Nahaharap sa tatlong karagdagang reklamo si Awra Briguela sa Makati City Prosecutor’s Office lagpas isang buwan matapos siyang masangkot sa isang kaguluhan sa The Bolthole Bar, sa Poblacion, Makati City.
Read: Awra Briguela, pinosasan matapos masangkot sa rambulan sa Makati
Ayon sa ulat ng GMA News Online, mismong ang abogado ni Mark Christian Ravana ang nagsampa ng reklamo.
Si Ravana ang lalaking napagtripan umano ni Awra sa bar.
Pahayag ni Atty. Nick Nangit sa panayam ng media ngayong Miyerkules, August 16, 2023, “We are filing, in fact we already filed, three additional cases against Awra Briguela.”
Kabilang sa tatlong reklamo ay tungkol sa violation of Article 283 (light threats o pambabanta) under the Revised Penal Code, violation of Article 286 (Grave Coercion o pamimilit) under the RPC, at Violation of Section 11(c) in relation to Section 11(a) of the Safe Space Act (o Bawal Bastos Law).
Dagdag pa ni Nangit, “You know the CCTV, kumakalat yan, di ba, so hinahawak-hawak siya, so there’s a violation of the private space.
“And then the second, pinasarado niya [Awra] yung pintuan ng third floor, hindi puwedeng bumaba because hindi siya [Ravana] naghuhubad. So, that is already life threats.
"And then the third, nung hinila siya pabalik, nahulog sila pareho, grave coercion.”
Dagdag pa ng abogado, meron silang “very strong case” laban kay Awra.
Pinabulaanan naman ni Ravana ang kumalat sa social media na nagkaayos na sila ni Awra.
Sabi niya, “Hindi po totoo yun na nagkaayos kami. Wala pong lumapit sa akin.”
Nilinaw ni Ravana na bukas daw siya sa anumang pag-uusap sa labas ng korte.
Aniya, “Willing naman po kami pero sa ngayon na parang kami pa po yung — kami na nga po yung biktima, kami pa po yung talagang nadedehado dito sa pangyayaring ito.
“Pero tingnan na lang po natin.”
Bukod pa sa tatlong bagong reklamo, nahaharap na si Awra sa slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority.
Nakalaya si Awra noong July 1, 2023, mula sa piitan ng Makati Custodial Jail, matapos maglagak ng piyansa na anim na libong piso.
