Ilang araw nang usap-usapan sa social media kung bakit iba na ang glam team ng Kapuso actress na si Heart Evangelista.
Hindi kaila sa mga masugid na tagasubaybay ni Heart na madalas bahagi ng kanyang entourage ang kanyang glam team—kabilang ang makeup artist na si Justin Louise Soriano at hair stylist na si Jeck Aguilar.
Madalas na kasama rin ang mga ito sa trabaho ni Heart sa Paris, base na rin sa IG Stories at vlog ng aktres.
Pero nitong nagdaang ilang buwan ay tila missing in action ang dalawa. Tila Abril o Marso pa nang huling mag-post sina Justin at Jeck ng ginawa nilang look ni Heart sa Paris Fashion Week.
Nakumpirma ng netizens na hindi na sina Justin at Jeck ang glam team ni Heart sa kakatapos na GMA Gala 2023 at State of the Nation Address (SONA)—ang magkasunod na big events na dinaluhan ng aktres.
Read: Heart Evangelista stuns in Maison Schiaparelli, Bulgari at GMA Gala 2023
Dagdag pa rito ay marami ang nakapansing hindi na nagpa-followan sa Instagram sina Heart at ang dating glam team nito.
Sa comments section ng Instagram feed nina Justin at Jeck, hindi maiwasang magtanong ang netizens kung bakit hindi na magkakasama ang mga ito.



Sa dami ng mga nag-uusisa, dalawa lang ang sinagot ni Justin kamakailan.
Kasabay ito ng kumalat na espekulasyong diumano'y ginamit ni Justin nang walang pahintulot ang credit card ni Heart.
Mariin itong pinabulaanan ni Justin.
Diretsahang sagot niya sa isang netizen: "@jecka never ever used her credit card. Why would we use it? We have our own. [brain emojis]."

Binanggit ng isa pang netizen kay Justin ang tungkol sa isang blind item na nauugnay kina Justin at Jecka.
Ayon sa netizen, sinasabing "naalis" sina Justin at Jecka bilang glam team ni Heart "dahil may nagalaw na anda."
Hindi ito pinalampas ni Justin.
Reply niya sa netizen (published as is): "uhmm sorry but i cant let this pass lang. specially pera ang pino-point out.
"The falling out has nothing to do with money matters."
Sa mga salita ni Justin ay kinumpirma nitong may "falling-out" sila ng aktres. Hindi lang niya ipinaliwanag kung ano ang mitsa ng kung anuman ang kanilang di pagkakaunawaan.
Pero umapela si Justin na huwag nang palakihin ang isyu.
"Pls lets stop making issues. We are over it already. Patahimikin na po natin ito," saad ni Justin.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay tahimik pa rin ang kampo ni Heart ukol sa isyu.
Read: Is Joshua Garcia dating French-Filipino golfer Emilienne Vigier?
