Wagi ang animated film na Iti Mapukpukaw bilang Best Film sa Full-Length Category ng Cinemalaya XIX: ilumiNasyon nitong Agosto 13, 2023, Linggo ng gabi, sa PICC Lobby.
Panalo rin ito sa dalawa pang kategorya: Best Supporting Actress (Dolly de Leon) at NETPAC (Network for the Promotion of Asia Pacific) Award.
Take note na ang BL movie na ito, kung saan bida sina Carlo Aquino at Gio Gahol, ang siyang pinakamalakas sa takilya.
Read: Mikoy Morales, Pat Tingjuy bag top acting awards in Cinemalaya 2023

Ang pangalawang pinakamalakas sa box office ay ang GL movie Rookie, na siyang nagkamit ng Audience Choice Award.
Sa kasaysayan ng Cinemalaya ay Iti Mapukpukaw ang unang animated film na nakabilang sa competing entries na feature-length.
ACTING WINNERS
Iba-ibang pelikula ang pinagmulan ng acting winners ng 19th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.
Read: Carlo Aquino, Khalil Ramos, Mikoy Morales, iba pang best bets sa Cinemalaya 2023 awards
Best Actor si Mikoy Morales para sa Tether, Best Actress si Pat Tingjuy para sa Rookie, at Best Supporting Actor si Bon Andrew Lentejas para sa Huling Palabas.

Nang i-announce ang pangalan ni Mikoy bilang best actor ay nilapitan siya at niyakap ng direktor ng Tether na si Gian Arre.
Nang i-announce ang pangalan ni Pat bilang best actress ay nilapitan siya at niyakap ng direktor ng Rookie na si Samantha Lee.
Pinagkalooban ng Special Award ang Ang Duyan ng Magiting para sa Best Ensemble Acting. Nasa cast nito sina Dolly de Leon, Bituin Escalante, Agot Isidro, Miggy Jimenez, Jojit Lorenzo, Frances Makil-Ignacio, Paolo O’Hara, Joel Saracho, at Dylan Ray Talon.

Sa Academy Awards or Oscars, madalas na ang best film ay wagi rin sa mga kategoryang best director at best screenplay.
Sa Cinemalaya, hindi ganun. Best film ang Iti Mapukpukaw, pero ang best director ay si Ryan Espinosa Machado para sa Huling Palabas, at ang best screenplay ay natamo ni Jopy Arnaldo para sa Gitling. At may Special Jury Prize ang Ang Duyan ng Magiting.
Nakatatlong technical awards ang When This Is All Over — best cinematography ni Martika Ramirez-Escobar, best original musical score ng Kindred, at best production design ni Kaye Banaag.
Best editing si Ilsa Malsi para sa Rookie, at best sound si Gian Arre para sa Tether.
Tigtatatlo ng tropeyo ang Iti Mapukpukaw, Rookie, at When This Is All Over.
Tigdadalawa ang Huling Palabas, Tether, at Ang Duyan ng Magiting.
Nakaisa ang Gitling.
Ngangey sa awards night ang As If It’s True, Bulawan Nga Usa, at ang documentary na Maria.
THE AWARDS CEREMONY
Mabilis ang seremonya ng awarding ceremony ng Cinemalaya, hosted this year by Jasmine Curtis-Smith.

Kahit may tatlong intermission numbers, wala pang dalawang oras ay tapos na pagkakaloob ng Balanghai trophy.
Walang nominees sa bawat kategorya. Inia-announce agad ng presenter/s ang winner sa bawa’t kategorya.
Maiikli ang mga talumpati ng winners, maging ng organizers.
Inialay ng best supporting actor na si Ben Andrew Lentejas ang kanyang award para kay JM Canlas.
Apat lamang ang itinampok sa segment na Paggunita, Pagkilala, Pagpupugay — sina Mario Dumaual, JM Canlas, Robert Arevalo, at Danny Dolor.
CINEMALAYA VENUE
Ongoing ang major repair sa CCP, kaya lumipat muna sa PICC ang “tahanan” ng 10-day Cinemalaya filmfest.
Tinawag muna ang PICC bilang Philippine International Cinema Center. Iyong meeting rooms na pinagpalabasan ng mga pelikula ay tinaguriang Cinema Rizal, Cinema Bonifacio, Cinema Felipe, at Cinema Palma.
Kasabayan din ang iba’t ibang events sa Tanghalang Ignacio Gimenez o CCP Black Box. Sa basement nito nakapuwesto ang karamihan sa kiosks.
Sa dalawang susunod na edisyon ng Cinemalaya ay hindi pa ito makakabalik sa CCP.
Bahagi ng talumpati ng festival director ng Cinemalaya 2023 na si Chris Millado, “Lumawak ang lasa, damdam at danas ng mga manonood sa isang hain na ngayo’y pinupuri ng marami na isa sa pinakamatagumpay na edisyon ng Cinemalaya…
“Sa mga manonood na ininda ang ulan, trapik, baha, at hinabaan ang pasensya maski matitigas ang upuan, o mahahaba ang leeg ng nakaupo sa kanilang harapan at dahil doon ay hindi na nababasa ang subtitle — dahil sa inyong pag-intindi at pasensya ay naranasan ang mahirap na paglipat ng festival mula sa CCP papuntang PICC.
“Umabot ang audience viewership ng screening natin sa PICC ng 27,000. At nag-increase ng 300 percent ang mga nanood sa ating commercial cinemas.
“Mula 3,000 last year, umabot na tayo this year ng 9,000.”

