Hindi pa rin nagpasindak ang controversial drag performer na si Pura Luka Vega sa kabila ng magkakasunod na deklarasyon na siya ay ituring na persona non grata sa iba't ibang siyudad at munisipalidad sa Pilipinas.
Hiwalay pa rito ang ilang reklamo na isinampa laban sa kanya ng mga organisasyon na kinokondena ang kanyang drag act ng "The Lord's Prayer."
Noong Lunes, August 21, 2023, muling pinag-usapan sa social media ang tila comeback ni Pura onstage nang muli siyang magtanghal sa saliw ng kanta ni Taylor Swift na “Look What You Made Me Do."
Sa video, makikitang may hawak siyang litrato niya habang naka-costume ng Itim na Nazareno sa isang bar sa Makati City.
"OKAY PERSONA NON GRATA TOUR!!!" mababasang caption ng uploader ng video.
Isa pang video ang lumutang kuha sa parehong pagtatanghal, at dito ay nagbigay ng pahayag si Pura tungkol sa mga batikos na ipinupukol sa kanya ng publiko.
Aniya: "Ito lang masasabi ko — simplehan lang natin ha — lahat tayo makasalanan. Hindi tayo perpekto.
"Gayunpaman, do unto others as you would have them do unto you. Okay?
"Do not do to others what you do not want others to do unto you. Golden rule lang po yun."
May pasaring din si Pura sa mga probinsiya at munisipalidad na nagdeklara sa kanyang persona non grata.
Saad niya, "Para sa mga ibang lugar na gustong mag-persona non grata diyan, dagdagan niyo pa! Pakialam ko.
"Separation ng church at ng state [dapat]. Yun lang po. Thank you po!”
Read: Kim Atienza tells Pura Luka Vega her art is "deeply offensive to majority of Filipinos"
ON BEING TAGGED AS PERSONA NON GRATA
Sa huling ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), as of August 18, 2023, labindalawang (12) LGUs na sa bansa ang nagdeklara kay Pura bilang persona non grata.
Kabilang na rito ang lungsod ng Maynila, Dinagat Islands, Occidental Mindoro, Cebu City, Laguna, Cagayan de Oro, Bukidnon, at General Santos City sa South Cotabato.
Kasama rin ang munisipalidad sa Floridablanca, Pampanga; Toboso, Negros Occidental; Nueva Ecija; at Coron, Palawan.
Read: Declared persona non grata by 3 more LGUs Pura Luka Vega also faces another criminal suit
Patung-patong ding reklamo ang inihain laban kay Pura ng Christian group leaders na nasa ilalim ng Philippines For Jesus Movement at deboto ng Itim na Nazareno o Hijos del Nazareno Central.
Ito'y dahil pa rin sa kontrobersiyal na "The Lord's Prayer" drag performance ni Pura noong July 10, 2023, kung saan nag-costume siya na mala-Poong Nazareno, sa isang bar.
Marami sa netizens ang nagbansag na "disrespectful, offensive, blasphemous" ang paggamit ng Catholic Christian prayer nang wala sa tamang lugar.
Sagot ni Pura, hindi niya intensiyong makabastos ng iba dahil sa kanyang drag performance.
Katuwiran niya, iyon ang paraan niya para ihayag ang kanyang pananampalataya pati na ang naranasang "exclusion" sa kanya ng simbahan sa isang isyung tila may kinalaman sa pagiging bahagi niya ng LGBT community.
Read: "Drag art"? Pura Luka Vega draws flak for "offensive" act of "Ama Namin"
