Sinang-ayunan ni Janno Gibbs ang naging reaksiyon ng Pinay Broadway star na si Lea Salonga nang magtangkang pumasok ang ilang "fans" sa kanyang dressing room sa backstage ng Broadway musical na Here Lies Love, sa New York.
Ayon sa comedian-singer, bawal talaga ang audience sa backstage o dressing room ng performers na wala sa guest list.
Pero sana raw ay sinabi nang maayos ni Lea ang kanyang punto para hindi napahiya ang fans na gustong magpa-picture sa kanya.
Buong post ni Janno sa kanyang Instagram Story kagabi, July 18, 2023, “Nasa tama naman si Ms. Lea. Bawal talaga sa dressing room/backstage ang wala sa listahan.
“Sana lang nasabi niya ng maayos. Yung hindi mapapahiya ung fans. Sa akin lang nmn."

Kinuyog ng netizens ang uploader ng viral video na si Christopher Carpila dahil sa pag-post niya ng video ng encounter nila kay Lea sa dressing room nito sa Broadway Theatre noong July 15.
Sa nasabing video, mapapanood ang ganitong eksena:
Fan: "Hi Miss Lea! Can we take pictures with you?"
Lea: "Who are you? I'm sorry, I don't know who you are.”
Fan: "We're just a fan...please.”
Mapapansing hindi kumportable si Lea sa sitwasyon, ngunit maayos pa rin niyang ipinaliwanag sa "fans" na kung wala sa guest list ay hindi pinapayagang pumasok sa dressing room niya para na rin sa kanyang seguridad.
Ani Lea, “If you're not on the guest list we cannot have you back here. So, you'll have to get to the door because if I allow this now then other people are gonna take advantage.”
Read: Lea Salonga addresses dressing-room incident with Pinoy fans in Broadway
Sa panayam ng One PH kay Carpila, nanindigan siyang wala siyang ginawang masama kaya hindi raw siya hihingi ng dispensa.
Aniya, “Hindi ko alam kong kailangan kong gawin yun or what, pero pasensiya na pero siguro hindi.
“Alam ko wala akong ginawang masama. Alam ko yung pagka-post ko, hindi ko intensiyon na manira or ipakita sa buong mundo na yun siya.
"Katulad nung sinabi ko, tao lang tao lang na hindi nakapag-isip nung kinlick. Wala naman po akong sinabing masama.”
Read: Uploader of viral Lea Salonga video says he will not apologize: “Wala akong ginawang masama.”
