Back in the day, napaka-agresibo ko mangulit ng mga artista tungkol sa mga isyung may direktang kinalaman sa kanilang buhay at karera.
May mga pagkakataon ding kahit hindi sila ang sangkot sa isyu pero may kaugnayan sila sa artistang may intriga, sinusundot ko na rin lang at baka sakaling may makuhang kasagutan.
Ito ang nangyari sa aking personal encounter with award-winning actress Cherie Gil.
Read: Cherie Gil more than just a "La Primera Contravida"
Taong 2016, kainitan ng isyu kina Andi Eigenmann at Jake Ejercito at sa anak nilang si Ellie.
Anak si Andi ng yumaong kuya ni Cherie na si Mark Gil.
Noong panahong iyon, umiiwas sa mga panayam ang magkabilang kampo.
Sumasabay pa noong September 2016 si Max Eigenmann, isa ring pamangkin ni Cherie at half-sister ni Andi, na siyang nagsabi kung sino ang totoong ama ni Ellie: ang long-time, on-and-off boyfriend ni Andi noon na si Jake.
Read: Jake Ejercito is the father of Andi Eigenmann's daughter, claims Andi's sister
Kaya naman sa isang event sa Makati noong October 20, 2016, hindi pinalampas ng manunulat na ito na usisain kay Cherie ang tungkol sa isyu ng pamangkin.
The late Cherie Gil at the event called Project Hairshot Clinix x The Red Whistle’s Road to World AIDS Day 2016, at Pineapple Lab, Makati City.
Matapos mapag-usapan ang kanyang pagiging supporter sa isang event sa Makati, tinanong ko, bilang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) senior reporter, kung aware siya sa isyung kinaharap ni Andi.
Nung narinig ng beteranang aktres ang tanong, halatang nag-iba ang timpla ng mood nito.
Sabi niya, “I am not in a position to [react to] this, and I think it’s quite insulting that you asked me this.
"You ask Andi, it’s her story to tell.”
Matapos nito ay tinalikuran ni Cherie ang writer na ito at ang dalawang TV news crew na nag-interview sa kanya.
Panoorin ang video:
Nakailang beses na rin naming nakasalubong mula noon si Cherie sa mga events at presscon pero tila nakalimutan na niya ang engkuwentrong nangyari sa amin.
Pakiramdam ko, kasama sa pag-iinterbyu na minsan ay matarayan ang isang reporter ng isang celebrity lalo kapag siguro may bumabagabag sa kanila.
O kaya ay may personal problems sila na hindi natin nalalaman.
Yung sa akin, naintindihan ko si Ms. Cherie dahil hindi naman talaga dapat sa kanya manggagaling ang kasagutan sa kung sino ang tunay na ama ni Ellie dahil, una sa lahat, si Andi lamang ang makakasagot nito at si Jake.
At tinatanggap ko na mali ako sa pagkakataong iyon.
Sumalangit-nawa!
XIAN LIM
Nauwi ang isang tampuhan namin ni Xian Lim sa maayos na pagpapatawaran.
Noong wala pa ako sa PEP.ph, naging bahagi tayo ng defunct show ng TV5 na Juicy, Ang Latest, at Paparazzi bilang segment producer-writer.
Naging kolumnista din tayo sa ilang tabloids, kabilang na ang Pinoy Parazzi, Hataw, Tempo, at Bulgar.
Nakalimutan ko na ang punu’t-dulo ng sigalot na namagitan sa amin ni Xian: kung may negative ba akong nasulat sa kanya sa tabloid o may TV interview bang may natanong akong mali.
Wala talaga akong kaaalam-alam na may galit pala siya sa akin.
Taong 2013, bago pa lamang ako sa PEP.ph, isang pictorial ng Summit Media ang pinuntahan ko sa aming Pasig Studio.
Napagtanto kong si Xian pala ang ini-interview at pinipiktoryal ng aming sister magazines. (May printed magazines noon ang Summit Media, kasama na ang YES! Magazine.)
Nakita na pala ako ni Xian.
Ang ipinagtataka ko ay kung bakit natigil ang pictorial.
Nagkaroon pala ng tensiyon sa pagitan ni Xian at ng sister magazine namin. Ang siste, hindi niya itutuloy ang pictorial hangga't naroon ako sa studio.
Tinawagan ako ng publisher at sinabi ang sitwasyon.
Para walang gulo, ako ang umalis, at natuloy ang pictorial.
Fast-forward sa taong 2016, February 3, isang event ni Xian ang aming dinaluhan.

