Binanggit ng aktres na si Deborah Sun, 64, kung bakit hindi siya nabibigyan ng pagkakataong muling makapagtrabaho sa showbiz.
Si Deborah ay nakilala noong late '70s at '80s. Ilan sa mga tumatak niyang pagganap ay sa pelikulang Bedspacers (1979), Temptation Island (1980), at Pakawalan Mo Ako (1981).
Subalit dahil nalulong sa masamang bisyo noon, nagsimulang tumamlay ang career ni Deborah. Inamin niyang hanggang ngayon ay ito pa rin ang reputasyon niya sa iba.
Si Deborah ay anak ng direktor na si Leroy Salvador, pamangkin ni Phillip Salvador, first cousin ni Maja Salvador, at half-sister si Jobelle Salvador.
Sa recent articles ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nabanggit na si Deborah ay matagal nang naninirahan sa isang condominium unit na pag-aari ng aktres na si Ara Mina.
At ito ang summary ng kasalukuyang buhay ni Deborah:
“I'll be straight, nabubuhay ako sa tulong ng tao. Sa tulong…” banggit ni Deborah sa YouTube video ni Snooky Serna na lumabas noong June 24, 2023.
Ang ibang tao raw ay nagsawa nang tumulong sa kanya.
“Hindi na ako sad naman, siyempre, alam mo, ang tao… people get fed up. Siguro napagod sila kakatulong, which is, hindi ko naman ginusto nitong buhay ko, e.
“Pero kung ayaw niyo sa akin, wala akong magagawa. Hindi ko para halikan ang paa niyo, whatever. Parang, [kung] gusto niyo, ako, this is me.
“This is me, I'm Gigi Salvador, or Deborah Sun or, generally speaking, if you like me, thank you so much.
“Pero alam ko marami may ayaw sa akin, lalo na sa pinagdaanan ko…
“Iniisip na nagda-drugs pa ako. Masakit dahil hindi na naalis sa isip nila, sa utak nila…
“Kaya nga wala akong project dahil doon, e. Yun na nakatatak na sa utak nila.”
Sambit pa ni Deborah, “Mahirap maging mahirap.”
DEBORAH MENTIONS THE CELEBS WHO CONTINUE TO HELP HER
Inisa-isa ni Deborah ang showbiz personalities na patuloy na tumutulong sa kanya hanggang ngayon.
Isa na raw rito ang tiyuhin niyang si Phillip Salvador.
Ani Deborah, “Kung tutuusin, hindi niya ako obligasyon. Pamangkin lang niya ako, e.
“Pamangkin lang niya ako through my dad. Pero kumbaga, pag humingi akong tulog, hindi nagdadalawang-salita.”
Hindi rin daw siya tinatanggihan ng tulong ni Boy Abunda.
“Hindi ako obligasyon ni Boy. Pero pag umano ako kay Boy, kahit ano, kung umano ako kay Boy, pang-ospital, andiyan si Boy Abunda talaga.”
Lubos-lubos din ang pasasalamat niya kay Ara Mina. Pitong taon na kasing nakatira sa condo unit ni Ara si Deborah nang libre.

“Talagang siya mismo nag-offer sa akin niyan…” ani Deborah.
“Kung tututusin, hindi ko naging barkada, hindi ko kaedad si Ara Mina.
“Pero nung malaman niya ang sitwasyon ng buhay ko, na kami mag-iina, ano siya, tinulungan niya kami.
“Up to now, nakatira ako sa isang unit niya diyan sa Cubao for seven years.
“Ara Mina, thank you so much. For seven years, wala akong binabayaran talaga sa upa… big help. Sobra, lalo wala akong trabaho.”
Bukod pa rito ay nagpapadala rin daw si Ara ng grocery items kay Deborah.
Gayundin daw si Aiko Melendez na half-sibling ang isang anak ni Deborah na si Jam Melendez.
May anak si Deborah sa yumaong ama ni Aiko na si Jimi Melendez.
Sabi ni Deborah kay Aiko, “Talagang provided niya lahat yung mga pagdating sa medical, pang-doktor, Pasko, Bagong Taon…
“I'm very thankful din kay Aiko dahil hindi niya pinababayaan yung kapatid niya sa akin, yung ganon, I mean, di ba, it's a blessing.”
STILL FEELING BLESSED
Kaya naman daw malaki ang pasasalamat ni Deborah na kahit umaasa siya sa iba, may mga tao pa ring nag-aabot ng tulong sa kanya.
“Sabi nga nung ibang friend ko, kahit ganito, ito ang tagal ko walang project, 'God is really good sa iyo, napakabait…'”
Ang hangad daw ni Deborah ngayon ay mapabuti ang kanyang mga anak.
Sabi niya, “Ako, ang dami kong problema, kung imumukmok ko yon kasi, e, di lagi ka na nandon sa bahay…”
Nakakatulong daw ang pagiging palabiro niya.
“Kasi kung didibdibin ko, anong mangyayari?
"Inaano ko lagi na, sabi ko, ‘Lord, naku kung di sa Iyo, wala na, kawawa na buhay namin mag-iina. Kumbaga, Ikaw lagi nandiyan. Ikaw ang bumubulong sa mga puso ng mga tao ang tumutulong sa amin, sa aming mag-iina.'”
Sa naturang interview, nanawagan din si Snooky na bigyan ng pagkakataon si Deborah na makapagtrabaho muli sa showbiz.
