito unbothered by body-shamers; brings up pregnancy rumors in 2021
ON ENZO PINEDA
Sa ngayon ay masaya na si Michelle sa piling ng boyfriend na si Enzo. Higit tatlong taon na silang magkarelasyon.
Pahapyaw na rin daw napag-uusapan ng couple ang pagpapakasal sa tamang panahon.
"Yes, mga 29, before ako mag-thirty, mga ganun," tukoy ni Michelle sa ideal age kung kailan gusto niyang magpakasal.
Pinaghahandaan na rin daw nila ni Enzo ang kanilang future.
"Yes, sa ngayon may gagawin kaming business. Dun naman na kasi papunta yun, e.
"Ang maganda na ginagawa namin ngayon ay mag-focus muna kami sa mga ganito.
"Para pag dumating yung time na, like, nandun na sa pinaka-future, yung point na yun, ayaw na naming isipin [yung], like, financial... Stable na kami."
Suportado rin daw sila ng kani-kanilang pamilya.
Patuloy ni Michelle, "Like for example, itong business na ito, tinutulungan din kami ng family niya, so di lang kami talaga. Yung maganda dito, involved ang family namin.
"For example, nag-away kaming dalawa, lalapit siya sa mommy ko. Or pag masama ang loob ko, kuya niya ang kakausap sa akin.
"Ganun ang relationship namin, kaya ang laking factor [nun] kaya sobrang strong ng relationship namin."
Read: Enzo Pineda to Michelle Vito on their second anniversary: "You are the brightest star in my sky."
ON BEING A SOLID KAPAMILYA
Si Michelle ay sampung taon na sa ABS-CBN. Kasama siya sa artists na inilunsad sa Batch 2013 ng Star Magic, ang talent management arm ng Kapamilya Network.
Kahit nawala na ang prangkisa ng istasyon ay hindi lumipat si Michelle dahil masaya raw siya sa karera niya rito
"Nabibigyan din naman ako ng projects. Baka iniisip ng ibang tao baka hindi siya big break or, like, pambida.
"Pero for me kasi, as long as nabibigyan ka ng magandang projects, magagandang roles, okay na yun sa akin," saad ni Michelle.
Patuloy niya, "Actually, hindi na ako naglu-look after na maging isang big star. Gusto ko hanggang pagtanda ko nandiyan ako.
"Ayoko rin maging super big star kasi minsan biglang nawawala, e. Pag lagi kang support, yun yung tumatagal. Hanggang pagtanda mo, nandun ka pa rin."
Tanggap daw ni Michelle kung anuman ang estado niya ngayon sa showbiz.
Paliwanag niya, "Siyempre, nung bata, nag-i-start ka, gusto ko ganito, ganyan. Nung pumasok ako nandiyan sina Kathryn Bernardo, Julia Montes...
"Pero, of course, iba-iba naman ang career path ng tao.
"Saka hindi naman showbiz lang ang puwede kong gawin sa life, e. Like, puwede akong mag-business.
"Naka-graduate ako ng college so ang dami kong puwedeng gawin."
Inamin ni Michelle na may offers siyang natanggap noon mula sa ibang TV networks, pero tinanggihan niya raw ito.
"Yes, that time kasi continuous naman yung projects ko. Like nung pandemic, I had Ang Sa Iyo Ay Akin, Saan Darating ang Umaga...
"Pinag-guest ako sa kung saan-saang shows so okay naman siya."
