Trending ngayon sa Tiktok ang isang jeepney driver na tinalakan ang isang babaeng pasahero.
Common concern ang panukli kaya nga't madalas ipaskil sa mga jeep, bilang paalala sa mga Pinoy commuters, ang, "Barya lang po sa umaga."
Pero sa viral video na meron na ngayong higit sa 14 million views, limang daang piso (PHP500) ang ibinayad ng babae kay Manong Driver.
Nainis ang driver dahil wala raw siyang panukli dahil kasisimula pa lamang niyang magbiyahe.
“BARYA LANG PO SA UMAGA”
Mapapanood sa video na tinanong ang pasahero kung wala ba siyang barya.
Sumagot ang pasahero ng "wala."
Dito na nagsimula ang sagutan ng dalawa habang umaandar ang dyip.
Tanong ng driver, “Ilan ito PHP500?”
Sagot ng babae, “Isa lang po."
Driver: “Wala kayong barya, ‘te? Ang aga pa. Unang ikot ko pa lang, e. Kahit limang piso lang o sampu. Pahingi na lang. Unang ikot ko lang kasi.”
Bakas sa boses ng driver ang iritasyon.
Sagot naman ng pasahero, “Wala nga pong barya, ayan lang.”
Nainis nang husto si Manong Driver, at nasambit niya, “Anak ng kamote.”
Ipinaabot ng driver sa iba pang pasahero ang PHP500 pabalik sa female passenger.
“Pakibalik na lang po. Sige na po,” saad ng manong.
Pero nagmatigas ang babae, ibinalik nito ang PHP500 sa driver at magbabayad daw siya.
Hindi masyadong marinig ang sinasabi ng babae dahil sa ingay sa paligid. Pero base sa caption ng video, iginigiit ng babae na hindi na niya problema kung walang panukli ang driver.
Sa puntong ito, tumitingin na rin ang iba pang pasahero dahil sa pagtatalo ng driver at female passenger.
At sa sobrang pagkainis ng driver, ipinaabot niya ang isang supot ng barya sa babaeng pasahero, sabay-sabing, “Eto na, eto na para madala iyang si Ate. Aga-aga limang daang piso ang ibibigay. Eto na!”
Sumagot ulit ang babae, “Wala nga akong pera, e.”
Katuwiran ng driver, “Alam mo namang sasakay ka ng jeep, e, hindi mo papapalitan?!”
Hirit ng babae, “Kasalanan ko pa ba yun?”
Dahil nagkakaroon na ng tensiyon sa pagitan ng dalawa, may pasaherong nagmagandang-loob at nagbayad na ng pamasahe ng babae, at ibinalik ang kanyang PHP500.

Nabawasan ang tensiyon sa pagitan ng jeepney driver at female driver nang magmagandang-loob ang isang male passenger (encircled) na siya na ang magbabayad sa pamasahe ng female passenger.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang sagutan ng dalawa.
Makikita ang nagmagandang loob na pasahero na sinabihan ang female passenger na huwag nang makipagtalo pa sa driver.
Banat naman ng driver: “Huwag ka nang maingay, Ate, baka sirain mo pa ang araw ko.”
Nagdesisyon na lang ang female passenger na bumaba, at nagpahabol pa ang driver na inakusahan ang pasaherong ayaw lang daw magbayad.
REAKSiYON NG NETIZENS
At press time, patuloy ang pagdami ng views ng viral video na mayroon nang kalahating milyong reactions.
May mga nagsabing yung pasahero ang may mali.
Meron din nagkomentong “konting konsiderasyon naman sa driver, ate.”
At meron ding nagsabing ang driver daw ang mali dahil wala siyang handang panukli.
Ganunpaman, pag sa jeep ka sasakay, mas mainam pa ring barya ang dala mong pera, lalo pa’t maaga kang sasakay.
Parehong may katuwiran at mali ang dalawang panig.
Responsibilidad ng driver na magkaroon ng panukli sa mga pasahero, pero mainam din na magkaroon ng konsiderasyon ang mga pasahero.
Mabuting magkaroon ng barya o kaya ay mas maliit na halaga ng pera sa simula pa lamang ng araw.
Marahil ay naiwasan din ang tensiyon kung hindi naging mainit ang ulo ng driver at naghinay-hinay sa mga binitawang salita, lalo at may iba pang pasahero.
Marahil din ay hindi na nagkaroon ng sagutan kung pinili ng babaeng huwag nang patulan ang driver.
Para sa dalawa, higit pa sa iringan tungkol sa panukli, mas maigi kung dadaanin ang mga bagay-bagay sa malumanay na usapan.