Apat na sinehan ng Ayala Malls ang pinagpalabasan ng 19th Cinemalaya — Manila Bay, Trinoma, Glorietta at UP Town Center.
Bale umabot ng 36,000 ang viewership ng Cinemalaya this year.
Pahayag pa ni G. Millado, “Maraming salamat sa mga legislators, yung Kongreso, Senado, gobyerno sa inyong pagbigay ng pondo sa Cinemalaya.
Sana’y huwag niyong bawasan kundi dagdagan ang pondo ng Cinemalaya at iba pang mga festivals na katulad nito.
“Huwag po sanang magbuhos lamang sa intelligence fund ang pera ng mamamayan na siyang ginagamit sa pagmamanman…”
Masigabo ang palakpakan at malakas ang hiyawan ng audience, at natatabunan na ang marubdob na panawagan ni G. Millado.
BOARD OF JUDGES
Ang chairperson ng board of judges ng competing filmmakers sa Cinemalaya 19 ay ang aktres na si Shamaine Centenera Buencamino.
Ang apat pang hurado ay ang cinematographer na si Neil Daza, director-visual artist na si Raya Martin, festival programmer na si Park Sungho, at film producer-curator na si Lorna Tee.

Nahirapan ba ang mga hurado sa pagpili ng winners ng Cinemalaya 2023?
“Hindi naman, hindi,” mabilis na tugon ng pinagpipitaganang aktres na si Shamaine.
Sadya bang in-spread out ang awards?
“Hindi naman. There wasn’t a conscious effort to spread it out and everytime meron kaming hindi pagkakasundo, magmu-move on lang kami,” pagsisiwalat ni Shamaine.
“We did not stick, stay. I think that’s the reason why naging smooth yung process. We listened to each other.
“For example, when Neil Daza would speak about cinematography and why he chose those, siyempre makikinig ka, di ba?
“And nobody really na parang nagpumilit, ‘Hindi! Eto talaga ang gusto ko!’ We listened to each other.”
Napaka-unpredictable ng mananalo this year. Maraming deserving!
Pag-ayon ni Bb. Shamaine, “Maraming magaling. Maraming magaling lalo na sa akting. Andaming magagaling, talagang ano…
“Sinasabi ko nga, e, subjective naman talaga ang jury, e, you know. If you have a different set of jury, you’ll have a different set of winners.
“Nagkataon lang na kami yung jury ngayon, and we’re very happy and we’re very proud of our choices.”
Sa mga nakaraang Cinemalaya ay isa o dalawang entry lang ang pinakaangat, pero sa edisyon ngayon ay anim o pito ang tila wala kang itulak-kabigin para sa iba’t ibang kategorya ng pagpaparangal.
“At saka may ibang format. May animation, saka may docu ka.”
First time magkaroon ng animated film sa full length category, at ito pa ang tinanghal na best film.
“Hindi naman. Actually it was unanimous.”
Mabuti at naikonsidera ang mga artista ng Iti Mapukpukaw sa acting categories, at nagwagi si Dolly de Leon bilang supporting actress.
“It’s still ano, e… ang bottomline kasi niyan, kahit naman iyan animation or totoo, ang gauge pa rin is yung akting,” pagmamatuwid ni Bb. Shamaine.
“Kung talagang nakatulong siya sa pag-support, kung magaling yung performance niya as opposed to other supporting characters.”
Mabuti at nagbigay sila ng special award for ensemble acting para sa Ang Duyan ng Magiting!
“Deserving naman kasi. In fact, we were like, ‘Puwede bang magbigay ng more?’ Ha! Ha! Ha! Ha!” pagtawa pa ni Shamaine.
“Puwede bang mag-tie? Di ba?”
Ayaw nila ng mga tabla-tabla?
“Hindi naman. Pero at least, pumayag sila sa ensemble. So, OK na rin yun.”
