Kumakalat ngayon sa social media ang CCTV footage na kuha sa loob ng Bolthole Bar, sa Poblacion, Makati City, ilang sandali bago maganap ang kinasangkutang rambulan ng TV-movie personality Awra Briguela noong madaling-araw ng Huwebes, June 29, 2023.
Ang naglabas ng video ay ang content creator na si Xian Gaza, sa pamamagitan ng Facebook, habang inilalarawan naman ng tila isang staff ng Bolthole ang mga kaganapang mapapanood sa CCTV footage.
Sa video, makikita si Awra kasama ang kanyang mga kaibigan na kinakantiyawan ang grupo ng mga kalalakihan na nandoon din sa bar.
Kuwento ng staff ng nasabing bar, nagsimula raw ang gulo sa pagitan ng grupo ni Awra at ng nakasagupaan niyang mga kalalakihan nang hindi pagbigyan ng complainant ang hiling ng TV and movie personality.
Ayon sa staff, gustong magpa-picture ng grupo ng kalalakihan kay Awra, pero nagulat daw sila nang hilingin ni Awra na maghubad muna ang complainant bago niya ito pagbigyan.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit kinakantiyawan ng grupo ni Awra ang complainant dahil tinangihan niya ang hiling ng dating child star.
Makikita rin sa CCTV ng bar, dakong ala-singko ng umaga, ay kalmadong lumabas ng bar ang mga kasamahan ni Awra. Nakipagkamay at fist bump pa ang ilan sa ito sa grupo ng complainant.
Hindi nila kasamang lumabas si Awra dahil nagpaiwan daw ito sa loob para kausapin ang complainant na pinipilit niya umanong maghubad.
Nang makaalis na ang mga kaibigan, makikita sa CCTV footage na sinundan ni Awra ang lalaki sa sulok hanggang sa hubarin nito ang pantaas niyang damit.
Ngunit ayon sa staff ng bar, hindi ito naging sapat kay Awra dahil gusto raw nitong pati ang suot na pantalon ng lalaki ay hubarin nito.
Nang tumanggi ang lalaki ay nagalit daw si Awra, at makikita sa video na itinulak nito ang complainant at ang kaibigan nito.
Makikita ring pilit na hinahatak ni Awra ang damit ng complainant hanggang sa matumba sila at mapunit ang suot na damit ng lalaki.
Ayon pa sa staff, pilit ding inaawat ng bouncers si Awra ngunit ayaw nitong kumalma at pati mga staff ng bar ay tinutulak na rin nito.
Sa puntong ito ay mapapanood sa video na lumabas na ng bar ang complainant at ang kanyang mga kasamahan para hindi na magkagulo, pero patuloy silang sinundan ni Awra.
Habang pababa ng hagdan ang mga kalalakihan, makikita sa video na pinipigilan ng bouncers ng bar si Awra na habulin ang mga ito upang hindi na magpang-abot. Ngunit imbes na magpaawat ay mas lalong nagpumiglas si Awra.
Ayon sa staff, sinasabi ni Awra na gusto nitong sapakin ang lalaki dahil hindi siya nito napagbigyan.
Nang makalabas si Awra sa bar ay agad niyang hinanap ang lalaki at dito na raw nagsimula ang kanilang rambulan.
May isa pang video na inilabas si Xian kung saan mapapanood at maririnig na kinakantiwayan ni Awra at ng kanyang mga kaibigan ang complainant na maghubad. Malinaw na nagakakasayahan ang magkabilang grupo sa kuhang ito.
Ang lumabas na CCTV footage ay tugma sa salaysay ni Mark Christian Ravana, ang complainant, sa panayam sa kanya ng news program ng TV5 na Frontline Pilipinas noong Huwebes ng gabi, June 29.
Pahayag niya, “Nakursunadahan niya siguro ako tapos hindi niya ako pinalabas ng bar.
"Unang-una talaga, hindi ako pumapatol. Naka-hands up pa nga ako. Sinundan talaga ako sa baba.
"Then nagulat ako, may sumuntok na sa akin. Madami na ang sumuntok sa akin, lumaban lang ako."
Nadamay rin ang Bolthole bouncer na si Angelo Niño Gulmatico, na nasugatan habang umaawat pero napag-initan ng mga nagtatanggol kay Awra.
“Umaawat lang po ako tapos sinapak po ako, nasaktan po ako.
"Si Awra po. Hindi na siguro mapigilan. Kung sinu-sino na siguro yung nasasaktan niya,” salaysay ni Gulmatico sa Frontline Pilipinas.
Hindi napanood sa CCTV footage ang sinasabing harassment na naranasan ng mga kaibigang babae ni Awra.
THE FIRST VIDEO
Sa unang video nag-viral sa social media, makikita ang suntukan ng grupo ng kalalakihan at grupo ni Awra sa labas ng Bolthole bar.
Naaktuhan pa si Awra na pinipigilan ng kanyang mga kasamahan habang pilit na lumalapit sa nagkakagulong kaibigan.
Sa isa pang anggulo, ang isa sa mga kasamahan ni Awra ay napatumba sa suntok ng mga lalaki.
Agad naman daw dumating ang mga pulis upang awatin ang mga nagsusuntukan.
Kasama sa kumalat ang video kung saan makikitang pinosasan ng mga pulis si Awra, na pumipiglas habang isinasakay sa police vehicle.
Read: Awra Briguela, pinosasan matapos masangkot sa rambulan sa Makati
Ikinagalit ito ng netizens at binatikos ang mga pulis at ang mga nakaaway ni Awra.
Nag-trend din ang mga hashtag na #JusticeForAwra at #IAmWithAwra para ipakita ang suporta nila sa Kapamilya star.
Unang lumutang sa social media ang alegasyong may nahipuan sa mga kaibigan ni Awra kung kaya’t nagsimula ang gulo.
Lumabas sa social media ang mga kaibigan ni Awra, na karamihan ay content creators, upang depensahan ang TV-movie personality at kondenahin ang paraan ng pag-aresto rito.
Kabilang sa nag-post sa social media ay si Zayla Nakajima, na siya umanong hinipuan ng complainant na si Mark Christian Ravana. Ayon kay Zayla, ipinagtanggol lamang siya ni Awra dahil sa pambabastos na ginawa sa kanya at isa pang kaibigang babae.

Pero ayon sa panayam ng Makati Police sa GMA News, wala silang natanggap na complaint mula sa grupo ni Awra na binastos sila ng mga kalalakihan.
Pahayag ni Makati Chief of Police Col. Edward Cutiyog, “Tinanong din po natin sa grupo ni Awra kung mayroon sa kanila ang magko-complain, kung sinasabing may allegedly may hipuan ayun din kasi ang sinasabi na ugat.
“Pero so, far wala naman. If may pumunta man dito at mag-complain then we will assist immediately.”
Read: Riva Quenery, Sassa Gurl, Barbie Imperial, other celebs show support for Awra Briguela
