Nagbigay-pugay sa pumanaw na ABS-CBN entertainment reporter na si Mario Dumaual angTV Patrol anchors na sina Karen Davila, Henry Omaga-Diaz, at Bernadette Sembrano sa live newscast nila kagabi, July 5, 2023.
Pumanaw si Mario kahapon, sa edad na 64, dahil sa septic shock.
Read: Veteran ABS-CBN entertainment reporter Mario Dumaual dies at 64
Bago matapos ang TV Patrol, ibinahagi ng Kapamilya news anchors ang kanilang pagkakakilala kay Mario.
Saad ni Henry, “Siyempre, ang aming pakikiramay po, sa ngalan ng ABS-CBN at TV Patrol, siyempre sa pamilya ni Mario.
“Isang mabuting kaibigan, isang institusyon sa larangan ng entertainment industry.”
Tinanong siya ni Karen kung ilang taon silang nagkasama sa trabaho ni Mario.
Tugon ni Henry, “More than 30 years. Nung dumating si Mario… tsaka ang style ng reporting, hindi dati ganun, e, sorry ha, pero hindi dati ganun sa entertainment news.
“Nung dumating si Mario, puwede pala yung straight journalism sa entertainment. Andun yung respeto.”
Dagdag ni Bernadette, “Hindi showbiz yung pagri-report.”
Ayon naman kay Karen, “Saka yung may dignidad, may respeto, and yung istilo bilang journalist talaga.”
Lahad naman ni Henry, “At alam naman natin si Mario ay isa sa pinakarespetadong reporter, personalidad, dito sa newsroom, sa ABS-CBN.”
Pagsang-ayon ni Karen, “Kasi mabuti siyang tao, e, mabait.”
Sambit naman ni Bernadette, “So, ipagdasal po natin lalo na yung pamilya ni Mario sa mga sandaling ito. Nakikiramay po kami.”
Deklarasyon ni Karen, “And isang pagpupugay sa yo, Mario Dumaual. Hindi ka makakalimutan.”
Nagsimula na ngayong hapon, July 6, ang lamay kay Mario sa Loyola Memorial Chapels and Crematorium sa 25 Commonwealth Avenue, Matandang Balara, Quezon City.
Nakatakda naman ang paglilibing sa kanyang mga labi sa Loyola Memorial Park, Marikina City, sa Linggo, July 9.
Read: Mga maling impormasyong kumalat tungkol sa pagpanaw ni Mario Dumaual