Xian Lim at solo presscon for his 2016 movie, Everything About Her, with Vilma Santos and Angel Locsin, February 2, 2016, at a popular food chain in Quezon City.
Kahit na alam kong may tensiyon sa amin, inisip kong masu-survive ko ito basta't huwag na lang lumapit sa kanya.
Sa event, nagkasabay pa kami sa CR, at nakayuko na lamang ako.
Hanggang sa bago magsimula ang kanyang presscon, lumapit siya sa akin at, voila!, bati na kaming dalawa.
Haba ng hair!
By the way, patuloy ko pa ring iniisip hanggang ngayon kung paano sumama ang loob sa akin ni Xian.
Nang pilit kong isipin, siguro may nasulat ako sa tabloid na hindi naging maganda ang dating sa kanya.
Kung makarating ito kay Xian, paki-DM (direct message) mo nga ako sa Instagram para hindi na ako nag-iisip hanggang ngayon? Hahaha!!!
Pero, in fairness, mabait talaga si Xian at hindi mahirap mahalin bilang kaibigan.
Read: Xian Lim earns praise for his acting in Everything About Her
Panoorin ang video kasi, bago pa mauso ang “pabuhat” sa ML (Mobile Legends), nauna na akong buhatin ni Xian:
AI-AI DELAS ALAS
Nagtampo ata si Ai-Ai delas Alas sa akin taong 2014.
Bago niyan, “favorite” pa ang tawag niya sa akin.
The author with Ai-Ai delas Alas taken at an event.
Nabuko ko kasi ang relasyon nila ng noo'y La Salle badminton player na si Gerald Sibayan, na asawa na niya ngayon.
September 15, 2014, lumabas sa ilang Facebook pages ang mga larawan nina Ai-Ai at Gerald.

Ai-Ai and Gerald photos that surfaced online in September 2014.
Kaya hinanap ko ang totoong pangalan ng lalaki at sinubukang mag-private chat sa Facebook.
At hindi namin inaasahan na sasagot ito, diretso.
Sa Facebook chat, tinanong ng PEP.ph si Gerald kung matagal na bang naging sila ni Ai-Ai.
Matipid na sagot ni Gerald: “Opo. God bless you.”
Mula noon, hindi na ako na-assign sa mga events ni Ai-Ai dahil galit daw ito sa akin.
Binlock din niya ako sa Instagram account niya.
Pero taong 2017, bumisita sa opisina ng Summit Media si Ai-Ai para sa isang PEP Talk.
At dun na namin tinapos ang tampuhan.
KONTING HISTORY: CO-HOST AKO SA CRISTY FERMINUTE
Aside from writing and producing scripts for showbiz talkshows, at suma-sideline din bilang kolumnista, rumaket din tayo sa radyo bilang co-host ng aming nanay-nanayan sa showbiz na si Cristy Fermin sa Cristy FerMinute.

At Radyo 5 Studio in Novaliches, Quezon City, with Cristy Fermin.
Tandang-tanda ko pa sa pilot episode namin noong November 8, 2010, nang una kaming sumahimpapawid sa 92.3 NewsFM.
Kasama namin bilang co-host sa show na pinangungunahan ni Nanay Cristy sina Elmer Reyes at ang namayapang showbiz scribe na si Richard Pinlac.
Guests sa show noong araw na iyon sina Willie Revillame at ang baguhang si Shalani Soledad para i-promote ang Willing Willie.
Ang Willing Willie noon ay ang pinipilahang primetime gameshow ng TV5 sa Novaliches.

My selfie with Willie (left) and Shalani at Radyo Singko studio in Novaliches.
Masaya din mag-radyo. Maraming puwedeng pag-usapan at daldal ka lang nang daldal sa ere lalo na sa mga tsikang gustung-gustong marinig ng listeners.
Pero, kailangan kong lisanin ang radyo at TV5 para maghanap ng trabahong may seguridad.
At dito na nga tayo napadpad sa Summit Media.
December 8, 2013 ako opisyal na nagsimula bilang empleyado ng kumpanya.
At mula noon, mas lalo pang lumaganap ang aking pakpak sa pagkalap ng balitang showbiz at paghatid ng mga kontrobersiyal na istorya.
Mula din noon, marami tayong mga engkuwentro sa ilang celebrities na masasabi nating hindi magandang pangyayari.
At atin iyang tilad-tilarin sa mga susunod nating pagdaupang-palad!
